• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September, 2026

QC RTC, nagpalabas ng warrant of arrest laban kay VP Sara Duterte

Posted on: September 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPALABAS kahapon Setyembre 4, 2026, ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga kinakaharap nitong kasong grave threats.

Agad namang naglabas ng opisyal na pahayag ang legal counsel ng Bise Presidente na si Atty. Paul Lawrence Lim hinggil sa naturang utos ng hukuman.

Binigyang-diin ni Lim na walang anumang intensyon ang Bise Presidente na tumakas o umiwas sa proseso ng batas sa kabila ng mga usapin ukol sa hurisdiksyon ng korte.

“Regardless of the question on jurisdiction, she has no intention of evading the law and will continue to exercise all her legal remedies,” pahayag ng abogado.

Gagamitin umano ng kampo ng Bise Presidente ang lahat ng mga nararapat at magagamit na legal na remedyo upang harapin at sagutin ang mga ipinupukol na usaping legal sa korte.

Lumabas ang bagong usapin sa harap ng nagpapatuloy na impeachment trial laban sa bise presidente.

Ang trial sa impeachment court ay nasa ika-21 araw na nitong Miyerkules, kung saan isinalang na testigo si dating DepEd Usec. Michael Poa na isa rin sa mga abogado ni Duterte. ( DARIS JOSE)

Mambabatas, nanawagan sa Kamara na ibalik ang mga ibinawas sa 2027 budget ng mga sangay ng DOH

Posted on: September 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG mambabatas ang nanawagan sa Kamara na ibalik ang mga ibinawas sa 2027 budget ng mga sangay ng Department of Health (DOH).

Nanawagan si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na ibalik ang personnel services (PS) at maintenance and other operating expenses (MOOE) ng mga DOH-retained hospitals, at dagdagan pa ang 2027 budget ng DOH.

Sa isinagawang pagdinig sa proposed budget ng DOH sa Kamara, kinuwestyon ni Tinio kung bakit may kakulangan ng mga doktor, nurses at medical support staff ang ilang state hospitals. 

Aniya, lumilitaw na nagpapa-kontrata na lamang, job order o contract of service, ang ilang ospital dahil sa kabawasan ng personnel services budget.

Tulad na lamang sa Rizal Medical Center, ayon kay Tinio, na binawasan ng 8 percent ang kanilang PS budget sa halagang P112 million.

“Kulang na nga ng staff, binabawasan pa. The DOH itself admitted these are unfilled plantilla positions being removed from next year’s budget. That means hospitals will have no opportunity to fill them up during the fiscal year. They keep telling us the total plantilla ‘remains the same’ — may bawas eh, tapos sinasabi walang nabawasan,” sabi ni Tinio.

Humingi ng paliwanag si Tinio sa DOH kung bakit marami pang posisyon na bakante. Dapat aniya, ibalik ang mga naibawas sa PS at gawing plantilla position ang mga nabakante.

Sinabi ni Tinio na kailangan ng mga ospital ang direktang pondo para direktang maibigay ang serbisyo, hindi iiaasa sa reimbursement mula sa PhilHealth.

“Instead of cutting the budgets of our public hospitals, we are calling for the restoration of all these reductions and a meaningful increase in the DOH budget — for plantilla positions, hospital operations, and health facilities. Health is a right, not an afterthought,” sabi ni Tinio.

“Bawat pisong ibinawas sa DOH ay bawas sa serbisyong pangkalusugan ng taumbayan, kaya dapat itong ibalik at dagdagan pa,” dagdag ng kongresista.

(VINA de GUZMAN)

Pagtanggal ng Sandiganbayan kay Bonoan sa kaso ng flood control scam, nakakaalarma

Posted on: September 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPAHAYAG ng pagkaalarma ang kampo ni dating Speaker Martin Romualdez sa naging desisyon ng Sandiganbayan na tanggalin si dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan sa kaso ng flood control scam.

