MAINIT na tinanggap ng House prosecution team ang naging desisyon ng Senate impeachment court na ibaba ang voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte.
Ayon kay Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno, nirerespeto ng prosecution ang naging desisyon ng Senate impeachment court.
“Ginagalang po namin at nirerespeto ’yung naging pagpapasya ng ating impeachment court. Para sa amin sa prosecution, wala namang pinagkaiba sa trabaho namin, sa tungkulin namin bilang prosecutor: i-presenta ang ebidensya, ilatag ang kaso to the best of our ability. As far as we’re concerned, that is still our focus, and we will continue to do that job until the end of this trial,” sinabi ni Diokno.
Nagdesisyon ang impeachment court nitong Miyerkules na baligtarin ang naunang pahayag ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero noong July 6 na kinakailangan 16 na boto para convict si Duterte, base sa two-thirds ng lahat ng 24 na miyembro ng Senado na nakasaad sa Konstitusyon.
Nag-ugat ang desisyon matapos maghain ng mosyon si Senator-Judge Erwin Tulfo na itinatanong kung dapat ba isali sa botohan ang apat na senador na hindi makadalo sa paglilitis. Tinukoy ni Tulfo ang apat na senador na sina Ronald “Bato” dela Rosa, Jinggoy Estrada, Rodante Marcoleta at Loren Legarda.
Si Dela Rosa ay kasalukuyang nagtatago at umiiwas sa warrant of arrest laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa madugong kampanya laban sa ilegal na droga, si Estrada at Marcoleta na nahaharap sa kasong plunder samantalang si Legarda ay under medical leave at nagpapagamot sa ibang bansa.
Naunang dininig ng impeachment court ang opinyon ng apat na dating mahistrado, amici curiae, hinggil sa isyu at isinagawa ang oral arguments nitong Miyerkules bago ang botohan.
Iprinisinta ni Diokno ang posisyon ng prosecution hinggil sa isyu at sinabing ang constitutional requirement na two-thirds ay hindi magbabago at ang pagtatalunan lamang ay kung sino ang mga kwalipikadong bumoto.
Nang tanungin si Diokno kung napadali ang trabaho ng prosecution matapos ang desisyon ng impeachment, sinabi niya: “It never gets easier.”
Aniya, ang naging challenge sa prosecution ay magtayo ng bahay na gawa sa ebidensiya. “Dati nabanggit ko na rin ito, ’yung trabaho ng prosecution at ’yung mismong pinakamalaking hamon sa amin ay magtayo ng bahay ng ebidensya,” ani Diokno.
“Mas, in a way, mas madali na ang trabaho ng defense dahil ang nais lang nila ay sirain ang bahay,” dagdag ng kongresista.
(VINA de GUZMAN)