• November 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Unang Ginang Lisa, nanawagan ng mas matibay na pandaigdigang pagtutulungan laban sa online abuse at exploitation sa mga bata

NANAWAGAN si Unang Ginang Louise Araneta-Marcos ng mas matibay na kooperasyon sa pagitan ng mga bansa upang maprotektahan ang mga bata laban sa pang-aabuso at pagsasamantala sa internet.

Hinikayat ng Unang Ginang ang mga pamahalaan, paaralan, pamilya at pribadong sektor na magkaisa upang matiyak ang isang ligtas na digital na kapaligiran para sa kabataan.

Sa ginanap na Fostering the Future Together gathering sa Hilton Manila sa Pasay City nitong Lunes, sinabi ni Unang Ginang Lisa na ang online protection o kaligtasan ng mga bata sa internet ang magiging pangunahing prayoridad ng Pilipinas sa ilalim ng pandaigdigang inisyatibong “Fostering the Future Together.”

Ang pagtitipon ay dinaluhan ng Unang Ginang, mga opisyal ng pamahalaan, mga guro, tagapagtaguyod ng karapatan at kaligtasan ng mga bata, gayundin ng mga kinatawan mula sa pribadong sektor.

Kabilang din sa mga dumalo sina Malaysia’s H.E. Dr. Wan Azizah Wan Ismail at Mrs. Lawrence Wong ng Singapore, kasama ang iba pang mga international delegate at kinatawan mula sa iba’t ibang sektor.

Nakatuon ang inisyatibo sa apat na pangunahing larangan: AI in Education, EdTech Tools, Online Protection at Digital Skills.

“Bagama’t mahalaga ang lahat ng larangang ito, nais kong bigyang-pansin ang online protection bilang pangunahing prayoridad ng Pilipinas,” pahayag ni Unang Ginang Lisa.

Binanggit din niya ang mga ulat na nagsasabing nasa edad 10 ang karaniwang edad ng mga batang Pilipino nang una silang magkaroon ng access sa internet. Ayon sa kanya, ang maagang pagkakalantad ng mga bata sa mga digital platform ay maaaring maglantad sa kanila sa panganib ng online abuse at exploitation.

Nanawagan siya sa mga pamahalaan at lider ng pribadong sektor na palakasin ang mga hakbang at proteksyon laban sa mga banta sa internet, habang ginagamit ang makabagong teknolohiya upang suportahan ang edukasyon at pag-unlad ng mga bata.

Sa kabilang dako, kinilala rin ng Unang Ginang ang mahalagang papel ng Child Protection Network sa pagpigil at pagtugon sa pang-aabuso sa mga bata sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga eksperto at pagsasanay sa mga frontline child protection worker, kabilang ang mga hukom, piskal, social worker at pulisya.

Binati rin niya ang Child Protection Network at mga katuwang nitong Childlight Global Child Safety Institute, Consuelo Zobel Alger Foundation at UNICEF Philippines sa pag-oorganisa ng ika-18 AKO PARA SA BATA Conference kasabay ng nasabing pagtitipon.

Binigyang-diin din ng delegasyon ng Estados Unidos ang matibay na ugnayan ng Pilipinas at Amerika sa pagsusulong ng edukasyon, digital literacy at ligtas na paggamit ng mga bagong teknolohiya, partikular na ang artificial intelligence o AI.

Binanggit din nya ang $25 milyong pondong ipinangako ng mga katuwang na kumpanya sa teknolohiya kasunod ng pagpupulong ng dalawang First Lady sa New York noong Setyembre. Layunin nitong palawakin ang access ng mga bata sa edukasyon, pagpapaunlad ng kasanayan at inobasyon.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, binigyang-diin ni Unang Ginang Lisa ang tanyag na pahayag ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.

Nanawagan siya para sa isang kinabukasang ang bawat bata ay ligtas, pinahahalagahan, napoprotektahan at nabibigyan ng pagkakataong maabot ang kanilang buong potensyal.

“Bigyan natin ang kabataan ng pagkakataong mangarap. Let us build a world where the youth can dream,” pagtatapos ng Unang Ginang. ( DARIS JOSE)