Pinas, ipinasa na sa Singapore ang pamumuno sa ASEAN
- Published on November 18, 2026
- by Francis Paolo Torres
PORMAL nang ipinasa ng Pilipinas sa Singapore ang chairmanship ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa susunod na taon.
Sa closing ceremony ng 49th ASEAN Summit and Related Summits, iniabot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Singapore Prime Minister Lawrence Wong ang gavel na sumisimbolo sa paglipat ng pamumuno ng samahan simula Enero 1, 2027.
Pinasalamatan ni Marcos ang lahat ng naging bahagi ng matagumpay na pagdaraos ng summit, kabilang ang mga ahensiya ng gobyerno at mga indibidwal na nagtulungan upang maging maayos ang nasabing pagtitipon.
Nagpahayag din ang Pangulo ng pasasalamat sa mga Pilipinong naapektuhan ang kanilang araw-araw na gawain dahil sa mga paghahanda at aktibidad kaugnay ng summit.
Sa pag-upo ng Singapore bilang susunod na ASEAN chair, ito na rin ang mangunguna sa pagpapatuloy ng negosasyon para sa South China Sea Code of Conduct (COC), isang kasunduan na naglalayong magtakda ng mga alituntunin sa pagkilos ng mga bansa sa pinagtatalunang karagatan.
Ayon kay Department of Foreign Affairs Secretary Thess Lazaro, nasa 80 porsiyento na ang draft provisions ng COC at ang susunod na chair ng ASEAN ang inaasahang magtatapos sa mga natitirang usapin upang maisulong ang kasunduan sa lalong madaling panahon.
Umaasa si Lazaro na magtatagumpay ang Singapore sa pagkumpleto ng negosasyon, bagama’t hindi siya nagtakda ng tiyak na deadline.
Matagal nang pinagmumulan ng tensyon sa rehiyon ang magkakapatong na pag-aangkin ng ilang bansa sa South China Sea, dahilan upang itulak ng ASEAN at China ang pagbuo ng COC bilang gabay sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa lugar.
(DARIS JOSE)