• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September, 2026

Valenzuela Emergency Hospital, upgraded to DOH Level 1 hospital

Posted on: September 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PORMAL na minarkahan ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, sa pangunguna ni Mayor WES Gatchalian, ang pag-upgrade ng Valenzuela City Emergency Hospital (VCEH) mula sa isang infirmary tungo sa Department of Health (DOH)-accredited Level 1 na ospital kung saan pinalawak pa nito ang healthcare services para Pamilyang Valenzuelano.

Ang VCEH ay pinasinayaan noong 2012 sa ilalim ni dating Mayor WIN Gatchalian bilang isang infirmary. Noong Hunyo 5, 2023, itinayo ng lungsod ang VCEH Multi-level Parking Building at ang rehabilitasyon ng pangunahing gusali ng ospital na nagbigay sa pasilidad ng mga pinahusay na espasyo at karagdagang imprastraktura upang suportahan ang expanded operations nito.

Sa bago nitong Level 1 hospital accreditation, ang VCEH ay nagbibigay na ngayon ng mga karagdagang serbisyo, kabilang ang mga serbisyo ng anesthesia, operating room, Level 1 imaging services, pinalawak na departamento ng outpatient, at mga piling elective major surgeries na mas malapit sa mga residente na ma-access ang mga karagdagang serbisyo sa ospital.

Sa kanyang maikling mensahe, muling pinagtibay ni Mayor WES ang pangako ng Pamahalaang Lungsod na i-maximize ang bagong pasilidad at ang mga pinalawak na serbisyo nito upang makatulong sa pagpapagaan ng pasanin ng Pamilyang Valenzuelano.

“Tuwing bumibisita po ako ng ospital, isa lang po ang observation ko…hindi po lahat ng pumupunta sa hospital ay masaya, lahat ay dahil may pinagdadaanan sila. Kaya po trabaho ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, trabaho po ng inyong punong lungsod, na padaliin at pagaanin ang nararamdaman ng Pamilyang Valenzuelano…ang gusto natin, pagpasok [sa ospital] parang nasa private na ospital kayo—at nagawa po natin yan,” aniya.

Kasabay nito ay ang pagpapalawak ng Valenzuela HOPE Molecular Laboratory, na maaari na ngayong magproseso ng mga karagdagang diagnostic test kabilang ang viral respiratory panel, leptospirosis, human papillomavirus (HPV), at arbovirus testing, na lalong nagpapalakas sa kapasidad ng lungsod para sa laboratory-based na diagnosis.

Bukod sa mga ito, inihayag din ni Mayor WES ang kanyang mga plano na fully digitize medical transactions sa buong lungsod na layong i-streamline ang healthcare processes at gawin itong mas mabilis, mas mahusay, at madaling ma-access para sa mga pasyente.

 (Richard Mesa)

HILING NG DSWD NA I-EXEMPT ANG KANILANG MGA PROGRAMA AT SERBISYO MULA SA POLL SPENDING BAN, INAPRUBAHAN NG COMELEC

Posted on: September 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IKINATUWA ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na i-exempt ang mga programa at serbisyo ng DSWD mula sa pagbabawal sa paggastos bago ang Halalan sa Barangay at Sangguniang Kabataan (BSKE) sa Nobyembre 2.

Sinabi ni Asst. Secretary Irene Dumlao, ang tagapagsalita ng DSWD, na ang exemption ay titiyak na ang Kagawaran ay patuloy na makakapagbigay ng tulong sa mga mahihirap, vulnerable, at mga disadvantaged na sectors, lalo na sa mga nangangailangan ng agarang tulong.

“Nagpapasalamat po ang DSWD sa COMELEC sa pag-apruba ng ating request na ma-exempt ang ilang programa ng ating ahensya. The approval will ensure unhampered aid to poor and marginalized Filipinos,” Asst. Secretary Dumlao said on Wednesday (September 23).

Sa isang memorandum na inilabas ng COMELEC noong Setyembre 17, inaprubahan ng poll body ang kahilingan ng DSWD na alisin ang ilan sa mga programa nito sa kapakanang panlipunan mula sa Seksyon 261 (v) ng Omnibus Election Code (OEC).

