• October 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September, 2026

Alas Pilipinas Men’s, laglag sa Asian Games 2026 matapos ang sunod-sunod na pagkatalo

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NABIGO ang Alas Pilipinas Men’s Volleyball Team na makuha ang kanilang unang panalo sa Pool D ng Asian Games 2026 matapos silang talunin ng Chinese Taipei sa isang dikit na laban, 25-21, 20-25, 27-25, 29-27.Labor Issues Analysis

Matapos ang pagkatalo, nagtapos ang kampanya ng Pilipinas sa elimination round nang walang panalo. Nauna nang natalo ang Alas Pilipinas sa South Korea sa straight sets, bago muling natalo sa China sa straight sets.

Sa kabila ng matinding laban kontra Chinese Taipei, hindi na nakahabol ang Pilipinas sa quarterfinals. Tanging dalawang nangungunang koponan mula sa bawat pool ang umaabante sa torneo.

Kapos na suporta para sa ilang Asian delegates, pinaiimbestigahan ni PBBM

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang masusing imbestigasyon sa ulat na may ilang atletang Pinoy partikular na ang mga miyembro ng Alas Pilipinas men’s volleyball team, ang nagbabayad ng sarili nilang pera o nagkakanya-kanyang gastos para sa pagkain para sa nagpapatuloy na Asian Games in Japan.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ayaw ni Pangulong Marcos na mahirapan ang mga atletang kumakatawan sa bansa dahil nabigo ang gobyerno na tugunan ang kanilang pangangailangan.

“First and foremost, this will be investigated so we can determine what our athletes and players actually experienced,” ayon kay Castro.

“The president does not want those representing our country to be the ones suffering because it appears that the government is not responding to their needs,” aniya pa rin.

Sinabi ni Castro na tutukuyin muna ng administrasyong Marcos kung ano talaga ang nangyari bago gumawa ng konkretong konklusyon.

Idedetermina ng imbestigasyon kung saan nagmula ang pagkukulang at kung ang pahayag ay tama at suportado ng katotohanan.

“Those who abuse their authority, especially when there are issues involving public funds, should indeed be held accountable,” ang winika ni Castro.

“They should not think they can simply benefit from or take advantage of the situation without facing consequences,” aniya pa rin.

Samantala, ang pahayag ng Malakanyang ay tugon sa isiniwalat ni Alas Pilipinas men’s volleyball team captain Bryan Bagunas ukol sa kapos na financial support para sa team, kabilang na rito nang ang mga atleta ay di umano’y nagkanya-kanyang bayad para sa sarili nilang pagkain sa panahon ng Asian Games.

“Of course, the support is important. Regarding our allowance, some players have even started borrowing money from their teammates or other people just to get to training or go home,” ang sinabi ni Bagunas.

“It’s really tough for us to train. Sometimes, only seven or eight of us are able to attend because some players can’t make it,” aniya pa rin.

Tinuran pa rin ni Bagunas na ang kanilang allowance ay nagmula sa Philippine Sports Commission (PSC), habang ang ibang gastusin ay mula na sa sarili nilang bulsa. ( DARIS JOSE)

EJ Obiena, nagtala ng Gold medal at bagong Asian Games record sa Aichi-Nagoya 2026

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATAGUMPAY na naidepensa ng Filipino pole vaulter na si EJ Obiena ang kaniyang korona sa 20th Asian Games matapos manguna sa men’s pole vault final sa Aichi-Nagoya, Japan.

Tiyak na ang gintong medalya para sa kinatawan ng Pilipinas nang maipasa nito ang 5.75 meter clearance.

Hindi rito nagtapos ang kaniyang dominasyon dahil itinaas pa ni Obiena ang baras upang lagpasan ang kaniyang sariling record sa Asian Games.

Sa pamamagitan ng malinis na 5.91 meter clearance, opisyal niyang binasag ang kaniyang dating tournament record at muling nag-ukit ng kasaysayan sa larangan ng athletics.

Muling pinatunayan ng World No. 2 pole vaulter ang kaniyang kahusayan at pagiging hari ng pole vault sa buong rehiyon sa kabila ng matinding hamon mula sa mga kalabang atleta.

