VIP PRISONERS SA BUCOR, GATASAN NI GEN. CATAPANG
- Published on April 18, 2026
- by @peoplesbalita
MATAGAL nang pinagkakakitaan di umano ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang ang ilang mayayamang foreign prisoners na namumuhay ng VIP treatment o mistulang naghahari-harian sa loob ng mga bilangguan na pinapatakbo ng BuCor sa iba’t ibang panig ng bansa.
Isa na rito ang notoryus na drug kingpin na si Park Wang Yeol aka “Worldwide” na na-extradite kamakailan lamang patungong South Korea matapos makulong nang halos dekada na sa Muntinlupa na pinangangasiwaan ng BuCor.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source sa loob ng BuCor, malaki laki na raw ang ipon nitong si General Catapang dahil limpak limpak na salapi ang kapalit o mga padulas maipagpatuloy lamang ang marangyang pamumuhay gaya na lamang sa naturang Koreano bukod pa sa iba pang high profile inmates na pawang Chinese nationals.
Ang nagagawa nga naman ng salapi ano basta’t may padulas, alagang-alaga ka raw ni Gen. Catapang kaya’t tuloy ang luho at ligaya sa loob ng bilangguan dito lamang yan sa BuCor.
Kaya naman malamang sa malamang ay labas masok pa rin ang mga kontrabando sa loob ng mga kulungan ng BuCor gaya ng droga basta’t may lagay ka.
Alam kaya ito ng Malacanang? Pihadong sibak sa tungkulin itong si BuCor Chief Catapang oras malaman ni Pangulong Bongbong Marcos ang nangyayaring kabulastugan sa kanyang ahensya.
Kamakailan lamang ng madiskubre ang mala- hotel na pasilidad sa loob ng BuCor na pinapaupahan kada araw di umano ni Gen. Catapang sa mga High Value Chinese Prisoners.
Kaya naman patuloy ang pamamayagpag ng mga maimpluwensiyang bilanggong foreigners na karamihan ay napapabilang na Intsik na puro VIP treatment sa mga bilangguan ng BuCor partikular sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Occidental Mindoro.
Patuloy kasing pinahihintulutan ng sindikato ito kung saan may tinatanggap na padulas mula sa mga foreigners na gustong gumamit ng pasilidad.
Malaking salapi ang katumbas nito kaya ba nakakapag-remit si Gen. Catapang noon ng male-maletang pera na pinatunayan ng 18 marines ng idawit ang heneral sa naturang isyu.
Napag-alamang nagsimula ang VIP treatment ng mga dayuhang bilanggo simula sa termino ni Gen. Catapang kung saan kaya pala malakas ang loob ng heneral na gumawa ng raket dahil ka close pala nito o ka brad si dating Justice Secretary Crispin Boying Remulla na kasalukuyang tumatayong Ombudsman.
Totoo kaya ito Mr. Ombudsman Boying? Aba naman kapag malaman pa ito ni Ombudsman ay tiyak yare itong si Gen. Catapang dahil mismong pangalan na nya ang nakakaladkad sa isyu.
Mukhang marami-rami pang anomalya itong sindikato ni Gen. Catapang ang matutuklasan sa loob ng BuCor dahil sa hindi maiwasang ikanta ng ilang nasa loob ng BuCor ang mga kababalaghan sa kanilang ahensya. Abangan ang susunod na kabanata! (JPR)