Dawit sa flood control projects: PBBM, tuluyan nang nilaglag ang pinsan na si Cong. Romualdez
- Published on July 28, 2026
- by Francis Paolo Torres
TULUYAN nang nilaglag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kanyang pinsan na si dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA), araw ng Lunes, Hulyo 27, sa kauna-unahang pagkakataon ay sinabi ng Pangulo na dumating na siya sa punto na ayon sa Ombudsman ay malapit na ang paghain ng patong-patong na kaso laban sa dating Speaker na ang kanyang tinutukoy ay ang kanyang pinsan na si Romualdez.
Si Romualdez ay sinasabing di umano’y nakinabang sa umano’y katiwalian sa paggamit ng pondong inilaan sa mga flood control projects.
“Masakit man sa akin ito ngunit kailangan nating gawin ang tama,” aniya pa rin.
“Hindi ako Pangulo ng aking pamilya. Hindi ako Pangulo ng aking kaibigan. Ako ay Pangulo ng Pilipinas at ang tungkulin ko ay sa inyo: ang aking mga kapwa Pilipino” pagtiyak nito.
Nauna rito, sinabi ng Pangulo na isang taon na ang nakalipas mula noong ilantad niya ang katiwalian na nadiskubre na mga flood control projects.
At gaya aniya ng kanyang ipinangako ay nagsagawa siya ng ma malawakan at malalimang imbestigasyon, na walang pagkiling kahit kaninoman.
Masusi aniya niyang sinuri at sinundan kung saan itinuturo ang ebidensya.
“Lahat ng kailangang gawin ay ginawa natin upang matunton ang puno’t dulo,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang Ulat sa Bayan.
Sinabi pa ng Pangulo, kaakibat ng mga naisampang mga kaso, tiniyak ng pamahalaan na mababawi mula sa mga nagsabwatan ang nakuha nilang pera ng taumbayan.
Gayundin, pinigilan aniya niya ang paglabas ng pera ng bayan na ipambabayad pa dapat sa mga depektibo, peke, o guni-guning mga proyekto, at mapupunta lamang sa mga bulsa ng mga tiwaling kontraktor at opisyal.
“Halos dalawampu’t limang bilyong piso ang halaga ng nabawi, “frozen,” at napreserbang mga pera at ari- arian ng mga akusado. Ang mahigit walong daang milyong piso dito ay agad nating naibalik sa Treasury.
Lahat ng mababawi mula sa mga sangkot na tiwali ay agad ibabalik sa kaban ng bayan,” aniya pa rin.
“Ipinapaubaya na natin ang pag-uusig sa Ombudsman at sa ating mga pinalakas na National Prosecution Service.
Nananalig din tayo sa makatarungang hatol ng hukuman. Makakaasa kayo na ang gulong ng hustisya ay tumatakbo,” anito.
(DARIS JOSE)