PBBM, nakiramay at dumalaw sa burol ng pumanaw na si Quirino Gov. Dax Cua
- Published on September 25, 2026
- by Francis Paolo Torres
DUMALAW si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa burol ni Quirino Governor Dakila Carlo “Dax” E. Cua sa Heritage Memorial Park sa Taguig City, Miyerkules ng gabi upang makiramay sa pamilya, mga kaibigan, at mga kasamahan ng yumaong gobernador.
Sa kanyang pagdalaw, kinilala rin ni Pangulong Marcos ang mga naiambag ni Governor Cua sa pamahalaan at sa kanyang komunidad, na mananatiling bahagi ng kanyang pamana sa serbisyo publiko.
Si Governor Cua ay pumanaw noong Setyembre 15, 2026 sa edad na 48. Naulila niya ang kanyang asawang si Quirino Lone District Representative Midy Cua at mga anak.
Kasama ng Pangulong Marcos sa pakikiramay ang kanyang anak na si Majority Leader and Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos, Executive Secretary Ralph Recto, Department of Education Secretary Sonny Angara, Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian, Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., at Department of Budget and Management Secretary Kim Robert De Leon.
Sa loob ng 25 taon sa serbisyo publiko, naglingkod si Cua sa iba’t ibang posisyon sa lokal at pambansang pamahalaan.
Nagsimula ang kanyang karera sa politika sa edad na 23 nang mahalal siya bilang bise gobernador ng Quirino noong 2001, kung saan kinilala siya bilang isa sa mga pinakabatang nahalal na bise gobernador ng bansa.
Bago siya pumanaw, nagsilbi si Cua bilang gobernador ng Quirino at naging aktibo rin sa mga organisasyon ng mga lokal na pamahalaan, kabilang ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), League of Provinces of the Philippines at United Cities and Local Government Asia-Pacific.
Nagsilbi rin si Cua bilang kinatawan ng Lone District ng Quirino mula 2010 hanggang 2019 at gobernador ng lalawigan mula 2007 hanggang 2010.
Kabilang sa kanyang mahahalagang naimbag ang pagiging pangunahing may-akda ng Republic Act No. 10230, na nagtatag ng Quirino State University, at Republic Act No. 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Itinatag din ni Cua ang “I Love Quirino” movement, isang kampanya para itaguyod ang turismo at pagmamalaki sa lalawigan, gayundin ang Q-LIFE o Quirino Livelihood for Everyone, isang programang nagbibigay ng kabuhayan at oportunidad sa mga pamilyang taga-Quirino. (DARIS JOSE)