Ilan sa mga programang hindi sakop ay ang Supplementary Feeding Program (SFP), Sustainable Livelihood Program (SLP), Social Pension for Indigent Senior Citizen (SPISC), Walang Gutom Program (WGP), Pag-abot Program, Bangsamoro Umpungan sa Nutrisyon (BangUn), Strategic Helpdesks for Information, Education, Livelihood and other Developmental Interventions (SHIELD) Against Child Labor Program, at Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance.

Sa parehong memorandum, sinabi ng COMELEC na ang pag-apruba ay “hindi kasama ang pamamahagi ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula Oktubre 23 hanggang Nobyembre 2, maliban sa tulong medikal at burial, na karaniwang ibinibigay sa mga kwalipikadong indibidwal.”

“Sa mga mangangailangan po ng medical at burial assistance, mananatili pong bukas ang DSWD at ang aming AICS satellite offices para patuloy kayong mapaglingkuran,” sabi ni DSWD spokesperson.

Ayon kay Asst. Secretary Dumlao, ang DSWD ay lubos na nakatuon sa pagsunod sa mga tuntunin at rekomendasyon ng COMELEC sa ilalim ng kamakailan lamang nitong inilabas na memorandum.

Kabilang dito ang pagbabawal sa presensya ng mga halal na opisyal, kandidato, nominado, at/o mga aspirante habang ipinamamahagi ang tulong pinansyal.

Hinimok din ng COMELEC ang DSWD na tiyaking ang exemption ay hindi makakaimpluwensya sa anumang paraan sa pagsasagawa ng 2026 BSKE.

“Makakaasa po ang COMELEC na kami may magco-comply sa kanilang ibinigay na kondisyon. We will make sure that our policies and guidelines are in place and will be exercised to insulate our program from any political interference,” ipinunto ni Asst. Secretary Dumlao. (PAUL JOHN REYES)

El Niño, posibleng lumakas pa — PAGASA

Posted on: September 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGBABALA ang PAGASA na maaaring lumakas pa ang kasalukuyang strong El Niño at maging very strong El Niño sa mga susunod na buwan.

Ayon sa weather bureau, posibleng magpatuloy ang El Niño hanggang sa unang kalahati ng 2027 at makaapekto sa rainfall at water resources sa bansa.

Nasa 45 probinsya na ang nakaranas ng rainfall deficit mula nang magsimula ang El Niño.

Inaasahang below normal ang ulan sa ilang bahagi ng bansa sa Oktubre at maaaring maging “way below normal” sa Nobyembre.

33 percent Pinoy naniniwalang gaganda ekonomiya – SWS

Posted on: September 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BATAY sa Social Weather Stations (SWS) survey noong Hunyo 20–29, 2026, 33% ng adult Filipinos ang naniniwalang gaganda ang ekonomiya sa susunod na 12 buwan.

Sa nasabing survey, 24% ang nagsabi na lalala ang ekonomiya, 32% ang naniniwalang mananatili sa kasalukuyang antas at 11% ang hindi sumagot.

Nakapagtala ng +10 puntos ang net economic optimism na itinuturing na “fair” (+10 hanggang +19).

Malaking pag-angat ito mula sa -14 noong Marso 2026.

Bumaba ang optimism mula 2021–2024 (excellent/very high) hanggang sa low territory noong Marso 2026, bago muling umangat sa fair level nitong Hunyo.

Tumaas din ang optimism o pagiging positibo sa lahat ng education groups. Pinakamataas sa mga walang pormal na edukasyon o hindi nakapagtapos ng elementarya.

Pinakamababa sa mga college graduate/post-graduate na kabaligtaran ng trend noong 2023–2024.

Ginawa ang survey sa 1,200 respondents sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Min­danao.

Ads September 24, 2026

Posted on: September 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

POC Pres. Tolentino tiwalang makakahakot ng gintong medalya ang Pilipinas

Posted on: September 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KUMPIYANSA pa rin si 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲 𝗢𝗹𝘆𝗺𝗽𝗶𝗰 𝗖𝗼𝗺𝗺𝗶𝘁𝘁𝗲𝗲 (𝗣𝗢𝗖) 𝗣𝗿𝗲𝘀𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁 Abraham “Bambol” Tolentino na makakahakot ng gintong medalya ang Pilipinas sa nagpapatuloy na 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.Pangkalahatang Sanggunian

Sinabi nito na sa nagdaang tatlong araw ay tila mailap pa rin ang gintong medalya subalit mayroon pang ilang mga manlalaro ang hindi pa nakakasabak.

