Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
NAGPAABOT ng pagbati ang Senado ng Pilipinas sa Filipino tennis sensaion na si Alexandra “Alex” Eala, Martes, Agosto 4, matapos niyang masungkit ang makasaysayang kampeonato sa Mubadala DC Open, daan para itanghal bilang kauna-unahang Pilipino na nanalo ng WTA 500 singles title.
Bago pormal na magsimula ang ika-12 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, naglaan ng oras si Trial Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero at ang buong lupon ng mga senador upang bigyang-pugay ang 21-anyos na tennis star.
Ayon kay Escudero, nagkakaisa sila sa pagpupuri sa tagumpay ni Eala na nagdala ng labis na karangalan sa buong sambayanan.
“Sa ngalan ng Senado, ng mga senator-judges, mga kawani ng Senado, sa ngalan ng magkatunggaling partido ng impeachment trial, nais naming ipabatid ang aming nagkakaisang pagbati kay Bb. Alex Eala sa kaniyang panalo at kampeonato sa DC Open. Tunay na ikinararangal at ipinagbubunyi ka naming lahat,” saad ni Escudero.
UMANGAT na ang Women’s Tennis Association (WTA) ranking ni Pinay tennis star Alex Eala.
Base sa inilabas na ranking ay hawak na nito ang bagong career-high ng World number 20.
Ang nasabing pag-angat nito ng ranking ay matapos ang pagkampeon niya sa Mubadala DC Open.
Tinalo kasi ni Eala ang American World Number 3 na si Jessica Pegula sa finals ng Mubadala DC Open sa score na 4-6, 6-4 at 6-0.
Sinabi ni Eala na hindi siya makapaniwala na magkampeon ito sa WTA 500 title.
Ang 21-anyos na si Eala ay mayroonng first-round bye at seeded 25th sa WTA 1000 hardcourt event.
NASUNGKIT ni Filipina tennis sensation Alex Eala ang pinakamalaking titulo sa kanyang karera matapos talunin ang top seed na si Jessica Pegula, 4-6, 6-4, 6-0, sa finals ng 2026 Mubadala DC Open nitong Martes (oras sa Pilipinas).
Nagpakita ng matinding determinasyon si Eala matapos maantala ng halos 20 oras ang laban dahil sa masamang panahon.
Sa kabila ng pagkatalo sa unang set, bumawi ang 21-anyos na Pinay upang dominahin ang sumunod na dalawang set at maiuwi ang kampeonato.
Sa panayam matapos ang laban, sinabi ni Eala na naging inspirasyon niya ang suporta at pagmamahal ng kanyang pamilya at mga kaibigan sa kanyang buong laban.
Pinuri rin ni Eala si Pegula matapos ang laban at sinabing marami siyang natutunan sa kanilang paghaharap.
Ito ang ikalawang pagkakataon ni Eala na nakapasok sa WTA final matapos mabigo noong nakaraang taon sa Eastbourne.
Dahil sa kanyang pagkapanalo, inaasahang aangat si Eala sa career-high na world No. 20 sa WTA rankings.
Samantala, bigo naman ang hometown favorite na si Pegula na manatili sa ika-12 career title at ikatlong panalo ngayong season.
NAGPAABOT ng mainit na pagbati si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III kay Pinay tennis star Alexandra “Alex” Eala matapos masungkit ang kanyang kauna-unahang Women’s Tennis Association (WTA) Tour title sa Mabudala DC Open sa Washington D.C.
“Ang sarap ng pakiramdam na makita kang manalo, Alex,” sinabi ni Dy. “Years of sweat and sacrifice resulted in history—the first Filipina to win a WTA title. Nakakatuwang isipin na ang pinaghirapan ng isang Pilipina ay nakapagpasaya sa milyun-milyong Pilipino.”
Sinabi ni Dy na ang pagkapanalo ni Eala ay resulta ng tiyaga, disiplina at commitment sa kahusayan sa larangan ng tennis. Aniya ang tagumpay ni Eala ay inspirasyon sa maraming Pilipino sa gitna ng maraming hamon sa buhay.
“Congratulations on your first WTA title. You make every Filipino proud every time you step on the court. Maraming salamat,” sinabi ni Dy.
