KULUNGAN ang kinasadlakan ng anim na indibidwal kabilang ang tatlong drug suspects nang maaresto ng pulisya sa magkahiwalay na operation sa Valenzuela City, Huwebes ng hapon.
SA ulat ni police investigator PSSg Pamela Joy Catalla kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Police Sub-Station 1 sa M. Gregorio St., Bypass, Brgy., Canumay West nang maaktuhan nila ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng ‘lucky 9′ ala-1:15 ng hapon.
Nilapitan nila ang mga ito sabay nagpakilala bilang mga pulis bago inaresto at nakumpiska sa dalawa ang bet money, baraha at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas “Jonatan’, 31.
Bandang alas-2:37 ng hapon nang maaresto naman ng mga tauhan ng Police Sub-Station 9 ang dalawa ring lalaki na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa isang abandonadong bahay sa Camia St., Simeon Doon Comps., Brgy. Karuhatan.
Nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas “Wilson “, 31.
Sa Brgy., Malinta, natimbog naman ng mga tauhan ng SS4 ang dalawang lalaki habang naglalaro umano ng sugal na ‘cara y cruz’ sa Pinagpala St., Pinalagad, Brgy., Malinta dakong alas-5:45 ng hapon.
Ayon kay SDEU investigator P/MSgt. Carlito Nerit Jr., nakumpiska sa dalawa ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nakuha kay alyas”Romeo “, 43. (Richard Mesa)