• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July, 2026

Gagawing testimonya ni NBI Director Melvin Matibag sentro ng pagdinig ng senate impeachment court

Posted on: July 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BUONG ihahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang imbestigasyon hinggil sa pagbanta ni Vice President Sara Duterte sa buhay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa susunod na pagdinig ng Senate impeachment court.

Ayon kay House prosecutor Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, ang paghahayag ay magiging sentro ng gagawing testimonya ni NBI Director Melvin Matibag sa darating na Martes, July 21.

“Sa darating pong Martes, si NBI Director Melvin Matibag ang huli pong isasalang ng prosekusyon para sa article on threats para tahiin ang kabuuan ng naging imbestigasyon ng NBI dito sa continuing threat ng Pangalawang Pangulo laban sa ating Pangulo at sa kanyang pamilya,” sinabi ni Ridon sa isinagawang press briefing nitong Biyernes. 

Si Matibag ang pinakahuling tetestigo sa fourth article of impeachment laban kay VP Duterte sa betrayal of public trust and other impeachable offenses. Ito ay tungkol sa ginawang pagbabanta ng Bise Presidente noong Nov. 23, 2024 online video na kung may nakausap na raw siya na papatay kay President Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kung sakaling may mangyari sa kanya.

Ayon kay Ridon, ipiprisinta ni Matibag ang “full Bureau reporting” ng NBI bukod pa sa digital forensic evidence at investigative findings na nailatag na ebidensiya sa impeachment court. 

“Hindi lang po ito cybercrime investigation katulad ng ginawa ni Atty. Lotoc at ni Agent Calilung, kundi ang iba pang mga ulat mula sa kabuuan ng opisina ng NBI,” sinabi ni Ridon sa pagtutukoy kina NBI Special Agent John Mark Calilung at NBI Regional Director Jeremy Lotoc.

Sinabi naman ni Robert Ace Barbers, adviser at spokesperson ng House impeachment team, nananatiling malakas ang kaso ng prosecution laban kay VP Duterte.

“Nakita naman natin sa dalawang testimonya ng aming mga witnesses… hindi pa ho nagigiba ’yung credibility ng aming mga testigo,” sabi ni Barbers. 

Aniya, maski ang defense panel mismo ay ginamit ang authenticated video na naiprisinta ng prosecution nung ma-cross-examine si Calilung. 

“Itong ebidensyang in-authenticate ng aming unang witness ay in-authenticate rin naman ng panig ng depensa dahil kitang-kita na ginamit din nila itong ebidensyang ito,” sabi ni Barbers.

Binanggit din ni Barbers na ginamit ng NBI ang testimonya ni Lotoc bilang batayan sa pagsampa ng three counts of grave threats at one count of inciting to sedition laban kay VP Duterte. 

Matapos ang testimonya ni Matibag, inaasahang tatapusin ng House prosecution ang paglalatag ng ebidensya sa grave threats at uusad na ang paglilitis sa akusasyon na maling paggamit ng confidential funds. (Vina de Guzman)

Vlogger na supporter ni PBBM, pinagbabaril todas, kinakasama sugatan

Posted on: July 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HUMANDUSAY ang duguang katawan ng 24-anyos na vlogger na kilalang supporter umano ni Pangulong Bongbong Marcos habang sugatan ang kanyang kalive-in matapos pasukin at ratratin ng hindi pa kilalang mga salarin sa Caloocan City, Biyernes ng madaling araw.

Dead-on-the spot sahi ng tinamong tama ng bala sa ulo ang biktimang si alyas “Mima Alicia” ng Tierra Nova Subdivision Main, Brgy 171, patuloy namang inoobserbahan sa Camarin Doctors Hospital ang kanyang kinakasamang si alyas “Tapong”, 25, sanhi ng tinamong tama ng bala sa bahagi ng katawan.

Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, pasado alas-3:06 ng madaling araw nang pasukin at pagbabarilin ng dalawang hindi pa kilalang suspek ang inuupahang bahay ng mag-live-in partner sa Block 3 Lot-18B, Tierra Nova, Subdivision, Main Brgy., 171, ng lungsod.

