• November 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October, 2026

Memphis Grizzlies, nananatiling undefeated, 5-0

Posted on: October 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANANATILING undefated ang Memphis Grizzlies sa pagsisimula ng 2026-2027 NBA Season, hawak ang win-loss record na 5-0.

Itinumba ng koponan ang Portland Trailblazers ngayong araw (Oct 30), 124-103, gamit ang matinding depensa sa mga batikang Portland players.

Binantayan ng Grizzlies ang sharpshooter na si Damian Lillard na nagresulta sa kaniyang nakakadismayang shooting performance. Mula sa 13 shots na pinakawalan ni Lillard, tatlo lamang ang kaniyang naipasok.

Minalas din ang sharpshooter sa 3-point line dahil tanging isang 3-pointer ang naipasok mula sa siyam na kaniyang pinakawalan sa kabuuan ng laban. Sa huli, nagkasya lamang si Dame Time sa 9 points, dalawang rebounds, at dalawang assists.

Sa kabilang banda, walong Memphis players ang gumawa ng double-digit performance sa pangunguna ni Cameron Boozer. Gumawa ang bagitong forward ng 18 points, 12 rebounds, at 12 assists.

Ito ang unang career triple-double performance ng bagitong NBA player, hawak ang plus 20 sa pagtatapos ng laban.

Nagawa pa ng Portland na makipagbakbakan sa pagsisimula ng laban kung saan natapos ang 1st half na tabla ang score ngunit tuluyan na silang natambakan sa 3rd at 4th quarter hanggang matapos ang regulation sa 124-103, pabor sa Grizzlies.

Kai Sotto wala pa ring katiyakan na makasali sa fifth window ng FIBA World Cup

Posted on: October 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

WALA pa ring katiyakan si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone kung makakasama nila si Kai Sotto para sa fifth window ng FIBA World Cup Asia qualifying window na gaganapin sa Seremban, Malaysia.

Makakaharap kasi ng Gilas ang Syria sa Nobyembre 27 at ang Iran naman sa darating na Nobyembre 29.

Tinatarget kasing Gilas ang isa sa walong slots na nakareserba sa Asya at Oceania sa FIBA World Cup sa Doha mula Agosto 27 hanggang Setyembre 12.

Sa kasalukuyan ay nasa pang-limang puwesto sa anim na koponan sa Group E kung saan meron na lamang dalawang qualifying windows ang natitira.

Mayroon apat na panalo at apat na talo ang Gilas sa Group E kung saan nanguna ang Australia na mayroong walong panalo at wala pang talo.

Magiging senaryo kapag na-sweep ng Gilas ang dalawang laro ay magiging anim na panalo apat na talo na lamang sila kung saan gaganapin ang final window ng Gilas sa SM Seaside Arena sa Cebu laban sa Jordan sa Pebrero 26 at Syria sa Marso 1.

Sa huling window ng laro ng Gilas ay ng talunin nila ang Jordan at Iran na ito lamang ang pinakahuling laro ni Kai Sotto.

Eala bigong makausad sa semis ng Pan Pacific Open

Posted on: October 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NATAPOS na ang kampanya ni Pinay tennis star Alex Eala sa Pan Pacific Open sa Japan.

Ito ay matapos na talunin siya sa quarterfinals ni Diana Shnaider sa score na 2-6, 7-(6), 6-4.

Sa unang set ay dominado ng Russian tennis player ang laro at pagpasok ng ikalawang set ay gumanti ang Pinay tennis star.

Sa ikatlong set ay pinilit pa ni Eala na maipanalo ang laro subalit lubhang naging mahigpit ang ginawang pagbabantay ng Russian tennis star.

Itinuturing ni Shnaider na ang laro ngayon kay Eala ay parang nasa finals na dahil sa parehas nilang ipinakita ang kanilang galing.

Ito na ang pangalawang sunod na pagkatalo ni Eala kay Shnaider na unang tinalo siya sa Ningbo Open.

Inaasahan naman na babawi si Eala sa susunod na linggo para sa pagsabak niya sa WTA 250 Hong Kong Open na ito na ang huling WTA tournament niya ngayong taon.

Patuloy na pagsadsad ng piso kontra dolyar dapat gumawa ng plano at hindi payo, ayon sa mambabatas 

Posted on: October 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

GUMAWA ng plano, hindi payo.

