BI LUMAHOK SA IMMIGRATION CONFERENCE SA INDONESIA HINGGIL SA HUMAN TRAFFICKING
- Published on July 23, 2026
- by Francis Paolo Torres
DUMALO ang Bureau of Immigration (BI) sa Bali Process Immigration Officials’ Conference sa Bali, Indonesia, upang palakasin ang kooperasyon ng mga bansa laban sa human trafficking para sa sapilitang kriminalidad at iba pang transnational crimes.
Pinangunahan ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang delegasyon ng Pilipinas. Naging resource speakers naman sina Ann Camille F. Mina, Deputy Chief ng Immigration Protection and Border Enforcement Section, at Bienvenido Castillo III, Deputy Chief ng BI Anti-Terrorist Group.
Ibinahagi ng delegasyon ng Pilipinas ang whole-of-government approach ng bansa sa paglaban sa human trafficking, kabilang ang mahigpit na departure screening ng mga outbound Filipino passengers, intelligence-based risk profiling, masusing pagsusuri ng mga dokumento, at pakikipag-ugnayan sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) upang matukoy at matulungan ang mga posibleng biktima bago sila makaalis ng bansa.
Tinalakay din ang lumalalang kaso ng online recruitment para sa cyber scam operations at iba pang uri ng sapilitang kriminalidad, at binigyang-diin ang kahalagahan ng mas matatag na intelligence sharing at cross-border cooperation.
Ayon kay Viado , mahalaga ang naturang kumperensya sa pagpapalakas ng ugnayan ng mga immigration authority sa rehiyon upang mas epektibong labanan ang human trafficking at iba pang transnational crimes.
“Habang patuloy na nagbabago ang mga taktika ng mga trafficking syndicate at ginagamit ang teknolohiya sa kanilang operasyon, kinakailangang paigtingin ang pagbabahagi ng impormasyon, palakasin ang seguridad sa hangganan, at pagtibayin ang pagtutulungan ng mga bansa upang maprotektahan ang mga mamamayan at mapanatiling ligtas ang ating mga hangganan,” ani Viado. (Gene Adsuara)