LTFRB, NAGLABAS NG SCO VS JEEPNEY OPERATOR NA NASANGKOT SA AKSIDENTE SA BATAAN
- Published on July 18, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGLABAS ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, laban sa operator ng pampasaherong jeep na nasangkot sa aksidente sa Bataan na ikinasugat ng 18 pasahero noong Hulyo 14.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ipinadala na ang SCO sa Dinalupihan-Olongapo Multipurpose Cooperative, ang operator ng naturang pampasaherong jeep.
“Maaaring humantong sa suspensyon o kanselasyon ng prangkisa ang kasong ito. Ngunit bilang paggalang sa due process, kailangan muna naming marinig ang kanilang panig bago magpasya,” ani Chairman Vigor.
Batay sa paunang imbestigasyon, bumangga ang jeep sa isang bus na nakaparada sa gilid ng kalsada bago ito sumalpok sa isang poste. Dahil dito, 18 katao kabilang ang driver ang nasugatan.
Pinaniniwalaang nagkaroon ng problema sa preno ng sasakyan na posibleng naging sanhi ng aksidente na naganap sa Barangay Roosevelt.
Ayon kay Chairman Vigor, sisiyasatin ng LTFRB ang lahat ng pangyayaring humantong sa insidente, kabilang ang kondisyon at roadworthiness ng naturang pampasaherong jeep.
Nakasaad sa SCO na maaaring lumabag ang operator sa mga probisyon kaugnay ng kaligtasan sa kalsada, partikular sa obligasyon nitong tiyaking ligtas ang serbisyong ibinibigay sa mga commuter.
May tatlong araw ang operator mula sa pagtanggap ng SCO upang magsumite ng paliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang prangkisa nito. Nakatakda ang pagdinig sa kaso sa Hulyo 28.
Samantala, inatasan ni Chairman Vigor ang kinauukulang Regional Franchising and Regulatory Office (RFRO) na alamin ang kalagayan ng mga nasugatan, lalo na ang usapin ng kanilang insurance claims. (PAUL JOHN REYES)