Ito ang sinabi ni Akbayan Party-List Rep. Chel Diokno sa administrasyon na gumawa ng hakbang imbes na payuhan ang publiko sa patuloy na pagsadsad ng piso kontra dolyar.

“Higit pa sa payo, ang hinihintay ng taumbayan ay mabilis na pagkilos ng pamahalaan para mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at mahinang halaga ng piso,” ani Diokno. 

Sa kabila ng pagbibigay ng reassurance upang mabawasan ang pangamba ng mamamayan, mahalaga rin na makita kung papaano tutugunan ng gobyerno ang hinaing ng publiko sa epekto ng peso depreciation sa pang araw araw na gastusin.

“Filipino families are already stretching their incomes to cover basic needs. The government must lay out clear, concrete measures to address these economic pressures and ease the burden on ordinary households,” ani Diokno. 

“Every time the peso weakens and prices rise, families can afford less with what they earn. The government must act to protect their purchasing power and ensure that basic necessities remain within reach,” dagdag ng kongresista. (VINA de GUZMAN)

40 PASAHERO, 18 CREW, NASAGIP SA TUMAGILID NA RORO/PAX VESSEL SA QUEZON

Posted on: October 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASAGIP ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 40 pasahero at 18 tripulante ng na-distress na RoRo/passenger vessel na MV Virgen de Peñafrancia II na tumagilid sa kanang bahagi nito 10 metro mula sa Real Port sa Barangay Ungos, Real, Quezon, bandang 12:44 ng madaling araw ngayong Oktubre 30, 2026.

Ligtas na nailikas ang lahat ng 58 sakay, kabilang ang dalawang sanggol, at natapos ang rescue operation bandang 3:30 ng umaga. Sumailalim sila sa pagsusuri ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Real at kinumpirmang nasa maayos na kondisyong pisikal ang lahat.

Ang barko, na pinapatakbo ng Starhorse Shipping Lines Inc., ay bumibiyahe mula Polillo Port patungong Real Port na may kargang 14 rolling cargoes nang mangyari ang insidente.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, bagama’t natural na nawawala ang marine diesel oil, naglatag pa rin ang Coast Guard ng oil spill booms para protektahan ang kalapit na komunidad sa baybayin.

Iniinspeksyon din ng PCG personnel ang natitirang fuel at oil inventory ng barko para matiyak ang posibleng polusyon sa dagat, matapos ibahagi ng crew na may 1,300 litro ng marine diesel oil sa service tank nito.

“We have directed the shipping company to apply for an Emergency Salvage Permit and undertake measures to safely remove the distressed vessel,” ani Commodore Cayabyab. “Further investigation and monitoring are ongoing to determine the cause of the incident and assess its environmental impact,” dagdag pa niya.

Tiniyak ng PCG na hindi maapektuhan ng insidente ang biyahe ng mga pasahero sa Southern Tagalog.

“The Coast Guard District Southern Tagalog has recorded the highest passenger volume across all PCG Districts nationwide, with 4,107 outbound and 4,373 inbound passengers from 12MN to 6AM today, October 30. Rest assured that our personnel will continue to intensify secure and safety inspections amid the observance of Undas to uphold sea passenger welfare,” pagtitiyak ni Commodore Cayabyab. (Gene Adsuara)

Mayor Jeannie, pinangunahan ang inagurasyon ng Crematory at Interment Building sa Malabon

Posted on: October 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINANGUNAHAN ni Mayor Jeannie Sandoval ang inagurasyon ng bagong Crematory at Interment Building ng lungsod sa Tugatog Public Cemetery, na matatagpuan sa Lascano Street, Barangay Tugatog, Malabon City bilang bahagi ng paghahanda ng pamahalaang lungsod sa Undas 2026, na nagbibigay sa mga pamilyang Malabueño ng karagdagang pasilidad para sa mga serbisyong funeral, cremation, and interment services.

Pinabasbasan din ang 51 urn na naglalaman ng mga labi ng mga yumao kung saan dalawampu sa mga labing ito ay dumaan sa proseso ng kremasyon sa ilalim ng libreng programa ng Pamahalaang Lungsod. Dinaluhan ng kanilang mga kapamilya ang seremonya upang mag-alay ng panalangin at gunitain ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ang bagong pasilidad ay nakatayo sa isang lupang may sukat na 417.50 metro kuwadrado na binubuo ng dalawang pangunahing gusali: isang gusaling administratibo at isang gusali para sa kremasyon at paglilibing upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga pamilyang humihingi ng tulong.

