Para mabayaran ang P19 trilyong utang ng Pinas…Malakanyang, hinamon si Senador Alan Peter Cayetano na manguna sa pagdo-donate ng P170,598
- Published on November 25, 2026
- by Francis Paolo Torres
HINAMON ng Malakanyang si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na manguna sa pagdo-donate ng P170,598 para mabayaran ang mahigit P19 trilyong utang ng bansa.
Ang nasabing halaga ay batay sa pag-kuwenta ng senador kung paghahatian ng mga Pilipino ang mahigit sa P19 trilyong utang ng bansa, sinasabing aabot di umano sa P170,598 ang katumbas na bahagi ng bawat isa.
Sa ulat, ito ang ipinunto ni Cayetano kasabay ng kanyang panawagang magkaroon ng malawakang pag-uusap tungkol sa kalagayang pinansiyal ng Pilipinas, partikular sa pagresolba ng utang ng bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na dapat na magsilbing modelo si Cayetano sa kanyang naging pahayag.
Sa kabilang dako, sinabi pa ni Castro na mas magiging maganda rin aniya kung si Senador Cayetano mismo ang gagawa ng batas sa halip na hilingin sa Bangko Sentral ng Pilipinas at Department of Finance (DoF) na gumawa ng mekanismo para maging posible ito.
“Mas maganda po siguro kung siya mismo ang gagawa ng batas at may mga generous hearts na kanyang sinasabi. At katulad ng sinabi natin, maaaring magsimula mismo ito kay Senator Alan Cayetano. At na-compute niya naman po yata, 170,000 per Filipino,” anito.
“Voluntary, sabi niya. So mahirap gumawa naman ng batas kung ima-mandatory mo ito. Pero kung may mga mababait na puso at siya naman nagpasimula nito, mas maganda siguro makita mismo natin, mismo kay Senator Alan Cayetano, pasimulan na po niya,” giit ni Castro.
Sa ulat, sa deliberasyon ng Senado para sa panukalang 2027 national budget, sinabi ni Cayetano na kailangang masusing suriin kung saan napupunta ang pondo ng pamahalaan at tiyaking nakabatay ang paggasta sa aktuwal na pangangailangan ng mga komunidad.
“If we really want an efficient budget, we have to see the reality on the ground,” wika niya.
Hinimok ni Cayetano ang pamahalaan na pag-isipang mabuti ang paraan ng pangungutang at paggamit nito ng pondo, kasabay ng pagpapalawak ng kaalaman ng publiko tungkol sa laki ng utang ng bansa at epekto nito sa pananalapi ng pamahalaan.
Iminungkahi niya ang pagkakaroon ng mas malawak na pakikilahok ng pribadong sektor at publiko upang mapalakas ang ekonomiya at makatulong sa pagtugon sa mga obligasyong pinansyal ng bansa.
Gayunman, iginiit niyang dapat itong sabayan ng responsableng paggasta at pangungutang ng pamahalaan.
“Our economy is not going that fast but pataas nang pataas [ang] debt payment natin,” sabi niya. (DARIS JOSE)