• July 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Medical at Dental Mission, isinagawa sa Barangay 74!

PINANGUNAHAN ni Kagawad Dra. Jing Legaspi-Coros ang paglulunsad ng isang Medical at Dental Mission sa Barangay 74, Zone 7, Distrito 2, Caloocan City.

Ang nasabing misyon ay bahagi ng personal na panata ni Kagawad Dra. Jing para sa kanyang mga kabarangay. Ito ay bilang pasasalamat sa Poong Maykapal sa himalang paggaling ng kanyang mahal na ina mula sa malubhang karamdaman.

Bukod sa libreng serbisyong medikal, namahagi rin siya ng libreng bigas at kaunting tulong pinansyal. Ang pondong ginamit dito ay nagmula mismo sa kanyang sariling bulsa—bahagi ng kita ng kanyang klinika na inilaan niya para sa mga residenteng higit na nangangailangan.

Ayon kay Dra. Jing, ramdam niya ang hirap at saloobin ng kanyang mga kapos-palad na kababayan dahil nagmula rin ang kanilang pamilya sa looban o komunidad ng mga informal settler na ngayon ay threatened na maapektuhan ng pagpapalawak ng highway.

Maliban sa mga programang pangkalusugan, pinagsikapan din ng kagawad na magkaroon ang kanilang lugar ng sariling Barangay Hall. Layunin nitong masiguro na may maayos, presentable, at madaling puntahang tanggapan ang mga mamamayan sa oras na sila ay nangangailangan ng tulong.

Ang tanging hiling lamang ni Dra. Jing sa kanyang mga kabarangay ay ang pananatili ng pagkakaisa at pagtutulungan. Sa pamamagitan nito, mas mapagsisilbihan pa sila nang maayos at matutulungan sa kanilang mga pangangailangan sa abot ng makakaya ng pamunuan. (Sonny Asignacion)