Ang gusaling administratibo ay nagtatampok ng isang opisina, conference area, storage space, pantry, restrooms, beranda at waiting area para sa mga bisita habang ang crematory and interment building ay mayroon dalawang kapilya na may transition area, at isang waiting area. 

“Patuloy nating pinagbubuti ang ating mga pasilidad upang matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan. Mahalaga ang maayos na paghahanda at koordinasyon upang matiyak na ang mga serbisyong ibinibigay ng ating pamahalaang lungsod ay angkop, maayos, at may malasakit sa bawat tahanang Malabueño,” ani Mayor Jeannie.

“Nawa’y makapagdulot din ng kapanatagan sa kanilang mga puso ang pagtitipon natin ngayon upang sama-samang manalangin at alalahanin ang mga taong naging mahalagang bahagi ng kanilang buhay,” dagdag niya.

Hinikayat ang mga residente at mga bisita na sundin ang mga alituntunin sa sementeryo, itapon nang wasto ang mga basura, bantayan ang kanilang mga gamit, at sumunod sa mga paalala sa trapiko pati na rin sa mga tagubilin ng mga tauhang nakatalagang tumulong sa publiko.

“Hinihiling po natin sa mga Malabueño at sa lahat ng bibisita sa ating mga sementeryo na makipagtulungan sa ating pamahalaang lungsod at sumunod sa mga alituntunin para sa kaligtasan at kaayusan ng lahat. Sa pag-alala natin sa ating mga mahal sa buhay ngayong Undas, nawa’y manaig ang pagmamahalan, paggalang, at pagkakaisa ng bawat tahanan,” pahayag ni City Administrator Dr. Alexander T. Rosete. (Richard Mesa)

PBBM, tiniyak na may nakatalagang tauhan sa lahat ng immigration counter ngayong Undas

Posted on: October 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na may sapat na tauhan sa lahat ng immigration counter sa mga paliparan mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3 upang maiwasan ang mahahabang pila ngayong Undas.

Sa kanyang video message nitong Biyernes, sinabi ng Pangulo na naghahanda ang pamahalaan ng mga hakbang upang maging ligtas at maayos ang biyahe ng mga Pilipinong uuwi sa kanilang mga probinsya o bibiyahe palabas at papasok ng bansa.

“Para sa mga kababayan nating lilipad papasok o palabas ng bansa, sinisigurado nating sapat ang tao at walang bakanteng immigration counters mula October 30 hanggang November 3,” sabi ng Pangulo.

Dagdag pa ng Pangulo, mas gagamitin din ng pamahalaan ang mga digital system, tulad ng eGates, upang mapabilis ang proseso at mabawasan ang oras ng paghihintay ng mga pasahero.

“Paiigtingin din ang paggamit ng mga digital system, kagaya ng eGates, upang mapabilis ang pagpila,” ani Pangulong Marcos.

Sinabi rin ng Pangulo na magkakaroon ng mga help desk na bukas buong araw at gabi sa mga pangunahing terminal mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 upang tumulong sa mga biyahero.

Bahagi ito ng paghahanda ng pamahalaan sa inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong Undas.

Layunin ng mga hakbang na matiyak na ligtas at maayos ang biyahe ng mga Pilipinong bibisita sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

“Kaya nais nating tiyakin na magiging ligtas, maayos, at maginhawa ang kanilang pagbiyahe at pagdalaw,” dagdag pa ng Pangulo. ( DARIS JOSE)

Hinimok ng PNP na sumuko na upang maiwasan ang karahasan…Ultimatum kay Bato tapos na!

Posted on: October 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA PAGTATAPOS kahapon araw ng Biyernes sa ultimatum sa pagsuko ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, muli pa rin itong hini­mok ng Philippine National Police (PNP) na sumuko upang maiwasan ang anumang gulo o karahasan.

Ayon kay PNP Public Information Office chief Col. Allen Rae Co, ang pagsuko ang tamang gawin ni Dela Rosa upang mapanatili ang dignidad nito.

“Tapusin natin ito nang may dignidad sa panig mo,” ani Co.