Posible umanong nakatakbo pang palabas ang mga biktima dahil sa kalsada na humandusay ang napaslang na biktima habang sugatan naman ang kanyang kinakasama na isinugod ng may -ari ng inuupahan nilang bahay sa nasabing pagamutan.

Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 9 laban sa mga suspek na tumakas, sakay ng isang motorsiklo subalit bigo silang madakip ang mga ito.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaslang habang nagsasagawa na ng back tracking at forward tracking sa kuha ng mga CCTV sa lugar ang mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth para sa posibleng pagkakakilanlan at pagdakip sa mga suspek. (Richard Mesa)

Laban sa China sa ginawang mapanira at “racist” na Diplomatic protest ikinasa vs Chinakomento…

Posted on: July 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PORMAL na naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China sa ginawang mapanira at “racist” na paghahalintulad sa mga Pilipino sa unggoy na inilabas ng state-owned media na China Daily.

Ayon sa DFA, ang protesta ay bunsod ng serye ng mga op-ed video at editorial cartoons na tumutukoy sa 2016 South China Sea Arbitral Award, kabilang ang isang AI-generated na video na inilathala sa Facebook page nito noong Hulyo 10, 2026.

Ayon sa DFA, ang naturang video ay nagpakita ng karakter na unggoy na nakasuot ng tila Barong Pilipino at tinamaan ng water cannon, bagay na tinuligsa ng kagawaran bilang “blatantly demeaning, dehumanizing, and racist.”

“We draw a firm line at the depiction of Filipinos as monkeys in the 10 July 2026 video, which is deeply offensive, distressing, and unacceptable. Disagreement over legal and political issues does not justify resorting to disturbing imagery, which has no place in the civil public discourse of a responsible state,” pahayag ng DFA.

Matatandaan na noong Hulyo 16, 2026, personal na ipinarating ni Foreign Affairs Undersecretary Leo Herrera-Lim ang pagtutol ng Pilipinas kay Chinese Ambassador Jing Quan sa isang face-to-face meeting. Iginiit ng opisyal na ang ganitong uri ng materyal ay labag sa kapwa respeto na ina­asahan sa pagitan ng mga estado at hindi nakatutulong sa maayos na pamamahala ng ugnayan ng dalawang bansa.

Nagpadala rin ng pormal na liham ang Embahada ng Pilipinas sa Beijing sa Editor-in-Chief ng China Daily upang ulitin ang demand na tanggalin ang nakakasakit na content.

Kasabay nito, nanawagan ang DFA para sa “immediate cessation of such irresponsible content” at hinimok ang China na “uphold dignity, respect, and truth in public discourse.”

Nagbabala ang kagawaran na ang ganitong uri ng imahe at maling impormasyon ay “lalo lamang nagpapalawak ng kawalan ng tiwala” sa pagitan ng Pilipinas at China.

Sa kabila ng protesta, iginiit ng DFA na nananatili itong bukas sa diyalogo at diplomasya, ngunit hindi mag-aatubiling tuligsain at labanan ang anumang uri ng diskriminasyon at mapanirang retorika laban sa mga Pilipino saan man ito magmula. (DARIS JOSE)

Patuloy na suporta para sa mga estudyante, tiniyak ni Executive Secretary Recto

Posted on: July 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINIYAK ni Executive Secretary Ralph G. Recto ang pangako ng pamahalaan na tutulungan ang mga karapat-dapat na estudyante sa ilalim ng presidential scholarship program hanggang sa kanilang pagtatapos.

“Galingan ninyo ang pag-aaral ninyo; pagsikapan ninyo,” paghihikayat ni Recto sa mga scholars sa kanyang pagbisita sa Oriental Mindoro, araw ng Miyerkules, Hulyo 15.

“‘Pag kayo ay nakapagtapos ng pag-aaral ninyo, matutulungan ninyo ang inyong pamilya, makakatulong kayo sa ating mga komunidad, at mababawasan ang kahirapan sa ating bansa,” dagdag ng kalihim.

