Sa impeachment trial ni VP Sara…Mga ipinalabas na video ng depensa, kinuwestiyon
- Published on November 20, 2026
- by Francis Paolo Torres
KINUWESTIYON ng House prosecution ang kaugnayan ng pagpapalabas ng videos ng depensa ng mga yumaong dating Chief Justice Renato Corona at Sen. Miriam Defensor Santiago sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte.
Inihayag pa ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na sa halip na ipalabas ang mga videos ay dapat na sinagot ng depensa ang alegasyon ng P818 million na unexplained wealth.
“Mukhang desperado na sila, pati ’yung patay ay pinapasalita pa nila,” ani House prosecution spokesperson Alonto Adiong.
Sinabi naman ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na ang ginawang presentasyon ay “unfair,” kasabay ng pagkuwestiyon sa pagtatangka ng depensa na maikumpara ang trial sa nakalipas na impeachment proceedings.
Nabigo aniya ang depensa na sagutin ang tunay na isyu patungkol sa alegasyon ng unexplained wealth sa kabila na nakapagprisinta na ng pitong saksi.
“So hindi naman po natin masasabi na ito ay effective. Kasi parang hindi naman nila sinasagot ’yung main issue, eh,” pahayag ni Chua.
Pahayag naman ni Adiong na “to us, it is unethical to present video clips of those who have already departed, and their supposed statements have nothing to do with the current impeachment trial of Vice President Sara Duterte.”
Idinagdag naman ni Chua na lumilitaw na mas interesado ang depensa na maglaan ng materyales sa social media sa halip na hamunin ang mga ebidensiya ng proseksuyon,.
“Lahat ng mga pinalalabas ng depensa so far puro pang-socmed. Hindi po pang-impeachment trial,” dagdag ni Chua.
(VINA de GUZMAN)