• November 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 18th, 2026

Verdict sa impeachment trial ni VP Sara inaasahan sa kalagitnaan ng Disyembre

Posted on: November 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INAASAHAN ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na magkakaroon ng hatol o verdict sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa kalagitnaan ng Disyembre.

Sinabi ni Ridon na umaasa siyang matatapos ng depensa ang presentasyon nito sa una o ikalawang linggo ng Disyembre.

Ginawa ni Ridon ang pahayag matapos sabihin ng depensa noong nakaraang linggo na nagbabalak itong magharap ng hindi bababa sa walong testigo pa sa paglilitis. Mula sa bilang na ito, apat ang inaasahang tetestigo ngayong linggo.

“Na-forfeit po nila isang kabuuang whole trial day for last week. So tinatanggap naman po nila na may consequences po ‘yung forfeiture noon pong isang buong araw po na ‘yun. At sila naman din po mismo ‘yung nagsabi that meron po silang remaining na 8 to 10 witnesses,” sinabi ni Ridon. 

Tinukoy ng kongresista ang manifestation ng defense na kanselahin ang paglilitis nakaraang Biyernes dahil sa wala silang naka schedule na mai-prisintang testigo.

“So kung mayroon po silang apat ngayon, mayroon po tayong inaasahan na apat hanggang anim pa sa susunod pong linggo. So hopefully, pagka natapos po itong linggo na ito, ‘yun na lang po ‘yung mga nalalabing mga araw. So they can have an entire full week of witnesses po. Pero tingin ko hindi na ho ‘yun lalagpas sa isang kabuuang linggo,” ani Ridon.  

Para kay House prosecution counsel Atty. Benjamin Tolosa Jr., maaaring matapos ng depensa ang pagharap ng kanilang susunod na apat na testigo nang kasing-aga ng Huwebes sa susunod na linggo.

Ito ay batay sa impormasyong maghaharap ang depensa ng isang abogado na magpapatotoo tungkol sa mga usaping may kinalaman sa Anti-Money Laundering Act, at mga kinatawan mula sa Department of Trade and Industry (DTI) at Center for International Expositions and Missions (CITEM), ayon kay Tolosa.

Aniya, hindi hiniling ng depensa na ipa-subpoena ang sinumang empleyado o kinatawan mula sa Cale88 Foods Corporation, ang kumpanyang naiugnay kay bise presidente at sa kanyang asawa na si Manases Carpio, pati na rin sa Bureau of Internal Revenue (BIR) o sa Anti-Money Laundering Council. 

Sa halip, nag-request ang kampo ng depensa na ipa-subpoena ang isang anti-money laundering lawyer at ilang opisyal mula sa gobyerno para tumestigo sa mga regulasyong pinansyal at rekord.

“We were hoping that they would list more considering ito ‘yung order ng presiding officer — make sure that the defense makes the most out of the two remaining hearing dates for November… para hindi mangyari, tulad ng nangyari last week, wala na silang napresenta noong Friday, pati noong hapon noong Thursday,” ani Tolosa.

Kapwa kinumpirma nina Ridon at Tolosa na natanggap nila ang isang manifestation na isinumite ng depensa, kung saan hinihiling nila sa Senate impeachment court na maghain ng mga subpoena para sa apat na testigo na sasalang sa paglilitis sa Nobyembre 19 hanggang 20, 2026.

 (VINA de GUZMAN)

19-anyos na mangingisda, kinalawit sa pagbabanta, panunutok ng baril sa bebot

Posted on: November 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IBINALIBAG sa selda ang 19-anyos na mangingisda nang tutukan ng baril at pagbantaan ang 42-anyos na bebot na nagtangka lang maningil ng pautang sa kanya sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nangyari ang insidente ng pananakot at panunutok ng baril dakong alas-10:20 ng gabi sa Brgy. Tanza 1 matapos matiyempuhan ni alyas Inday ang suspek.

