• July 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB, PINAG-AARALAN NA PALAWIGIN AT DAGDAGAN ANG FUEL DISCOUNT DULOT NG SITWASYON SA MIDDLE EAST

PINAG-AARALAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang mga posibleng hakbang upang mabawasan ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng sitwasyon sa Middle East.

Bukod sa pagrerepaso at muling pagkalkula ng nararapat na fare adjustment batay sa mga nakabinbing petisyon, sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na pinag-uusapan din ang pagpapanatili, pagpapalawak, at posibleng pagtaas ng kasalukuyang fuel discount bilang alternatibong tulong sa sektor ng pampublikong transportasyon.

“Isinasaalang-alang namin ang lahat ng salik sa pagrerepaso at muling pagkalkula ng pamasahe, lalo na’t nananatiling hindi tiyak at pabago-bago ang sitwasyon sa Middle East,” ani Chairman Vigor.

Kabilang sa mga panukalang pinag-aaralan ang pagpapalawak at pagtaas ng umiiral na ₱10 kada litrong fuel discount upang makatulong sa pag-ibsan ng dagdag na gastusin sa operasyon ng mga PUV. Sa kasalukuyan, saklaw nito ang mga pampasaherong jeepney at UV Express.

Mahigit 87,000 PUV na ang nakinabang sa naturang fuel discount, habang mahigit 143,000 PUV na ang nakatala sa sistema batay sa pinakahuling datos.

“Pinag-aaralan namin ang panukalang ito bilang isa sa mga opsyon habang nagpapatuloy ang mga talakayan at pampublikong konsultasyon sa mga stakeholder sa iba’t ibang panig ng bansa,” dagdag ni Chairman Vigor.

Ayon kay Chairman Vigor, bagama’t may mga nagsusulong ng pagpapalawak ng fuel discount upang maiwasan ang dagdag na pasanin sa mga commuter at mabawasan ang epekto ng anumang taas-pasahe sa inflation, mangangailangan naman ito ng malaking pondo mula sa pamahalaan.

“Sa gitna ng kawalang-katiyakan sa sitwasyon sa Middle East, ang pagpapalawak at pagtaas ng fuel discount ay isa sa mga pinakamakatwiran at praktikal na hakbang na isinasama sa aming mga pagtalakay,” ani Chairman Vigor.

Nauna nang tiniyak ng LTFRB na bibilisan nito ang pagtalakay sa mga nakabinbing petisyon sa taas-pasahe alinsunod sa direktiba ni Secretary Banoy, isang pangakong muling iginiit ni Chairman Vigor sa kanyang pakikipagpulong sa iba’t ibang transport groups. (PAUL JOHN REYES)