Ka-tie niya si Kara bilang Best Host for Public Service…IVANA, ‘di pa rin makapaniwalang nanalo ng dalawang FAMAS Awards (ni: ROHN ROMULO)
- Published on July 22, 2026
- by Francis Paolo Torres
HINDI pa rin makapaniwala ang Kapamilya actress at content creator na si Ivana Alawi na nagwagi siya ng dalawang awards sa 1st FAMAS Broadcast Awards.
Wagi si Ivana bilang Best Host for Public Service at ka-tie niya ang broadcast journalist na si Kara David.
Nakuha rin niya ang tropeo para Best Public Service Show dahil sa mga ginagawa niyang pagtulong sa pamamagitan ng kanyang vlogs.Sa Facebook post niya, mababasa na, “Still can’t believe na nanalo tayo ng 2 FAMAS Awards.
“Thank You, Lord, for always reminding me that Your plans are always greater than mine. Lagi Mo akong sinusurpresa sa tamang panahon.
“Maraming salamat, FAMAS, sa tiwala. At higit sa lahat, maraming salamat sa bawat isa sa inyo na patuloy na nanonood, sumusuporta, at naniniwala sa lahat ng ginagawa ko.”Dagdag pa ng actress/vlogger, “nagsimula lang ako sa simpleng pangarap na makapagpasaya at makatulong sa kapwa. Kaya bawat blessing na natatanggap ko, mas lalo akong naniniwala na hindi ito para sa akin lang, kundi para maibahagi rin sa mas maraming tao.
“Hangga’t may kakayahan ako, hindi ako magsasawang tumulong at ibalik ang pagmamahal na binibigay ninyo sa akin.
“Maraming salamat. Mahal na mahal ko kayo.”
Si Kara naman ay nanalong Best Public Affairs Talk Show para sa “I-Listen”
Wagi rin si Kara ng Best Documentary para sa kanyang “I-Witness” episode na “Embalsamador de Motor.”
Present pareho sina Kara at Ivana para personal na tanggapin ang kani-kanilang award.
Binigyang-pugay ni Kara sa kanyang acceptance speech ang mga sakripisyo at paghihirap ng kanyang crew at staff kasabay ng pasasalamat sa mga taong nagtiwala para ilahad sa publiko ang kanilang mga kuwento.
Samantala, ibinahagi naman ni Ivana ang kanyang award sa kapwa niya mga nominado na sina Kara David, Jessica Soho, PAO Chief, Atty. Persida Rueda-Acosta, Dra. Edinell Calvario at Vicky Morales.
“Maraming, maraming salamat po ulit sa FAMAS for this award. I actually want to share this with also my co-nominees dahil napakaganda talaga ng mga ginagawa rin nila.
“And again, with everything that’s happening in this world, I think it’s very important na nagse-share tayo ng positive content and tumutulong tayo sa ating mga kababayan because ‘di ba, sino pa bang magtutulungan kundi tayo-tayo lang,” ayon pa speech ng aktres at content creator.