3 durugista, huli sa aktong nagdodroga sa Valenzuela

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KALABOSO ang tatlong hinihinalang drug personalities nang mahuli sa akto na sumisinghot umano ng droga sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa ulat ni SDEU investigator P/MSgt. Carlito Nerit Jr. kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, nagsasagawa ng ‘Oplan Galugad’ ang mga operatiba ng Police Sub-Station 5 sa Little Pampanga St., Brgy. Balangkas nang maaktuhan nila ang 44-anyos na mangingisda na si alyas “Ron” na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng isang bahay alas-5:25 ng hapon.

Nilapitan siya nina PSMS Israel Gutierrez at Pat Joshua Miguel Capiral saka nagpakilala bilang mga bago inaresto.

Dakong alas-10:15 ng gabi nang mahuli naman sa akto nina PCpl John Rey Laredo at PCpl Chester Montana, kapwa nakatalaga sa Police Sub-Station 1 si alyas “Tonio”, 40, construction worker na bumabatak din umano ng droga sa Francisco St., Brgy. Paso De Blas.

Habang naaresto naman nina PCpl Elmer Olieca at Pat Sherwin Caampued, kapwa ng Police Sub-Station 2 si alyas “Josh”, 32, nang maaktuhan nila na nagsa-shabu umano sa loob ng isang bahay sa San Gregorio St., Brgy., Gen T De Leon pasado alas-11:10 ng gabi.

Nasamsam sa mga suspek ang tatlong nakabukas na plastic sachet na may laman ng bahid ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalias.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 12 at 15 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)

LTFRB, INATASAN ANG LAHAT NG RFRO NA TULUNGAN ANG MGA OPERATOR AT DRIVER NG PUV SA PAGKUHA NG FAIR GUIDE

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INATASAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang lahat ng Regional Franchising and Regulatory Offices (RFROs) na tulungan ang mga operator at driver ng public utility vehicles (PUVs) sa pagkuha ng fare guide para sa mabilis na pagpapatupad ng aprubadong taas-pasahe sa buong bansa.

Hinimok din ni Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr. ang mga grupo ng transportasyon at operator na tulungan ang kanilang mga driver sa pag-download at pag-print ng fare guide na makukuha sa website ng LTFRB.

“Patuloy po nating minomonitor ang pagpapatupad ng taas-pasahe alinsunod sa direktiba ni Secretary Banoy. Nakatanggap po tayo ng mga ulat na may ilang driver na nag-aatubiling maningil ng karagdagang pasahe dahil wala pa ang fare matrix,” ani Acting Chairman Pua.

“Gusto po nating ipabatid sa ating mga kasamahang operator at driver na hindi po kailangan sa ngayon ang fare matrix upang maipatupad ang fare increase. Ang kailangan lang po ay fare guide na puwedeng i-download mula sa website ng inyong LTFRB,” dagdag niya.

Nakasaad sa memorandum na inilabas ni Acting Chairman Pua noong Setyembre 25 na maaaring i-download at i-print ng mga kinauukulang PUV operator ang pansamantalang fare guide na naglalaman ng bagong aprubadong pasahe mula sa website ng LTFRB. 

Maaari ring magpatupad ang mga RFRO ng iba pang angkop na paraan ng pamamahagi nito sa mga operator at driver sa kanilang nasasakupan. Ang pansamantalang fare guide ay balido hanggang Disyembre 31, 2026.

Ang pansamantalang fare guide ay valid hanggang Disyembre 31, 2026.

Samantala, magsisimula sa Enero 2027 ang pagpapalabas ng opisyal na fare matrix na naglalaman ng awtorisadong pasahe, kasabay ng pagbabayad ng kaukulang fare increase fee sa confirmation ng mga unit.

Simula Enero 1, 2027, kinakailangang kumuha at magpakita ng opisyal na fare guide o fare matrix na inilabas ng LTFRB ang mga kinauukulang PUV operator, kung naaangkop. (PAUL JOHN REYES)

PNP, target ang 100 percent efficiency sa Unified 911 response

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TAHASANG sinabi ng Philippine National Police (PNP) na target nilang makamit ang 100% efficiency sa pagtugon sa mga emergency call sa Unified 911 Hotline matapos umabot sa 96.15% ang efficiency rate nito mula Enero hanggang Agosto.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., kailangang higit pang pagbutihin ang serbisyo dahil bawat segundo ay mahalaga sa mga emergency. Layunin umano ng PNP na matiyak na bawat tawag ay mauuwi sa mabilis at angkop na responde.