Binigyang-diin ni Recto ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “ihatid ang serbisyo ng ating pamahalaan sa mga mas nangangailangan.”

Aniya, ang scholarship program ay isa sa mga pangunahing programa ng pamahalaan na naglalayong matiyak na lahat ng bata ay makakapagtapos ng pag-aaral.

Ang Bagong Pilipinas Barangay Presidential Scholars Program ay isang pambansang inisyatiba sa edukasyon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos na naglalayong mabawasan ang mataas na bilang ng mga nag-aaral na umaalis sa kolehiyo.Inilunsad bilang bahagi ng inisyatibang “Bawat Bayan Makikinabang,” nagbibigay ito ng pinansyal na tulong na P20,000 sa mga karapat-dapat na estudyante sa kolehiyo.

Ngayong taon, higit sa tatlumpung milyong estudyante ang nakinabang sa mga subsidiya mula sa pamahalaan, ayon kay Recto.

“At ang sabi ng Pangulo, ‘Kulang pa ‘yan,’ kaya dinagdagan niya para siguraduhin na lahat ng barangay sa Pilipinas ay may makapagtapos na mga kabataan natin,” dagdag ni Recto sa kanyang talumpati.

Inanunsyo ng kalihim na sa Mindoro, bawat barangay ay magkakaroon ng limang presidential scholars.

Pinasalamatan ni Recto si Gobernador Humerlito Dolor at ang mga lokal na opisyal. “Sila ang mga … partner ng ating Pangulo upang maisagawa ang programang ito,” aniya.

Ipinahayag naman ni Gobernador Dolor na sa napakaraming Presidenteng kanyang naranasan, “wala akong natatandaang administrasyon na nagbigay ng pantay-pantay” kundi ang administrasyon ni Pangulong Marcos.

“Sa kauna-unahang pagkakataon, sa panahon ni Pangulong [Marcos], sa inisyatiba at pangangalaga ni Executive Secretary Ralph Recto, nabuo ang konsepto: bawat barangay, makikinabang,” sabi ng gobernador.

Hinimok naman ni Recto ang mga estudyante na “maging kabahagi ng pag-unlad ng Pilipinas.”

Aniya, ang scholarship program ay patunay ng dedikasyon ng administrasyon ni Pangulong Marcos sa paghubog ng kinabukasan ng mga kabataang Pilipino at sa pagtupad sa adyenda ng inklusibong pag-unlad.

Direktang tinutugunan ng programa ang nakababahalang mga bilang ng mga nag-aabandona sa kolehiyo (na iniulat na halos 29 porsyento) sa pamamagitan ng pagtutok sa mga estudyanteng malapit nang magtapos ngunit nasa panganib na bumagsak dahil sa kakulangang pinansyal.

Ang programa ay pinondohan sa pamamagitan ng Local Government Support Fund at Socio-Civic Project Funds. Bawat isa sa mahigit 42,000 barangay sa bansa ay tumatanggap ng alokasyon na P200,000, kung saan kalahati (P100,000) ay itinalaga nang partikular para sa tulong pang-edukasyon.

Bawat barangay ay pumipili ng limang kwalipikadong estudyanteng nasa huling taon sa kolehiyo upang tumanggap ng P20,000 bawat isa.

Ang programa ay naisakatuparan sa iba’t ibang lokalidad sa Pilipinas. ( DARIS JOSE) 

Medical at Dental Mission, isinagawa sa Barangay 74!

Posted on: July 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINANGUNAHAN ni Kagawad Dra. Jing Legaspi-Coros ang paglulunsad ng isang Medical at Dental Mission sa Barangay 74, Zone 7, Distrito 2, Caloocan City.

Ang nasabing misyon ay bahagi ng personal na panata ni Kagawad Dra. Jing para sa kanyang mga kabarangay. Ito ay bilang pasasalamat sa Poong Maykapal sa himalang paggaling ng kanyang mahal na ina mula sa malubhang karamdaman.

