• July 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Security ni PBBM, nananatili sa ‘maximum level’ matapos ang pagsabog malapit sa DOJ

SINABI ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro. na mananatiling nasa “maximum level” ang security ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos ang pagsabog malapit sa Department of Justice (DOJ).

Sa isang ambush interview bago pa ang pang-5 State of the Nation Address (SONA), inilarawan ni Castro ang insidente bilang “alarming.”

“Yung operasyon na ‘yan, ibibigay ko na lamang sa security saka sa mga kapulisan at hindi ko puwedeng pangunahan kung anong mga balak nila. Pero siyempre kung ano man ang nangyayari dito, alarming ‘yun,” ayon kay Castro.

“Kung wala namang mga Pilipino manggugulo, sana mas asensado na sana ang Pilipinas,” aniya pa rin.

HIndi pa masabi ni Castro kung mayroong anumang adjustments sa security ng Chief Executive.

Maging anuman, binigyang diin ni Castro na ang security nG Pangulo ay mananatili sa “maximum level.”

“Kahit may pagsabog o walang pagsabog, dapat ang proteksyon sa Pangulo ay to the maximum level. Alam naman natin ‘yan,”diing pahayag pa ni Pagulong Marcos.

At nang tanungin si Castro nakababahala ba ang insidente, tinuran nito na “Hindi kami nagkausap ng Pangulo but definitely, ‘yung mga kapulisan natin dapat mas matindi ang pag-iingat at seguridad.”

Nauna rito, napaulat na may isang homemade bomb ang sumabog malapit sa entrance ng Department of Justice (DOJ), bago naman natagpuan ang isang hinihinalang bomba malapit sa gusali ng Senado.

Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang pagsabog pasado alas-12 ng hatinggabi nitong Lunes, July 27.

Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.

Ilang oras matapos ang pagsabog, isang kahina-hinalang bagay na pinaghihinalaang bomba ang nakita sa kalsada malapit sa Senado, bago maganap ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos.

Sa mga larawang lumabas sa media, makikita ang nabasag na windshield ng isang sasakyan at mga kalat na pinaniniwalaang dulot ng pagsabog.

Samantala, ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-8:30 ng umaga nang mapansin ng isang tow truck driver ang hinihinalang bomba sa kalsadang katabi ng Senado. ( DARIS JOSE)