Kabilang sa tinututukan ng PNP ang pagpapalakas ng response assets at iba pang kaga­mitan para mapabilis ang pagresponde ng mga tauhan sa mga nanga­ngailangan ng tulong.

Ang Unified 911 ang nagsisilbing central emergency hotline para sa police assistance, fire suppression, search and rescue, ambulance services at iba pang agarang pangangailangan.

Sinabi ni Nartatez na kabilang sa prayoridad ng PNP sa paggamit ng 2027 budget ang mga kagamitan at kakayahang magbibigay-daan sa mas mabilis at epektibong pagtugon sa mga emergency call.

Mambabatas nanawagan na magsagawa ng rebyu ang gobyerno sa energy policies nito 

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

DALA na rin sa pabago-bagong takbo ng global oil market, muling nanawagan si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na magsagawa ng rebyu ang gobyerno sa energy policies nito para sa pagbuo ng long-term solutions na babawas sa pagdepende ng bansa sa langis at protektahan ang mga Pilipino sa mataas na presyo nito.

“Ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa hindi nating kontroladong mga pangyayari sa Middle East, kailangang masusing tingnan kung paano mababawasan ang ating pagdepende sa imported na langis at mapapalakas ang ating energy security,” ani Diokno. “Suspending the excise tax is only a temporary solution. We need long-term measures and policies to ensure that the country has a sufficient and reliable energy supply.”

Sinabi nito na dapat na ipursige ng gobyerno ang pagkakaroon ng malinaw at komprehensibong energy strategy na magpapalakas sa domestic energy sources, mapalawig ang energy mix, at mabawasan ang impact ng global oil price sa Filipino consumers.

“Isinusulong din natin ang pagpapalakas ng ating renewable sources, gaya ng solar at wind, upang hindi na tayo umasa sa enerhiyang mula sa langis at para magkaroon tayo ng mas maraming altenatibong source ng enerhiya,” anang mambabatas.

Ayon pa kay Diokno, ang anumang pagbabago sa presyo ng langis ay nakakaapekto din sa presyo ng pangunahing bilihin at iba pang produkto.

“Sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, tumataas din ang halaga ng mga bilihin na nagbibigay ng dagdag na bigat sa ating mga kababayan, mga negosyo, at mga manggagawa na pilit pinagkakasya ang kanilang kita,” aniya.

(VINA de GUZMAN)

BI, INARESTO SA CEBU ANG AMERIKANONG PUGANTE

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

 INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) sa Cebu ang isang 62-anyos na Amerikano na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Estados Unidos dahil sa kasong seksuwal na pag-atake sa Mississippi.

Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang suspek na si John Raymond Fenty, na inaresto noong Huwebes sa Barangay Buaya, Lapu-Lapu City, Cebu ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (FSU).

Ayon sa FSU, isinagawa ang pag-aresto sa kahilingan ng gobyerno ng Estados Unidos sa pamamagitan ng US Embassy sa Maynila, na nagbigay-alam sa mga awtoridad ng Pilipinas tungkol sa kinaroroonan ni Fenty.

Batay sa impormasyon mula sa criminal investigation unit ng US Embassy, si Fenty ay pinaghahanap upang humarap sa paglilitis sa isang justice court sa Kemper County, Mississippi. Nahaharap siya sa kasong sexual battery laban sa isang taong may kapansanan sa pag-iisip, walang kakayahang umunawa o magbigay ng pahintulot, o pisikal na walang kakayahang ipagtanggol ang sarili.

Ayon pa sa FSU, huling dumating si Fenty sa Pilipinas bilang turista noong Hulyo 21, 2026. Nag-apply din siya para mapalawig ang kanyang pananatili sa bansa hanggang Nobyembre 18, 2026.

Sinabi ni Viado na ide-deport si Fenty matapos maglabas ng kaukulang deportation order ang BI Board of Commissioners.

Isasama rin ang kanyang pangalan sa blacklist ng BI at pagbabawalan siyang muling makapasok sa Pilipinas dahil itinuring siyang hindi kanais-nais na dayuhan.

Pansamantalang dinala si Fenty sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Mandaue Cityhabang hinihintay ang kanyang paglipat sa BI Warden’s Facility sa Bicutan, Taguig City.

