• July 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

JAPAN COAST GUARD VESSEL, DUMAONG SA MAYNILA

MAINIT na tinanggap ng Philippine Coast Guard (PCG) ang Japan Coast Guard (JCG) training vessel na Itsukushima sa pagdating nito sa Maynila noong Hulyo 16 para sa apat na araw na port visit na naglalayong palakasin ang ugnayan at kooperasyon ng Pilipinas at Japan sa larangan ng maritime safety at maritime security.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, magsasagawa ang PCG at JCG ng mga courtesy call, professional exchanges, ship at facility tours, onboard activities, at sports engagements upang higit pang mapagtibay ang kanilang samahan.

Kasama rin sa paglalayag ang mga ship rider mula sa Indonesia, Malaysia, Vietnam, Pilipinas, at Singapore, bilang bahagi ng pagpapalakas ng kooperasyon ng mga bansang kasapi sa rehiyon sa usaping pandagat.

Ang Itsukushima, sa pamumuno ni Captain Naoki Mizoguchi, ay nasa huling yugto ng overseas training voyage ng JCG para sa Fiscal Year 2026, na nagbibigay ng praktikal na pagsasanay sa mga cadet nito sa nabigasyon, pamumuno, at maritime operations. (GENE ADSUARA)