Inihalimbawa nito sina tennis star Alex Eala, gymnast Carlos at Eldrew Yulo ganun din si EJ Obiena at ibang mga atleta.

Una ng sinabi ni Tolentino na makakahakot ng walong gintong medalya ang Pilipinas para mahigitan ang nahakot ng gintong medalya ng Pilipinas noong nagdaang tatlong taon.

Sa ngayon ay mayroong isang silver medal at tatlong bronze medals pa lamang ang nakakamit ng Pilipinas na ito ay nasa pang-21 puwesto.

Pilipinas, ika-6 sa eight-team gymnastics final ng 2026 Asian Games sa Japan

Posted on: September 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGTAPOS sa ika-anim na puwesto ang Philippine men’s artistic gymnastics team sa final ng kompetisyon ng 2026 Asian Games na ginanap sa Nagoya General Gymnasium sa Japan.Mga Southeast Asian at Pacific Islander

Pinangunahan ng two-time Olympic gold medalist na si Carlos Edriel Yulo, nagtala ang Pilipinas ng kabuuang iskor na 227.359, na nagdala sa kupunan sa ika-6 na puwesto upang malampasan ang Vietnam at Singapore sa walong koponang lumaban.

Maganda ang naging simula ng Team Pilipinas matapos makapagtala ng 38.099 sa rings at 42.365 sa vault. Gayunman, bumaba ang kanilang momentum sa parallel bars kung saan nagtala ang koponan ng kabuuang 36.099.

Nag-ambag sina Juancho Miguel Besana ng 10.000, Karl Jahrel Eldrew Yulo ng 11.933, at Carlos Yulo ng 14.166 sa event.

Sa horizontal bar, nakakuha ang Pilipinas ng 36.965 habang nagtala naman ng 38.199 sa floor exercise, kabilang ang 14.266 ni Carlos Yulo.

Sa huling event na pommel horse, nagtapos ang koponan na may 35.632, mula sa ambag nina Zachary Nunez (12.333), Besana (11.933), at Eldrew Yulo (11.366).

Samantala, muling naghari ang China matapos makuha ang ikatlong sunod na gintong medalya sa event sa na nakakuha ng kabuuang iskor na 255.095

Nasungkit naman ng host country na Japan ang silver sa iskor na 253.826, habang bronze naman ang Chines Taipei sa 239.896. Pang-apat ang Kazakhstan (237.596) at panglima ang Republic of Korea (236.359).

Para sa mga magsasaka, transport sector…Sa gitna ng fuel prices, gobyerno, naghahanda para sa bagong round ng UPLIFT aid 

Posted on: September 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGHAHANDA na ang administrasyon ng new round o bagong ikot ng fuel assistance sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) para magbigay ng relief o tulong sa vulnerable sectors habang ang benchmark Brent oil ay tumama na sa $100 per barrel nito lamang Setyembre 9, ang kauna-unahan simula Hulyo sa gitna ng renewed US-Iran tension.

Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa, ang mga magsasaka at mangingisda ang mga initial targets ng bagong UPLIFT assistance.

Samantala, sinabi naman ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na ang administrasyon ay nagpapatuloy na naghahanap ng paraan para mapagaan ang local impact ng pagtaas ng presyo ng langis sa global market, na nakaapekto sa public transport sector at mga mananakay.

Winika ni Lopez, na seryosong pinag-aaalan ng Department of Transportation (DOTr) na isama ang iba pang modes of public transport sa fuel subsidy na ini-enjoy ngayon ng PUJs at UV express. Nagsasagawa naman ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng konsultasyon ukol sa fare-hike petitions.

“Sa ngayon inihahanda na natin ang fuel assistance under the UPLIFT program natin. Ito ay direktang mapapakinabangan ng ating mga magsasaka at mangingisda,” ayon pa rin kay De Mesa sa isang panayam.

