• November 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pangulong Marcos sa ASEAN East Asia leaders: Tiyakin supply ng pagkain, enerhiya

NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Southeast at East Asian leaders na gawing konkretong aksyon ang kanilang pagtutulungan para masiguro ang sapat at tuluy-tuloy na supply ng pagkain at enerhiya sa rehiyon.

Sa pagbubukas ng ika-29 na ASEAN Plus Three (APT) Summit nitong Martes, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na hindi dapat direktang maramdaman ng mga mamamayan at negosyo ang negatibong epekto ng mga pandaigdigang krisis, tulad ng pagtaas ng presyo ng bigas, enerhiya at iba pang pangunahing bilihin.

Kahit malayo aniya ang pinagmumulan ng isang pandaigdigang krisis, mabilis pa rin itong nakaaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga pamilya at operasyon.

Mahalaga rin aniya ang pagpapanatili ng maayos na daloy ng kalakalang pandagat at logistics para masiguro na makarating sa tamang destinasyon ang mga pangunahing produkto at supply.

Bukod dito, ibinahagi rin ni Marcos ang kahalagahan ng mga umiiral na mekaniso ng pagtutulungan, kabilang ang Chiang Mai Initiative Multilateralization (CMIM) at ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve (APTERR), na nagsisilbing pananggalang ng rehiyon laban sa krisis pinansyal at kakulangan sa suplay ng bigas.

Layunin ng mga mekanismong ito na mapatatag ang ekonomiya, mapangalagaan ang seguridad sa pagkain at matulungan ang mga bansang nanga­ngailangan sa panahon ng mga emergency.

Ayon pa sa Pangulo, mas nagiging mahalaga ang pagkakaisa ng mga bansa sa gitna ng mga sigalot, pagkagambala sa suplay, kawalan ng katiyakan sa pananalapi at mga kalamidad. ( DARIS JOSE)