• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

ROMANIAN NATIONAL HINARANG SA NAIA

HINARANG at pinabalik ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 46-anyos na Romanian national na dati ng nahatulan sa kasong pagre-recruit ng mga kababaihan para sa prostitusyon sa kanyang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Setyembre 22.

Batay sa mga talaan at intelligence information, si Razvan Mircea Nedelea ay miyembro ng isang Romanian criminal group na sangkot sa human trafficking ng mga kababaihan patungong Scotland. Kasunod nito, siya ay nahatulan at nasentensiyahan sa kasong pagre-recruit ng mga babae para sa prostitusyon.

Dahil sa rekord sa krimen at nakaraang hatol kay Nedelea, hiniling ni Bienvenido Castillo III, Deputy Chief ng BI Anti-Terrorist Group (ATG), sa BI APIS Operations Center (APOC) na bantayan ang kanyang pagbibyahe at agad na abisuhan ang ATG kapag na-detect ito.

Sa kanyang pagdating noong Setyembre 22, inirefer ng nakatutok na Primary Immigration Officer si Nedelea sa mga tauhan ng ATG, na nagrekomenda na harangan ang kanyang pagpasok at ibalik siya sa kanyang bansang pinagmulan.

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang pagiging alerto ng mga tauhan ng imigrasyon at ang epektibong koordinasyon sa pagitan ng APOC, ATG, at mga immigration officer sa paliparan. 

(Gene Adsuara)