Bukod sa libreng serbisyong medikal, namahagi rin siya ng libreng bigas at kaunting tulong pinansyal. Ang pondong ginamit dito ay nagmula mismo sa kanyang sariling bulsa—bahagi ng kita ng kanyang klinika na inilaan niya para sa mga residenteng higit na nangangailangan.

Ayon kay Dra. Jing, ramdam niya ang hirap at saloobin ng kanyang mga kapos-palad na kababayan dahil nagmula rin ang kanilang pamilya sa looban o komunidad ng mga informal settler na ngayon ay threatened na maapektuhan ng pagpapalawak ng highway.

Maliban sa mga programang pangkalusugan, pinagsikapan din ng kagawad na magkaroon ang kanilang lugar ng sariling Barangay Hall. Layunin nitong masiguro na may maayos, presentable, at madaling puntahang tanggapan ang mga mamamayan sa oras na sila ay nangangailangan ng tulong.

Ang tanging hiling lamang ni Dra. Jing sa kanyang mga kabarangay ay ang pananatili ng pagkakaisa at pagtutulungan. Sa pamamagitan nito, mas mapagsisilbihan pa sila nang maayos at matutulungan sa kanilang mga pangangailangan sa abot ng makakaya ng pamunuan. (Sonny Asignacion)

JAPAN COAST GUARD VESSEL, DUMAONG SA MAYNILA

Posted on: July 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAINIT na tinanggap ng Philippine Coast Guard (PCG) ang Japan Coast Guard (JCG) training vessel na Itsukushima sa pagdating nito sa Maynila noong Hulyo 16 para sa apat na araw na port visit na naglalayong palakasin ang ugnayan at kooperasyon ng Pilipinas at Japan sa larangan ng maritime safety at maritime security.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, magsasagawa ang PCG at JCG ng mga courtesy call, professional exchanges, ship at facility tours, onboard activities, at sports engagements upang higit pang mapagtibay ang kanilang samahan.

Kasama rin sa paglalayag ang mga ship rider mula sa Indonesia, Malaysia, Vietnam, Pilipinas, at Singapore, bilang bahagi ng pagpapalakas ng kooperasyon ng mga bansang kasapi sa rehiyon sa usaping pandagat.

Ang Itsukushima, sa pamumuno ni Captain Naoki Mizoguchi, ay nasa huling yugto ng overseas training voyage ng JCG para sa Fiscal Year 2026, na nagbibigay ng praktikal na pagsasanay sa mga cadet nito sa nabigasyon, pamumuno, at maritime operations. (GENE ADSUARA)

7.5 million Filipino households ang makakatanggap ng direktang ayuda

Posted on: July 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINATAYANG 7.5 million Filipino households ang makakatanggap ng direktang ayuda mula sa gobyerno sa panglungsad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon kay Marikina Rep. Miro Quimbo.

Ang UPLIFT program ay inilungsad bilang tulong sa mga naghihikahos na pamilya sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin at protektahan ang pambansang ekonomiya, sabi ni Quimbo.

Sa ilalim UPLIFT program, tinatayang 7.5 million households ang mabibiyayaan ng financial assistance, batay sa klasipikasyong ng tatlong grupo.

Sa Group 1, tinatayang 3.5 million households na naka enroll sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program ay makaktanggap ng ₱2,000 cash assistance. 

Sa Group 2, aabot sa 2.5 million poor at near-poor households, batay sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) subalit hindi covered ng 4Ps o Walang Gutom Program, ay makakatanggap ng ₱2,000 per month mula Hulyo hanggang Disyembre 2026.* 

Samantalang sa Group 3, tinatayang 1.5 million low-income workers at kanilang pamilya, batay sa kanilang Social Security System (SSS) records, ay makakatanggap ng ₱2,000 monthly mula Hulyo hanggang Disyembre 2026, depende sa program guidelines nito. 

“The assistance package forms part of the administration’s broader effort to protect purchasing power, stimulate household consumption, and strengthen domestic economic activity amid continuing global economic uncertainties,” sabi ni Quimbo.

