NAKAHANDA na ang lahat sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gaganapin sa House of Representatives sa darating na Lunes, July 27.
Ito ang inihayag ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III matapos niyang personal na ininspeksyon ang plenary hall, maging ang mga pasilidad ng Batasan Complex sa Quezon City kung saan matatagpuan ang gusali ng House of Representatives.
“Tungkulin nating tiyakin na ang bawat aspeto ng SONA ay magiging maayos, ligtas, at karapat-dapat sa kahalagahan ng okasyong ito. Mahalaga ang araw na ito hindi lamang para sa pamahalaan kundi para sa bawat Pilipino, dahil ito ang pagkakataong magbibigay ang Pangulo ng ulat sa kalagayan ng bansa at ng direksiyong ating tatahakin. Handa na ang Kamara para sa ikalimang State of the Nation Address ng Pangulo,” pahayag ni Dy.
Ayon kay Dy, napagkasunduan ng Kamara at ng Office of the President na gawing “simple but dignified” ang SONA. Ito ay matapos ang ginanap na inter-agency coordination meeting ng mga opisyales ng House of Representatives, Office of the President, at ng Senado.
“We’re all set,” pahayag naman ni House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil kung saan sinamahan niya ang mga opisyales sa gagawing seating arrangements para sa mga dignitaries at viewing rooms sa mga hindi makakapasok sa plenary hall.
Sinamahan din ni Garafil ang mga opisyales ng Office of the President sa ruta na dadaanan ni Pangulong Marcos hanggang sa plenary hall kung saan magaganap ang kanyang ika-limang SONA.
Magkakaroon din ng deployment ng medical personnel mula sa House Medical and Dental Service, kasama ang ilang medical teams mula sa St. Luke’s Medical Center, Diliman Doctors Hospital, Philippine Heart Center, at East Avenue Medical Center.
Nakaantabay naman ang emergency services ng Department of Health, local government units, Bureau of Fire Protection, at ang Philippine National Police para sa seguridad ng SONA.
(VINA de GUZMAN)