IPINATAWAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang operator ng isang passenger bus kaugnay ng umano’y hindi magalang na pakikitungo ng isang driver nito sa isang pasahero na ibinahagi at umani ng batikos sa social media.
Ayon kay LTFRB Acting Chairman Atty. Greg G. Pua Jr., naglabas ang ahensya ng show cause order (SCO) laban sa Joyselle Express upang mabigyan ng pagkakataong magpaliwanag ang operator at ang kinauukulang driver kaugnay ng mga alegasyong paggamit ng mga hindi angkop na pananalita at pagbabanta umano nito sa isa sa mga pasahero.
“Napakinggan na natin ang panig ng pasahero batay sa kanyang ibinahagi sa social media. Bilang bahagi ng pagtiyak sa patas na proseso, nais din nating mabigyan ng pagkakataong maipahayag ng driver, sa pamamagitan ng operator nito, ang kanyang panig hinggil sa insidente,” saad ni Acting Chairman Pua.
“Gayunman, kung mapatutunayang totoo ang mga alegasyon, walang lugar sa sektor ang ganitong uri ng pag-uugali. Kaakibat ng pagiging isang PUV driver ang responsibilidad na igalang at maayos na pakitunguhan ang mga pasahero, bukod pa sa pagsunod sa mga alituntunin at regulasyon sa kaligtasan sa kalsada,” dagdag niya.
Ayon sa salaysay ng netizen, gumamit umano ng hindi angkop at masasakit na pananalita ang driver at patuloy na nakipagtalo sa kanya sa kabila ng ilang ulit na pagtatangka ng konduktor na pakalmahin ito.
Ayon kay Acting Chairman Pua, bahagi ng isinasagawang imbestigasyon ng LTFRB ang pagtukoy sa mga pangyayari at posibleng pinagmulan ng insidente. Dahil dito, binigyan ang operator ng tatlong araw mula sa pagtanggap ng Show Cause Order (SCO) upang isumite ang paliwanag at panig nito.
Nakatakda sa November 24 ang pagdinig kaugnay ng insidente. Binigyang-diin ng LTFRB na ang hindi pagdalo sa itinakdang pagdinig o hindi pagsunod sa mga ipinag-uutos sa SCO ay maaaring magresulta sa kaukulang parusa, kabilang ang multang ₱5,000.
Hinimok din ni Acting Chairman Pua ang mga operator ng mga pampublikong sasakyan na patuloy na paalalahanan ang kanilang mga drayber na panatilihin ang maayos na asal, paggalang sa mga pasahero, at disiplina sa bawat biyahe bilang bahagi ng kanilang responsibilidad sa pagbibigay ng ligtas at maayos na serbisyo publiko. (PAUL JOHN REYES)