 “Our objective has always been clear: to ensure that government assistance reaches those who need it most while maintaining fiscal discipline and supporting sustainable economic growth. UPLIFT is a concrete example of how coordinated action between the Executive and Congress can deliver meaningful relief to millions of Filipino families,” dagdag ng kongresista.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa koordinasyon ng iba pang ahensiya ng pamahalaan, ang nagpapatupad ng UPLIFT Assistance Program. (VINA de GUZMAN)

Pangungutya ng Chinese state media outlet sa mga Pilipino, kinondena ng mga mambabatas

Posted on: July 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINONDENA ng mga mambabatas ang isang Chinese state media outlet sa paglalarawan nito sa mga Pilipino bilang unggoy.

“Dati nang-aangkin lang ng hindi sa kanila — ngayon naman nangungutya na,” pahayag nila Deputy Speaker Paolo Ortega ng La Union, Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales, Lanao de Sur Rep. Zia Alonto Adiong, at Manila Rep. Ernix Dionisio.

 “This is not how a responsible regional power behaves. This is the conduct of a bully that has run out of legal arguments and has resorted to bigotry,” dagdag ng mga apat na kongresista na tinawag na “The Young Guns.”

Anila, malinaw ang ginagawang taktika ng China. Sa una, aangkinin nila yung sakop ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa ilalim ng international law. At kung sila ay nabigo, babastusin nila ang mga Pilipino, gaya ng ginawa ng China Daily.

Tinukoy ng mga mambabatas ang AI-generated video at editorial cartoons na nilabas ng China Daily na anila’y “blatantly racist and dehumanizing.”

“Depicting Filipinos as monkeys is not merely offensive — it is a vile, racist attack that exposes the moral bankruptcy and intellectual desperation of Beijing’s propaganda apparatus,” pahayag ng mga mambabatas.

Sinuportahan nila ang mga naging pahayag ng Department of National Defense at ng Department of Foreign Affairs hinggil sa 2016 South China Sea Arbitral Award, kung saan kinatigan ng international tribunal, sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) , ang karapatan at soberenya ng Pilipinas sa mga inaangkin ng China sa Spratleys at West Philippine Sea.

Nagpahayag din ng suporta ang apat ng kongresista kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga hakbang nito na protektahan ang soberenya at karapatan ng mga Pilipino.

Labing apat na bansa ang sumuporta sa Pilipinas at wala ni isa ang umindorso sa nine-dash line ng China sa pag aangkin sa halos buong karagatan ng South China Sea.

Imbes na respetuhin ang arbitral ruling, pinili ng China na guluhin ang isyu at panliligalig sa mga Filipino fishermen at sundalo. Maging sa propaganda nito ay pinapakalat ng unggoy ang mga Pilipino na hindi bigyan ng respeto.

“Such actions reveal not strength, but profound insecurity and weakness. The Philippines will not be intimidated. We reject this degrading propaganda in its entirety,” pahayag ng mga kongresista.

“We demand that China Daily immediately remove the offensive materials and that Beijing halt all future racist content. Public discourse between nations must be rooted in dignity, mutual respect, and truth — not lies, threats, and dehumanizing caricatures,” anila. (VINA de GUZMAN)

5 MANGINGISDA HULI SA AKTONG ILLEGAL NA NANGINGISDA SA MANILA BAY

Posted on: July 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LIMANG mangingisda ang arestado matapos maaktuhan ng mga operatiba ng Northern NCR Maritime Police Station na illegal na nangingisda sa katubigan ng Manila Bay sa isinagawang seaborne patrol operation, Huwebes ng umaga.

Alas-10:10 ng umaga ng Hulyo 16, 2026, nagsasagawa ng regular na seaborne patrol ang mga tauhan ng Northern NCR MARPSTA na nakataaga sa MLET Baseco sakay ng isang loaned patrol banca nang mamataan nila ang puting bangkang pangisda na may pangalang FBca ” ROCHELLE ” na aktuwal umanong gumagamit ng trawl o active fishing gear habang nangingisda sa katubigan ng Manila Bay, humigit-kumulang 5.79 kilometro mula sa dalampasigan ng Baseco Beach Port Area, Maynila.

