INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalawig ng government assistance programs at panukalang tax relief measures na naglalayong pagaanin ang financial burden ng milyong mga Filipino partikular na ang vulnerable families, mga manggagawa at small businesses.
Sa kanyang pang-limang State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City, sinabi ni Pangulong Marcos na ang gobyerno ay naglaan ng mahigit sa P60 bilyon para sa assistance programs hanggang sa katapusan ng taon upang matulungan ang mga Filipino na makaagapay sa nagpapatuloy na economic challenges.
“Hanggang kailangan, asahan ninyo na hindi titigil ang pagsuporta ng pamahalaan. Naglaan tayo ng mahigit PHP60 bilyon para dito, hanggang katapusan ng taon,” aniya pa rin.
Winika pa ng Pangulo na ang pondong nabawi mula sa iregularidad sa government projects ay agad na ilalaan sa mga programang direktang mapakikinabangan ng publiko.
Sinabi pa ng gobyerno na ire-recalibrate nito ang assistance programs para ma-cover ang mas maraming Filipino na nangangailangan, kabilang na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program.
Ang pinalawaig na tulong aniya ay inaasahan na aabot ng 3.5 milyong benepisaryo ng dalawang programa, 1.5 million minimum wage earners na miyembro ng Social Security System, at 2.5 million na mahihirap na Filipino na hindi pa nakatatanggap ng tulong ng gobyerno.
Ani Pangulong Marcos, ang patuloy na tulong ay ipaabot sa transport sector, magsasaka, at iba pang agriculture stakeholders, at overseas Filipino workers na naapektuhan ng global uncertainties.
“Kung susumahin, mahigit pito’t kalahating milyong pamilya na lubos na nangangailangan ang matutulungan natin sa mabigat na kabanatang ito,” aniya pa rin
Maliban sa pinalawak na social protection programs, winika ni Pangulong Marcos na hangad niya na makapagbigay na kaginhawaan sa middle class at small businesses, na patuloy na nakararamdam ng epekto ng economic disruptions.
“So, to ensure the continued progress of the middle class amidst the lingering effects of the crisis, we will pursue tax relief measures that promote growth, generate revenue, and advance equity toward socio-economic sustainability,” anito.
Sa kabilang dako, hinikayat naman ng Pangulo ang kongreso na magpasa ng batas na magpapawak sa income tax exemptions sa mga manggagawa na kumikita ng hindi hihigit sa P350,000 taun-taon at bawasan ang income tax rates para sa ibang manggagawa.
Tinuran ng Pangulo na ang panukalang reporma ay naglalayon din na alisin ang minimum corporate income tax para sa small businesses at pagkalooban ng tax amnesty saklaw ang unpaid income tax, estate at donor’s tax, value-added tax at kaugnay na parusa.
“Kaya bilang natatanging proteksyon sa kanila at para mas mapakinabangan nila ang pinaghirapan nilang kita, nanawagan ako sa Kongreso na maipasa ang batas na magbibigay ng bahagyang ginhawa para sa ating bayaring buwis,” aniya pa rin.
( DARIS JOSE)