Muling sinabi ng BI na patuloy itong nakikipagtulungan sa mga law enforcement agency ng ibang bansa sa paghahanap at pag-aresto sa mga puganteng nasa Pilipinas. Isinasagawa rin ng ahensya ang nararapat na aksiyong pang-imigrasyon alinsunod sa batas ng Pilipinas at sa proseso ng due process. (Gene Adsuara)

Bureau of Animal Industry (BAI), panukalang palitan para sa mas epektibong ahensiya na mangangalaga sa kapakanan ng mga hayop sa bansa

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ILANG mambabatas, kabilang ang isang animal welfare group, ang nagpanukala na palitan ang Bureau of Animal Industry (BAI) sa mas epektibong ahensiya na mangangalaga sa kapakanan ng mga hayop sa bansa.

Sa inihaing House Bill 11495 o Animal Life Advocacy and Guardianship Act (ALAGA Bill), ang Akbayan party list, sa pangunguna ni Rep. Percival Cendana, at ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na palitan ang BAI – Animal Health and Welfare Division and the Committee on Animal Welfare sa National Commission on Animal Welfare (NCAW).

Sa ilalim ng ALAGA Bill, mabibigyan ng sapat na kapangyarihan ang NCAW na direktang kasuhan ang mga nagmamalabis sa mga alagang hayop at pagbawalan ang pagpatay at kontrolin ang pagdami ng mga hayop na walang pahintulot sa mga awtoridad,

Mas pinapaboran ng nasabing panukala ang pagsasagawa ng spay-neuter programs imbes na patayin at kontrolin ang stray animal populations. (VINA de GUZMAN)

TAGUIG, PINAPALAKAS ANG SCHOLARSHIP PROGRAM KASABAY NG PAGPAPALAWAK NG AYUDA SA TERTIARY EDUCATION

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PATULOY na pinalalakas ng Taguig City ang programa nito para sa mga estudyanteng kumukuha ng post-secondary education, kasabay ng pagpapalawak ng tulong-pinansyal ng pamahalaan sa tertiary education.

Ito ay kasunod ng paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Republic Act No. 12325 noong Setyembre 4, na nag-amyenda sa Republic Act No. 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Sa ilalim ng RA 12325, pinalawak ang saklaw ng Tertiary Education Subsidy at nadagdagan ang mga gastusing pang-edukasyon na maaaring sagutin ng pamahalaan. Kabilang din sa mga bibigyan ng karagdagang suporta ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Ngunit bago pa man maipasa ang RA 10931 at RA 12325, mayroon nang sariling scholarship program ang Taguig City.

Itinatag ng lungsod ang Lifeline Assistance for Neighbors In-need (LANI) Scholarship Program sa ilalim ng City Ordinance No. 9, Series of 2011, na pinalawak sa pamamagitan ng Ordinance No. 6, Series of 2020.

Ayon sa lungsod, mahigit 130,000 indibidwal na ang natulungan ng programa, na nagbibigay ng scholarship allowance mula ₱15,000 hanggang ₱110,000 kada taon, depende sa uri ng scholarship. May karagdagang ₱10,000 para sa mga scholar na makakakuha ng semestral weighted average na 88.75 pataas.

Hindi umano nakabatay lamang sa grado, paaralan, kurso o kita ng pamilya ang scholarship program. Mas malaking benepisyo naman ang maaaring matanggap ng mga nagtapos sa Top 10 ng mga pampublikong high school sa Taguig at mga nag-aaral sa mga kinikilalang Centers of Excellence.

Kasama rin sa mga sinusuportahan ang mga persons with disabilities, graduate students, at mga kumukuha ng abogasya at medisina sa mga piling paaralan.

Mayroon ding review allowance para sa mga scholar na naghahanda para sa board at bar examinations.

Samantala, inilunsad din ng Taguig ang INVEST Scholarship Program, na nagbibigay ng full scholarship at buwanang allowance sa mga kwalipikadong kumukuha ng Medicine sa Top 10 medical schools sa bansa.

Ayon sa Taguig City, bahagi ito ng patuloy nitong pamumuhunan sa edukasyon upang mabigyan ng oportunidad ang mga residente na makapagtapos at magkaroon ng mas magandang kinabukasan. 

(Gene Adsuara)