Kanselasyon ng pasaporte ni Zaldy Co, malaking bagay sa pagkakadakip sa dating mambabatas- Malakanyang
- Published on April 18, 2026
- by @peoplesbalita
NANINIWALA ang Malakanyang na malaki ang naging papel ng naging kanselasyon ng pasaporte ni dating AKO Bicol partylist representative Zaldy Co sa pagkakaaresto sa kanya.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, lumiliit na kasi ang tsansa ng isang indibidwal na magpa- ikot ikot kapag kinansela na ang pasaporte nito.
Si Zaldy Co ay nahaharap sa kasong malversation of public funds dahil sa P289 milyong flood control projects sa Naujan, Oriental Mindoro.
Ang kontrata ay nakuha ng kumpanyang Sunwest na pag-aari ni Zaldy Co.
Matatandaang, inanunsiyo ni Pangulong Marcos na kinansela na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pasaporte ni Zaldy Co.
Bunsod nito kaya inatasan ng Pangulo ang DFA at Philippine National Police (PNP) na makipag-ugnayan sa ating mga embahada sa iba’t ibang bansa para masiguro na hindi magtatago sa kanilang mga bansa si Zaldy Co.
Sakali man aniyang mapunta sa kanilang bansa ay maibabalik agad sa Pilipinas si Zaldy Co.
Samantala, naniniwala si Castro na ang pagkakahuli kay Zaldy Co ay gawa na rin ng nasa Itaas sabay sabing “God works in mysterious ways” at sadyang darating aniya ang panahon na masusukol din ang mga taong dapat na humarap sa kanilang pananagutan.
Siniguro naman ni Castro na magbibigay sila ng update tungkol kay Zaldy Co kasunod ng pagkakahuli rito. (Daris Jose)