Nagpakilala ang mga operatiba bilang mga miyembro ng PNP Maritime Group at humingi ng pahintulot na makasakay sa bangka, na kusang-loob namang ipinagkaloob ng kapitan bago isinailalim sa beripikasyon ang kanilang mga dokumento at permit sa pangingisda.

Dito, napag-alaman na ang nasabing bangka ay isang small-scale fishing vessel, na ipinagbabawal na mangisda sa loob ng municipal waters ng Lungsod ng Maynila. Bukod dito, napatunayang gumagamit ito ng active fishing gear o trawl, na mahigpit na ipinagbabawal alinsunod sa umiiral na batas sa pangisdaan.

Dahil dito, naresto ang mga sakay bangka na sina alyas Mario, alyas Rogelio at tatlo pang tripulante dahil sa paglabag sa Section 86 (Unauthorized Fishing) at Section 95 (Use of Active Gear in Municipal Waters, Bays and Other Fishery Management Areas) ng R.A 10654 bago ipinaalam sa kanila ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng Konstitusyon.

Kabilang sa mga nakumpiskang ebidensya ang nasabing bangka na nagkakahalaga ng ₱500,000, isang FUSO marine engine na nasa ₱20,000 ang halaga, 30 metrong trawl fishing net na nasa ₱20,000 ang halaga at 40 kilong alamang na may kabuuang halagang ₱2,000.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Northern NCR MARPSTA ang mga inaresto at mga nakumpiskang kagamitan habang inihahanda ang kaukulang dokumentasyon bago ito i-endorso sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – National Capital Region (BFAR-NCR) para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

Ayon sa PNP Maritime Group, patuloy nilang pinapaigting ang pagpapatupad ng batas sa karagatan upang labanan ang iligal na pangingisda, pangalagaan ang yamang-dagat ng bansa, at tiyakin ang napapanatiling paggamit ng mga katubigan para sa kapakinabangan ng kasalukuyan at ng mga susunod na henerasyon. 

(Richard Mesa)

LTFRB, NAGLABAS NG SCO VS JEEPNEY OPERATOR NA NASANGKOT SA AKSIDENTE SA BATAAN

Posted on: July 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLABAS ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, laban sa operator ng pampasaherong jeep na nasangkot sa aksidente sa Bataan na ikinasugat ng 18 pasahero noong Hulyo 14.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ipinadala na ang SCO sa Dinalupihan-Olongapo Multipurpose Cooperative, ang operator ng naturang pampasaherong jeep.

“Maaaring humantong sa suspensyon o kanselasyon ng prangkisa ang kasong ito. Ngunit bilang paggalang sa due process, kailangan muna naming marinig ang kanilang panig bago magpasya,” ani Chairman Vigor.

Batay sa paunang imbestigasyon, bumangga ang jeep sa isang bus na nakaparada sa gilid ng kalsada bago ito sumalpok sa isang poste. Dahil dito, 18 katao kabilang ang driver ang nasugatan.

Pinaniniwalaang nagkaroon ng problema sa preno ng sasakyan na posibleng naging sanhi ng aksidente na naganap sa Barangay Roosevelt.

Ayon kay Chairman Vigor, sisiyasatin ng LTFRB ang lahat ng pangyayaring humantong sa insidente, kabilang ang kondisyon at roadworthiness ng naturang pampasaherong jeep.

Nakasaad sa SCO na maaaring lumabag ang operator sa mga probisyon kaugnay ng kaligtasan sa kalsada, partikular sa obligasyon nitong tiyaking ligtas ang serbisyong ibinibigay sa mga commuter.

May tatlong araw ang operator mula sa pagtanggap ng SCO upang magsumite ng paliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang prangkisa nito. Nakatakda ang pagdinig sa kaso sa Hulyo 28.

Samantala, inatasan ni Chairman Vigor ang kinauukulang Regional Franchising and Regulatory Office (RFRO) na alamin ang kalagayan ng mga nasugatan, lalo na ang usapin ng kanilang insurance claims. (PAUL JOHN REYES)