Siningil umano ng biktima ang suspek sa utang nitong P2,000 ilang linggo na ang nakalipas subalit, sa halip na magbayad ay naglabas umano ng baril ang lalaki at tinutukan si ‘Inday’ saka pinagbantaang papatayin.

Sa labis na takot, tumakbo ang biktima hanggang makahingi ng tulong sa mga tauhan ni Col. Pinuela na nagpapatrolya sa lugar na agad namang rumesponde na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek.

Nakumpiska sa suspek ang isang hindi lisensiyadong kalibre. 38 revolver na kargado ng isang bala na ginamit niya sa panunutok sa biktima.

Mahaharap ang suspek sa mga kasong Grave Threat at paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Navotas City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

VP Sara, isinadlak sa tinatawag na “impeachment sinkhole ng kanyang piniling mga testigo

Posted on: November 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANG mga piniling testigo ni Bise Presidente Sara Duterte sa paglilitis sa impeachment ay hindi nakatulong sa kanyang depensa at sa halip ay lalo lamang siyang isinadlak sa tinatawag na “impeachment sinkhole,” ayon kay House Prosecution panel adviser at tagapagsalita Ace Barbers.

Ayon kay Barbers, lalo pang pinalala ang problema ng naging pagganap ng mga testigong humarap sa korte. Sa halip na tiyak na mapalakas ang kaso ng Pangalawang Pangulo, inilantad ng kanilang mga testimonya ang mga kakulangan at hindi pagkakatugma na nagbunsod nang mas matinding pagtatanong ng mga Senator–Judges.

“What we saw was not a defense getting stronger under questioning. We saw serious questions piling up,” sabi ni Barbers. 

Aniya, nabigo ang mga testigo ng depensa na pabulaanan o kontrahin ang mga ebidensya at testimonya ng prosekusyon. Marami sa mga iniharap na testigo ay hindi sigurado o hindi matandaan ang mga detalye tungkol sa mga ari-arian at dokumento.

“When the defense had the opportunity to bring forward witnesses who could have clarified and rebutted these allegations, such as her alleged P817 million undeclared wealth, they failed to do so convincingly,” ani Barbers.

Ang problema para sa Pangalawang Pangulo ay hindi lamang ang mahigpit na pagtatanong sa kanyang mga saksi. “Ito ay dahil nang dumating na ang mahihirap na tanong, marami sa kanila ang hindi nakapagbigay ng mga sagot na kailangan upang matakpan ang mga butas sa kanyang depensa,” ani Barbers.

Ipinunto ni Barbers na ilan mismo sa mga Senator-Judges ang hayagang nagtanong tungkol sa kredibilidad ng mga testigo at sa kanilang mga sagot sa mga partikular na isyu.

Aniya, mahalaga ito dahil ang kredibilidad ay sentro sa anumang depensa, lalo na kapag ang mga saksi ay ipiniprisinta upang ipaliwanag o pasinungalingan ang mga paratang na nasa ubod ng isang kaso ng impeachment.

“The Senate is not a courtroom where a witness can simply make an assertion and expect everyone to accept it. The witnesses are there to answer hard questions. If they cannot provide clear, consistent and convincing answers, they don’t close the case—they widen the cracks in the defense,” sabi ni Barbers. (VINA de GUZMAN)

High-value drug personality, laglag sa Valenzuela buy bust

Posted on: November 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TIMBOG ang isang tulak ng droga na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Martes ng madaling araw .

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek bilang si alyas “Kabayo”, 54, pedicab driver at residente ng Malabon City.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas Kabayo na tumatawid pa umano sa Valenzuela para magbinta ng droga.

Nang magawang makipagtransaksyon sa kanya ng isa sa mga operatiba ng SDEU, agad ikinasa ang buy bust operation sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil, sa koordinasyon sa PDEA.

Hindi na nakapalag ang suspek nang dambahin ng mga operatiba ng SDEU makaraang bintahan ng P1,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer ala-1:05 ng madaling araw sa Tulip Street corner Dafodil Street, Barangay Malinta.

