• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kelot na wanted sa 4 counts of Rape sa Caloocan, nasukol ng NPD sa Eastern Samar

NAGWAKAS na ang pagtatago ng 28-anyos na kelot na wanted sa apat na bilang ng kasong panggagahasa sa Caloocan City nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa lalawigan ng Eastern Samar.

Hindi na nakapalag ang akusado na nakatala ang akusado bilang No. 3 sa Top Ten Most Wanted Person sa Northern Police District (NPD) nang posasan ng mga tauhan ni NPD Director P/BGen. Benliner Capili.

Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng NPD District Special Operations Unit (DSOU) na tumutuloy ang akusado sa lugar ng kanyang live-in partner sa Sitio Rawis, Barangay Alang-Alang, Borongan City, Eastern Samar kaya kaagad silang nakipag-ugnayan sa HPG Regional Group Police Unit 8.

Katuwang ang mga operatiba ng Eastern Samar Provincial Highway Patrol Team, Regional Group Police Unit 8, Criminal Investigation and Detection Group Eastern Samar Provincial Field Unit, Eastern Samar Provincial Intelligence Unit, NDIT-RIU NCR at Borongan City Police Station, ikinasa ng NDP-DSOU sa pangunguna ni PLTCOL Jobie Astucia ang operation na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto sa akusdo dakong alas-10:35 ng umaga.

Dinakip ang akusado sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Family Court, Branch 1, Caloocan City para sa kasong four counts of Rape na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Ayon kay BGen. Capili, patuloy na pinalalakas ng NPD ang mga pagsisikap nito sa paghahanap at paghuli sa mga wanted na indibidwal, partikular ang mga Top Most Wanted Persons, sa pamamagitan ng sustained intelligence gathering, inter-unit coordination, at focused police operations. (Richard Mesa)