Ayon kay Co, patuloy ang paghahanap kay dela Rosa, kabilang ang pagtanggap ng mga impormasyon mula sa publiko sa pamamagitan ng mga hotline na inilunsad ng PNP.

Sinabi rin ni Co na pinag-aaralan din nila ang pagpapalabas ng wanted poster. Marami pa ring lugar ang hindi lubusang nakakakilala sa Senador.

Nilinaw din ni Co na ang P50 milyong pabuya ay tip para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pagdakip kay Dela Rosa at hindi pahintulot para sa mga sibilyan na personal itong arestuhin.

Pinaghahanap si Dela Rosa kaugnay ng warrant ng International Criminal Court (ICC) sa mga alegasyon ng krimen laban sa sangkatauhan na may kaugnayan sa kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.

Ipinaliwanag din ni Co kung bakit itinuring ng PNP na armado at mapanganib ang senador. Ayon sa opisyal, mayroon umanong mahigit 90 baril si Dela Rosa at patuloy itong umiiwas sa pag-aresto.

 (DARIS JOSE)

No. 1 top most wanted person ng NPD, nasilo ng Malabon CPS sa Bataan

Posted on: October 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGWAKAS na ang mahigit tatlong taon na pagtatago ng isang lalaki na wanted sa kaso ng pagpatay sa Lungsod ng Malabon nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Bataan.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ang akusado bilang si alyas “Toyo”, 31, at nakatala bilang No. 1 Top Most Wanted Person sa NPD.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission na nagtatago umano ang akusado sa nasabing probinsya kaya agad nagkasa ang pulisya ng manhunt operation laban sa pugante.

Pasado alas-10:35 ng umaga nang tuluyang masukol ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon CPS si alyas Toyo sa kanyang hide out sa Hermosa, Bataan.

Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ang arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Branch 291, Malabon City, noong October 24, 2023, para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail.

Ayon kay BGen. Capili, patuloy na pinaiigting ng NPD ang kampanya nito laban sa mga wanted na indibidwal para palakasin ang pagpapatupad ng batas upang mapanatili ang siguridad at kapayapaan sa buong CaMaNaVa. (Richard Mesa)

ALPAS GROUP, NAGKALOOB NG HALOS ₱100,000 SA NUJP PARA SA MENTAL HEALTH NG MGA MAMAMAHAYAG

Posted on: October 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGKALOOB ang ALPAS Group ng halos ₱100,000 na donasyon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) upang mapalawak ang mga programa nito para sa mental at emosyonal na kalusugan ng mga mamamahayag.

Pormal na ipinagkaloob ang donasyon noong Oktubre 23 bilang bahagi ng paggunita sa Mental Health Awareness Month. Layunin nitong gawing mas madaling ma-access ang suporta sa kalusugang pangkaisipan, partikular para sa mga mamamahayag na nag-uulat tungkol sa mga trahedya, karahasan, at iba pang mapanganib na pangyayari, gayundin sa mga nakararanas ng pagbabanta at panggigipit.

Ayon kay ALPAS Group Co-Founder at CEO Marzie Marzan, mahalagang matulungan ang mga mamamahayag na mapangalagaan ang kanilang mental at emosyonal na kalusugan sa gitna ng mga hamon sa kanilang trabaho.

Sinabi naman ng NUJP na makatutulong ang donasyon sa pagpapalakas ng kanilang *Peer Support for Journalists Program*, na nagbibigay ng kaalaman at suporta sa mga mamamahayag upang makayanan ang epekto ng mga nakababahalang karanasan sa kanilang propesyon.

Sa ilalim ng programa, layon ng NUJP na bumuo ng network ng mga sinanay na katuwang na makapagbibigay ng emosyonal na suporta sa kapwa mamamahayag, lalo na sa mga komunidad at alternatibong media na limitado ang access sa agarang tulong sikolohikal.

Samantala, sinabi ni ALPAS Group Co-Founder at Chief Strategy Officer Atty. Carlo Escalada na patuloy silang makikiisa sa mga inisyatibang naglalayong pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamahayag, kabilang ang kanilang mental at emosyonal na kalusugan.

Patuloy namang magtutulungan ang ALPAS Group at NUJP upang palawakin ang access sa mga serbisyong pangkalusugang pangkaisipan at palakasin ang proteksyon sa mga mamamahayag. 

(Gene Adsuara)