P73M disallowed funds ibalik, hikayat ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union kay VP Sara
- Published on April 18, 2026
- by @peoplesbalita
HINIKAYAT ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union si Vice President Sara Duterte na isoli ang P73.287 million na confidential expenses na na-disallowed ng Commission on Audit (COA), bilang pagpapakita ng pananagutan mula sa isang public servant.
Ayon sa mambabatas, ang isyu ay hindi lamang sa papel kundi panawagan ng responsibilidad.
“Kung talagang nais ni VP Sara na ipakita ang kanyang accountability bilang public servant, mas mabuting isauli na lang ang pondong ipinapabalik ng COA. Dapat siyang managot sa pera ng bayan na ipinagkatiwala sa kanya at kilalanin kung saan nagkulang sa proseso,” ani Ortega.
Tinukoy nito ang COA’s affirmation of Notice of Disallowance No. 2024-002-100 para sa confidential expenses ng Office of the Vice President mula Dec. 21-31, 2022.
Sa ginanap na April 14 hearing ng House Committee on Justice, inihayag ng COA officials ang apela na inihain ni Duterte at iba pang OVP officials na kanilang ibinasura.
Sinabi pa ng ahensiya na sa sandaling naging pinal ang desisyon, kailangang ibalik sa gobyerno ang naturang halaga.
Sakop nito ang P69.787 milyon na pabuya at P3.5 million na equipment expenses, kabilang na ang mesa, upuan, computers, at printers.
“Hindi ito barya. Napakalaking halaga nito, at sa hirap ng buhay ngayon, inaasahan ng taumbayan na bawat sentimo ng pondo ng gobyerno ay maayos na naipapaliwanag,” pahayag nito.
Ang disallowance ay nag ugat sa findings of noncompliance with Joint Circular 2015-01 ng COA para sa paggamit ng confidential at intelligence funds.
“Kapag may disallowance na at in-affirm pa ng COA, malinaw na may kakulangan na hindi naipaliwanag sa ilalim ng umiiral na mga tuntunin. Isa itong pormal na finding ng constitutional body na nagbabantay sa kaban ng bayan,” pahayag ni Ortega.
Idinagdag nito na mas mataas ang standard sa confidential funds dahil mas mataas ang tiwala ng bayan sa humahawak nito.
“Kaya mas makabubuti na sumunod sa utos ng COA at ituwid kung ano ang dapat ituwid,” giit nito.
(Vina de Guzman)