Nakumpleto ni Eala ang kanyang matagumpay na kampanya sa Mubadala Citi DC Open kung saan una niyang tinalo si Olympic champion Qinwen Zheng, defending champion Leylah Fernandez, second seed Elina Svitolina, at four-time Grand Slam champion Naomi Osaka patungo sa finals.
Sa final match, naungusan ni Eala ang World No. 3 at top seed Jessica Pegula, sa score na 4-6, 6-4, 6-0, at nasungkit ang kanyang kauna-unahang WTA Tour singles title. Inaasahan na ang pagkapanalo ni Eala ay makakaangat sa kanyang career-high na World No. 20 sa WTA rankings. (VINA de GUZMAN)
UMAPELA ang Malakanyang sa transport groups na isulong ang dayalogo sa gobyerno sa salip na magdaos ng transport strike para tugunan ang tumataas na global oil prices bunsod ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na kinikilala ng gobyerno ang mga hamon na kinahaharap ng mga drivers at operators dahil sa serye ng oil price increases, subalit binigyang diin na hindi solusyon ang transport strike.
“Ang nais ng pamahalaan ay pag-uusap, negosasyon, makita kung ano ang daing at kung mayroon man, magkakaroon ng transport rally. Hindi kasi ito ang tugon, hindi ito ang sagot sa mga ganitong klaseng issue dahil mas mahihirapan lang din po ang ating mga commuters sa gagawin ganitong klaseng aksyon,” ayon kay Castro.
Aniya pa, nananatiling bukas ang gobyerno sa pag-uusap at handang pakinggan ang mga hinaing ng transport groups para makahanap ng mapayapa at praktikal na solusyon.
Habang kinikilala ang karapatan ng mga grupo na magsagawa ng protesta, binigyang diin ni Castro na ang matagal na pagkagambala sa transportasyon ay hindi makatutulong sa ekonomiya at pangunahing pasanin sa commuting public.
“Hindi po natin pinipigilan ang sinumang nais na magkaroon ng pagpoprotesta, but still hindi po siya makakatulong sa ating ekonomiya. Kung anuman po ang gagawin ng anong grupo iyan,” dagdag na pahayag ni Castro. ( DARIS JOSE)
PBBM, nagpaabot nang pagbati kay Alex Eala
NAGPAABOT nang pagbati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Filipina tennis sensation na si Alex Eala matapos maibulsa ang 2026 Mubadala DC Open crown, araw ng Martes, (Philippine time), dahilan para tawagin ang kanyang pagkapanalo bilang “historic achievement.”
“This Philippines now has it first WTA 500 champion,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang Facebook post.
“Congratulations on yet another historic achievement. You continue to redefine what is possible for Philippine tennis and inspire countless young Filipinos to dream without limits,” ayon sa Pangulo.
Sa ulat, nakabawi na sa pagkatalo noong nakaraang taon, nakuha pa ni Alex Eala ang kaniyang kauna-unahang WTA 500 title matapos niyang talunin si Jessica Pagula, sa kanilang laban nitong Martes ng madaling araw para sa 2026 Mubadala DC Open finals sa Washington, USA.
Halos isang araw na nasuspinde ang laban ng dalawa dahil sa pag-ulan. Nang ituloy na ang laban, namayani si Eala sa iskor na 4-6, 6-4, 6-0.
Bago natigil ang laban nitong Linggo sa second set, lamang ang 32-anyos na si Pagula 2-1, at nakuha rin niya ang first set, 6-4.
Ang panalo ng 21-anyos na si Eala ang nagbigay sa kanya nang pinakamalaking tagumpay sa kaniyang career para sa kauna-unaha niyang WTA 500 title.
Bukod sa kanyang pagiging kampeon sa DC Open, nakabawi na rin si Eala kay Pegula na tumalo sa kaniya sa 2025 Miami Open semifinals sa iskor na 7-6(3), 5-7, 6-3. ( DARIS JOSE)
INANUNSYO ng Malakanyang na pinalawig ng gobyerno ang umiiral na P10-per-liter fuel subsidy para sa public utility vehicle (PUV) drivers at operators hanggang katapusan ng Agosto upang pagaanin ang epekto ng mas mataas na presyo ng langis.
