• November 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pailaw sa Mulanay, Idinaos; Mayor Aguirre, Hinikayat ang Publiko na Magkaisa sa Gitna ng Banta ng El Niño

MULANAY, QUEZON — Sa kabila ng kinakaharap na krisis sa kalikasan, naging matagumpay ang paglulunsad ng taunang Christmas lighting ceremony o pailaw sa Liwasang Alfaro sa bayang ito nitong ika-16 ng Nobyembre, 2026.

Ang aktibidad ay pinangunahan ni Mayor Aris Aguirre kasama ang Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Jay Castelleja, kasama sina Konsehal Gelo Amisola, Konsehal Morales, at iba pang mga opisyal ng bayan. Dumalo rin bilang mga panauhing pandangal sina Bokal JJ Aquivido at Bokal Meg Uy Esguerra.

Sa kabila ng makulay na pagdiriwang, seryosong tinalakay ni Mayor Aguirre sa isang panayam ang kinakaharap na banta ng Super El Niño na inaasahang tatagal hanggang sa taong 2027. Aniya, bagamat apektado ang ilang liblib na barangay sa suplay ng tubig, ginagawa ng lokal na pamahalaan ang lahat upang masolusyunan ito katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Nanawagan naman ang alkalde ng pang-unawa at kooperasyon mula sa mga mamamayan habang patuloy na pinaghahandaan ng pamahalaang bayan ang pangmatagalang solusyon sa nasabing problema.

Sa kabila ng mga pagsubok, isinagawa ang simpleng pailaw upang maipadama sa mga Mulanayin ang diwa ng Kapaskuhan. Nag-iwan din si Mayor Aguirre ng mensahe ng pagkakaisa at pagpapadala ng pagbati ng isang Maligayang Pasko, na hinahangad na mangibabaw ang pag-ibig sa puso ng bawat isa. 

(Yvonne Bagang/ Kim Bornella/ Jeremiah Solomon/ Boy Morales)