Winika pa ni De Mesa na ang malaking tipak ng gastos ng mga magsasaka at mangingisda ay napunta sa langis para sa kanilang palay harvester at motorized bancas.

“Ngayon ay harvest season ng ating mga palay. Makakatulong ito sa bawas gastos. Lalo na kung ginagamit nila iyong combined harvesters. At ganoon din sa ating mga mangingisda. Alam natin malaking bahagi ng gastusin nila ay ang ginagamit na krudo o fuel sa mga bangkang de motor,” ani De Mesa.

Kinokonsidera rin ng gobyerno ang pagpapanumbalik ng toll waivers para sa mga sasakyan na naghahatid ng agricultural products mula Northern Luzon at Southern Luzon sa Metro Manila.

“Pag nagkaroon ng pagtaas ang presyo ng petrolyo ang unang naaapektuhan sa sektor ng agrikultura ay iyong dagdag na gastusin sa movement or transportation costs na ipinapasa sa ating mga consumers,” aniya pa rin.

“Naging epektibo dati iyong pagbibigay ng libreng toll doon sa ating mga viajero. Isa iyan sa magandang pangyayari sa mga nakalipas na pagtaas ng (presyo) ng produktong petrolyo,” ang tinuran nito.

“At mayroon ng mga aksyon na ibalik itong libreng toll. Lalo na sa mga major tolls going in and out of Metro Manila, from south to north, hanggang doon sa iba pang mga links, skyways, toll areas. Up to P150 million iyong naibibigay na additional na libre para sa ating mga viajero,” ang pahayag ni De Mesa.

Hinggil naman sa panukala ng private sector hog industry association na itaas ang pork tariffs, sinabi ni De Mesa na maingat na pinag-aaralan ng gobyerno ang potensiyal na epekto ng presyo ng baboy at ang sumunod na pagtaas ng presyo ng processed pork products gaya ng hotdogs at luncheon meat, na ginagamit ng mga Pinoy sa araw-araw.

“Kailangang balansehin para hindi makaapekto sa pagtaas ng presyo ng bilihin lalo na sa inflation. We really need to have a careful balance,” ang sinabi ni De Mesa.

Sinabi ni Secretary Lopoez na, “Sa ating mga bus operators at drivers, una po, kami po, ako po ay personal na humihingi ng inyong pasensya, paumanhin at konsiderasyon. At makaaasa naman po kayo na ang gobyerno gumagawa ng mga iba’t ibang mga inisyatibo para po matulungan kayo and in the meantime, matulungan din natin ang ating mga commuters.”

Sa kabilang dako, hinggil naman sa petisyon para sa fare hike, sinabi ni Lopez masusing kinokonsidera ng LTFRB ang mga usapin at concerns ng mga operators, drivers, at mga mananakay.

“Pagdating po sa ating fare hike po, ito po ‘yung sinasabi ko parati na at this point in time po, pinipiga pa rin natin ang gobyerno. Kung anong pwede nating ibigay na inisyatibo, subsidiya. Tulad po ng fuel discount natin, alam po namin ‘yan na from P10 naging P12 at limitado po ang transport modes na makikinabang dyan, ‘yung jeepney at tsaka mga UV Express. Iniisip namin kung paano ‘to pahahabain pa at isama ‘yung iba’t ibang transport modes,” ang sinabi ni Lopez.

Kinilala ang pagtaas ng inflation rate, sinabi ni Lopez na “The inflation itself is quite high. Ang August inflation natin is 6.1, ‘pag nagtaas po tayo ng pamasahe ay sigurado pong makakadagdag din ‘yan sa ating inflation. Makakadagdag sa presyo rin po ng serbisyo at presyo ng mga goods.”

“So, we’re trying to say po, sasaluhin po ito ng gobyerno, pipigain natin hanggang sa kaya natin, mga subsidiya, mga iba’t ibang inisyatibo. Ongoing naman po lahat ang DOTr initiatives at sana maging last resort po ‘yung pagbibigay natin ng fare hike. It’s just a matter of time po,” dagdag na pahayag ni Lopez.

Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na nilikha ang UPLIFT upang magbigay ng tulong sa ‘most vulnerable sectors’ bilang bahagi ng whole-of-government approach para mapagaan ang epekto ng nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan. ( DARIS JOSE)

Tiniyak na magiging ligtas at maayos ang buong summit…PNP handang magbigay-seguridad sa 49th ASEAN Summit- Malakanyang

Posted on: September 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HANDA na ang Philippine National Police (PNP) na magbigay ng seguridad sa 49th ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong na gaganapin sa Nobyembre 2026, ayon sa Malakanyang.

Sa Palace press briefing, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na patuloy ang paghahanda ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga lider mula sa iba’t ibang bansa, mga delegado, bisita, at ng publiko.

Ayon kay Castro, tiniyak ng PNP na magiging ligtas at maayos ang buong summit.

“The Philippine National Police is ready to secure the 49th ASEAN Summit this November 2026. We are committed to ensuring the safety of participating heads of state, delegates, guests, and the public and maintaining peace and order throughout the event,” ani Castro.

Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, at iba pang katuwang para sa paghahanda sa seguridad at pagtugon sa anumang posibleng banta.

“The PNP assures the public that we are taking this responsibility seriously. We will remain alert, professional, and ready to help ensure the safe, peaceful, and orderly conduct of the Summit,” ani Castro.

Ginawa ni Castro ang pahayag nang tanungin tungkol sa mga ulat na may ilang grupong posibleng magsagawa ng mga kilos-protesta sa kasagsagan ng summit, lalo na kung dadalo si US President Donald Trump.

Sinabi ni Castro na iginagalang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang karapatan ng bawat Pilipino na magpahayag ng kanilang saloobin at hinaing.

“Ang nais ng Pangulo iparating sa ating mga kababayan na ang inyong karapatan na manawagan, magsabi ng inyong hinaing ay karapatan. Hindi po ito ipinagbabawal,” apela ni Castro.

Gayunman, nanawagan ang Palasyo na panatilihing maayos at mapayapa ang mga aktibidad habang tinatanggap ng Pilipinas ang mga dayuhang lider at delegado.

“Mas magandang i-welcome natin ang ating mga bisita at kung kayo naman ay mayroong hinaing, ito naman ay maaari ninyong sabihin sa ibang araw,” dagdag pa ng Palace Press Officer.

Binigyang-diin ni Castro na ang pahayag ng Palasyo ay isang panawagan lamang at hindi utos sa publiko.

Una nang ipinalabas ng Palasyo ang November 16 hanggang 18 bilang special non-working days sa National Capital Region.

Layunin nitong makatulong sa pag-iwas sa matinding pagsisikip ng trapiko at bigyang-daan ang pamahalaan na makapaghanda ng mga kinakailangang hakbang para sa kaligtasan at maayos na pagsasagawa ng ASEAN Summit. 

(DARIS JOSE)

Mister na wanted sa murder sa Navotas, nalambat sa Malabon

Posted on: September 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LAGLAG sa loob ng rehas ang 40-anyos na mister na wanted sa kasong murder sa Navotas City nang matunton ng tumutugis na kapulisan sa Malabon City.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, ang akusado na si alyas “Boy”, ay nakatala bilang No. 1 sa Top Ten Most Wanted Person ng Navotas City Police Station.

Noong July 13, 2026 nang maglabas ng arrest warrant ang Regional Trial Court (RTC), National Capital Judicial Region, Branch 287, Navotas City, laban sa akusado para sa kasong murder kaya sinimulan na ng pulisya ang pagtugis sa kanya.

Nang makatanggap ang mga operatiba NPD District Anti-Carnapping Unit (DACU) hinggil sa kinaroroonan ng akusado, kaagad nilang ikinasa ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Boy.

Hindi na nakapalag ang akusado nang bitbitin ng mga operatiba ng DACU sa bisa ng nasabing warrant na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Ayon kay BGen. Capili, ang matagumpay na operasyong ito ay nagpapakita ng hindi natitinag na pangako ng NPD sa paghahanap ng mga wanted na indibiwal at sa patuloy na pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at seguridad ng komunidad ng area ng CaMaNava. (Richard Mesa)