Vlogger na supporter ni PBBM, pinagbabaril todas, kinakasama sugatan
- Published on July 18, 2026
- by Francis Paolo Torres
HUMANDUSAY ang duguang katawan ng 24-anyos na vlogger na kilalang supporter umano ni Pangulong Bongbong Marcos habang sugatan ang kanyang kalive-in matapos pasukin at ratratin ng hindi pa kilalang mga salarin sa Caloocan City, Biyernes ng madaling araw.
Dead-on-the spot sahi ng tinamong tama ng bala sa ulo ang biktimang si alyas “Mima Alicia” ng Tierra Nova Subdivision Main, Brgy 171, patuloy namang inoobserbahan sa Camarin Doctors Hospital ang kanyang kinakasamang si alyas “Tapong”, 25, sanhi ng tinamong tama ng bala sa bahagi ng katawan.
Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, pasado alas-3:06 ng madaling araw nang pasukin at pagbabarilin ng dalawang hindi pa kilalang suspek ang inuupahang bahay ng mag-live-in partner sa Block 3 Lot-18B, Tierra Nova, Subdivision, Main Brgy., 171, ng lungsod.
Posible umanong nakatakbo pang palabas ang mga biktima dahil sa kalsada na humandusay ang napaslang na biktima habang sugatan naman ang kanyang kinakasama na isinugod ng may -ari ng inuupahan nilang bahay sa nasabing pagamutan.
Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 9 laban sa mga suspek na tumakas, sakay ng isang motorsiklo subalit bigo silang madakip ang mga ito.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaslang habang nagsasagawa na ng back tracking at forward tracking sa kuha ng mga CCTV sa lugar ang mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth para sa posibleng pagkakakilanlan at pagdakip sa mga suspek. (Richard Mesa)