‎‎

Nakumpiska sa suspek na dati na rin umanong naaresto kaugnay sa kasong may kinalaman din sa droga ang humigi’t kumulang 7 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P47,600, buy bust money, coin purse at P200 cash.

Ayon kay SDEU Investigator PMSg Ana Liza Antonio, sasampahan nila ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s office. (Richard Mesa)

LTFRB NAG-DEPLOY NG TAUHAN SA BORDER CONTROL POINTS PARA SA ASEAN SUMMIT

Posted on: November 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAG-DEPLOY ng karagdagang tauhan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board para tumulong sa Philippine National Police sa pagbabantay sa mga Border Control Points ngayong idinaraos ang 49th ASEAN Summit.

Ayon kay LTFRB Acting Chairman Atty. Greg Pua Jr., nakipag-ugnayan na ang ahensya sa Quezon City Police District at nagtalaga ng Law Enforcement Unit upang tumulong sa seguridad at trapiko mula Nobyembre 15 hanggang 18.

Inihayag ni Pua na hiniling ng QCPD ang tulong ng LTFRB sa pagbabantay sa mga border sa pagitan ng Quezon City at mga karatig-lalawigan, at maayos naman ang operasyon ng mga naitalagang tauhan.

Ang deployment ay alinsunod sa kahilingan ni QCPD District Director Police Brig. Gen. Christopher Olazo, bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na tiyakin ang ligtas at matagumpay na pagdaraos ng ASEAN Summit.

Kasalukuyang naka high-alert status ang kapulisan sa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON.

Binigyang-diin ni Chairman Pua na nakatuon ang papel ng LTFRB sa pagsuporta sa operasyong pang-seguridad at paghuli sa mga out-of-line, overloaded at colorum na sasakyan na pumapasok sa Metro Manila.

Tiniyak din ng ahensya na may nakaantabay pang karagdagang tauhan na maaaring italaga anumang oras kung kakailanganin ng PNP.

Patuloy naman ang random inspection ng LTFRB sa mga pampublikong sasakyan dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong mahabang ASEAN break. (PAUL JOHN REYES)

Pinas, ipinasa na sa Singapore ang pamumuno sa ASEAN

Posted on: November 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PORMAL nang ipinasa ng Pilipinas sa Singapore ang chairmanship ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa susunod na taon.

Sa closing ceremony ng 49th ASEAN Summit and Related Summits, iniabot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Singapore Prime Minister Lawrence Wong ang gavel na sumisimbolo sa paglipat ng pamumuno ng samahan simula Enero 1, 2027.

Pinasalamatan ni Marcos ang lahat ng naging bahagi ng matagumpay na pagdaraos ng summit, kabilang ang mga ahensiya ng gobyerno at mga indibidwal na nagtulungan upang maging maayos ang nasabing pagtitipon.

Nagpahayag din ang Pangulo ng pasasalamat sa mga Pilipinong naapektuhan ang kanilang araw-araw na gawain dahil sa mga paghahanda at aktibidad kaugnay ng summit.

Sa pag-upo ng Singapore bilang susunod na ASEAN chair, ito na rin ang mangunguna sa pagpapatuloy ng negosasyon para sa South China Sea Code of Conduct (COC), isang kasunduan na naglalayong magtakda ng mga alituntunin sa pagkilos ng mga bansa sa pinagtatalunang karagatan.

Ayon kay Department of Foreign Affairs Secretary Thess Lazaro, nasa 80 porsiyento na ang draft provisions ng COC at ang susunod na chair ng ASEAN ang inaasahang magtatapos sa mga natitirang usapin upang maisulong ang kasunduan sa lalong madaling panahon.

Matagal nang pinagmumulan ng tensyon sa rehiyon ang magkakapatong na pag-aangkin ng ilang bansa sa South China Sea, dahilan upang itulak ng ASEAN at China ang pagbuo ng COC bilang gabay sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa lugar.

Ads November 18, 2026

Posted on: November 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments