IPINAG-UTOS ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) na imbestigahan ang isang pulis-Maynila na humarang umano sa isang fire volunteer na rumesponde sa insidente ng sunog sa residential area Tondo, Maynila nitong Miyerkules ng gabi.
Sa nasabing insidente nagkaroon ng komosyon sa makitid na kalsada habang dumaraan ang mga responder.
Hindi umano agad pinadaan ang Fire truck ng mga responders sa gitna ng emergency response .
Sakay ng kanyang motorsiklo nang humarang ito sa bumbero saka lumapit at nagpakilalang pulis habang nakikipagtalo sa mga Fire volunteers.
Samantala , sa panayam kay Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Reyes Dela Fuente , sinabi na ipinatawag niya na ang nasabing pulis na umano’y nakatalaga sa MPD-Station 12.
Hiniling din nito sa MPD na magsagawa ng masusing imbestigasyon para matukoy ang pananagutan nito sa mga sangkot sa insidente.
Dagdag pa ni Dela Fuente , ipinaalam na rin niya ito sa Office of the Mayor.
Aniya, sa ganitong mga pagkakataon ay mahalagang magbigay-daan sa lahat ng emergency vehicles at responders lalo na s a oras ng sunog upang maiwasan na lumala pa ang insidente.
Noong Miyerkules ng gabi sumiklab ang sunog sa residential area sa Sevilla Street sa Barangay 121, Tondo na inakyat sa ikatlong alarma.
Tumagal ang sunog ng dalawang oras kung saan nasa 30 pamilya ang nawalan ng masisilungan. (Gene Adsuara)