• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagbubukas ng sesyon ng Kamara, hindi makakaapekto sa impeachment trial ni VP Sara 

HINDI makakaapekto ang muling pagbubukas ng sesyon ng Kamara sa susunod na linggo sa ginaganap na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay 1-RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez, magagawa namang rebisahin ang schedule na nangangailangan lamang ng minor physical at logistical adjustments para sa prosecution team.

“I think there won’t be that big adjustment. The only adjustment really would be ‘yung physical adjustment natin,” ani Gutierrez sa isang press briefing.

Ang ikalawang regular session ng 20th Congress ay magsisimula sa susunod na linggo. Sa kasalukuyan, ang Senate impeachment court ay nagsasagawa ng pagdinig mula Lunes hanggang Miyerkules ng alas-2 ng hapon.

Sa pagsisimula ng sesyon, ang trial ay inaasahang gagawin mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon. Maliban lamang sa susunod na linggol na gagawin ang trial ng Miyerkules lamang, habang balik sa regular na Lunes hanggang Miyerkules na schedule.

Sinabi ni Gutierrez na inihahanda at pinaghati-hatian na ng mga miyembro ng prosecution panel ang kanilang oras para sa impeachment case, kabilang na ang legislative responsibilities at pagtugon sa pangangailangan ng kanilang constituents.

“As it is, even before session, divided na rin po talaga ‘yung time ng prosecution. We still have our constituents to serve. So I think it should be very, very much manageable,” anang mambabatas.

Sinabi naman ni Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V ng La Union na maaari namang magtrabaho nang mas mahabang oras ang mga mambabatas kapag nagbalik sesyon na ang kongreso.

“Well, at least naman po medyo mas may flexibility kasi may schedule na. Kumbaga time management na lang po. But siguro makikita natin na medyo mag-o-overtime po ang House of Representatives lalo ‘pag nag-start na po ‘yung session,” pahayag ni Ortega.

(VINA de GUZMAN)