• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

15-anyos na binatilyo, ginang dedbol sa pamamaril sa Caloocan

TUMIMBUWANG ang duguang katawan ng 41-anyos na ginang at menor-de-edad niyang manugang na hilaw matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin habang papasakay sa isang pampasaherong jeep sa Caloocan City.

Dead-on-the-spot ang mga biktimang sina alyas “Gina” at alyas “Binoy”. 15, kapwa residente ng Pangarap Village, North Caloocan, sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan habang ligtas naman ang 17-anyos na babaing anak ng nasawi na live-in partner ng binatilyo.

Sa ulat ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, pasado alas-7:40 ng gabi noong Lunes nang maganap ang insidente sa harapan ng Bankers Village II Gate 4, Quirino Highway, Sapang Alat, Brgy. 181 ng nasabing lungsod.

Sa pahayag sa pulisya ng kinakasama ng binatilyo na si alyas “Lyka”, magkakasama silang tatlo na nag-aabang ng masasakyang pampasaherong jeep na biyaheng Malaria, Brgy. 185 sa naturang lugar.

Nang makapara na sila ang jeep, naunang sumakay ang dalagita at nang pasakay na rin ang dalawang biktima ay bigla na lamang sumulpot ang salarin na nakasuot ng asul na jacket at itim na short pants saka malapitang binaril ang kanyang ina bago sinunod na pinaputukan ang kanyang live-in partner.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang gunman habang inaalam pa ng pulisya sa motibo ng pamamaslang kung saan bumuo na ng team si Col. Goforth na tututok sa pagdakip sa salarin. 

(Richard Mesa)