Ang subsidiya, sinimulan noong Abril 14, ay orihinal na itinakda na tumakbo hanggang July 2026, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pinalawig ng gobyerno ang umiiral na fuel discount habang ang panukalang itaas ang tulong sa P20 kada litro ay nananatiling sumasailalim sa pagrerebisa.
Nauna rito, nagsumite ang LTFRB ng panukala sa Malakanyang na humihiling na itaas ang fuel subsidy para sa lahat ng PUVs sa P20 kada litro sa loob ng isang buwan bunsod ng serye ng oil price hikes.
Ani Castro, ang nasabing panukala ay nananatiling pinag-uusapan ng Office of the Executive Secretary, the Department of Transportation (DOTr), at Economic Team ng gobyerno.
“Nakausap natin mismo si (DOTr) Secretary Banoy (Giovanni Lopez) at mayroon po siyang pakikipagpulong sa Office of the Executive Secretary para pag-usapan ang mga detalye patungkol dito. Pero sa ngayon ay patuloy pa rin, extended hanggang katapusan ng August ang 10-peso per liter fuel discount or subsidy,” ang sinabi ni Castro.
Ani Castro, nakapulong na ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang Office of the Executive Secretary para talakayin ang detalye ng panukala, idagdag pa na ang mga kinauukulang ahensiya ay gumagawa ng paraan para magkaroon ng konkretong resolusyon.
“Pag-uusapan po ng Office of the Executive Secretary, DOTr and Economic Team para po mas magkaroon ng kongkreto at detalyeng resolusyon patungkol diyan,” ang sinabi ni Castro. ( DARIS JOSE)
HAYAGANG tinawag ni House prosecution counsel Atty. Lorna Kapunan na isang “scam” ang paggasta ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa milyun-milyong confidential funds sa gitna ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong Martes, Agosto 4.
Sa pagpapatuloy ng paglilitis, tinanong ni Atty. Kapunan ang testigo at dating auditor ng Commission on Audit (COA) na si Roderick Wamil tungkol sa mga regulasyon ng pamahalaan. Ayon sa COA circular, kapag ang pampublikong pondo ay hindi maipaliwanag o walang sapat na dokumento, may hinala o presumption na ito ay nagamit sa personal na kapakinabangan ng opisyal (prima facie evidence).
Nang kumpirmahin ng testigo na tugma ito sa sitwasyon, binitawan ni Kapunan ang kaniyang huling komento bago tapusin ang pagtatanong: “Kung ako ang tatanungin, scam ito.”
Agad namang pumalag at nag-object si Atty. Michael Poa, ang abogado at tagapagsalita ng depensa.
Ipinaglaban ni Atty. Poa na ang pahayag ng prosecution counsel ay out of order.
Kinatigan ni Senate Impeachment Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang pagtutol ng depensa.
Iniutos ni Escudero na i-strike off the record o burahin sa opisyal na talaan ng impeachment court ang naging komento ni Kapunan. (DARIS JOSE)
HINARANG ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 50-anyos na Filipina sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 matapos matuklasang siya ay posibleng biktima ng human trafficking.
Sa una, sinabi ng pasahera na siya ay magbabakasyon sa Bangkok, Thailand sa loob ng apat na araw at nakatakdang bumiyahe sakay ng isang Philippine Airlines flight.
Gayunman, sa isinagawang secondary inspection ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI, inamin niya kalaunan na ang tunay niyang destinasyon ay ang Russia kung saan siya magtatrabaho.
Sa karagdagang pagtatanong, nabunyag na nagbayad siya ng ₱170,000 sa mga umano’y facilitator na nag-ayos ng kanyang recruitment at paglalakbay.
Inimbestigahan ito ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at upang mabigyan ng kaukulang tulong at suporta.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, patuloy na gumagamit ng iba’t ibang paraan ang mga human trafficker at illegal recruiter upang itago ang tunay na layunin ng mga manggagawang papunta sa ibang bansa sa pamamagitan ng pagpapanggap na mga turistang magbabakasyon.
(Gene Adsuara)