“Iyang naging desisyon po ay alarming at nakakagulat, ‘yan po ay nakakabahala,” pahayag ni Atty. Ade Fajardo, abogado at tagapagsalita ni Romualdez.

Iginiit din ni Fajardo na hindi isinangkot ni Bonoan si Romualdez sa flood control scandal.

“Going back from the very start to put everything in context po, nang magsimula itong reklamo ng special panel against Congressman Romualdez, wala pong anumang salaysay doon, wala po man lang kahit ni isang taga-DPWH, ni isang statement from Secretary Bonoan, kahit doon sa Blue Ribbon Committee, kahit doon sa Independent Commission for Infrastructure wala pong nag-uugnay kay Congressman Romualdez,” ani Fajardo.

Aniya, walang makitang partikular na DPWH project kung saan nag-participate o allegedly nag-impluwensiya si Romualdez para manalo ang isang partikular na contractor.

“Walang ganung alegasyon kaya nakakagulat na si Secretary Bonoan all of a sudden is now available as a potential witness. And then suddenly, malaya na siya at granted ang immunity practically kasi hindi na siya akusado,” sabi ni Fajardo. 

Naunang iginiit ni Fajardo na wala ng “credible evidence” laban sa kanyang kliyente matapos bumaligtad ng salaysay ang ilan sa mga Maleta Boys, kabilang ang star witness na si Orly Guteza, na iniuugnay si Romualdez sa flood control scam. 

(VINA de GUZMAN)

Manatiling mapagbantay laban sa lumalaking information threat sa bansa

Posted on: September 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINIKAYAT ni House prosecution panel adviser at spokesman Ace Barbers ang mga Pilipino na manatiling mapagbantay laban sa lumalaking information threat sa bansa.

Sinabi ni Barbers na hindi dapat maliitin ang babala ni retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, partikular na umano’y paglayo ng foreign influence operators sa mga madaling matukoy na pro-China messaging at sa halip ay inilalapit nila ang sarili sa mga isyu na nakaka-apekto sa emosyon ng Pilipino.

“The danger is that a real issue can be hijacked by false narratives. The impeachment is a constitutional process, but if foreign actors are manipulating information surrounding it, Filipinos must be smart enough to distinguish legitimate criticism from deliberately manufactured propaganda,” ani Barbers.

Ayon sa dating Surigao del Norte Congressman at Governor, base sa open-source searches sa Internet, may mga ebidensiya, partikular mula sa Meta, Reuters, Graphika, Microsoft, Philippine government officials at independent researchers, na nagpapakita kung papaano nagtatrabaho ang China-linked influence operations sa Pilipinas at sa iba pang lugar.

Pinaka-sopistikado stratehiya ng operasyon, ani Barbers ay ang samantalahin ang nagaganap na dibisyon sa mga Pinoy. Hindi na kailangang pilitin pa ng operasyon na mahalin ang Tsina.

“China-linked foreign malign influence operations are exploiting contentious Philippine political issues, including the Duterte impeachment controversy, to deepen polarization and shape public opinion,” pahayag pa Barbers, base umano sa datos mula sa internet.

Isa aniya umano sa China-linked operations ang gumamit ng network ng peke o inauthentic accounts para magbuo ng usapin na tumutuon sa pananaw ng mga ordinaryong Pinoy.

Inalis na kamakailan ng Meta ang naturang networks na nagmula umano sa Tsina na tumatarget sa Philippine audiences. Isa sa documented Philippine network ay kinasasangkutan ng 155 accounts na may tinatayang may 130,000 followers and at milyong interaksyon na nagsusulong sa mga pro-China narratives at political figures.

“These accounts can behave like ordinary users—posting political opinions, commenting on news stories, attacking critics of China or boosting favorable personalities. The objective is not necessarily to make one post go viral, but to create an artificial sense of consensus,” paliwanag nito.

(VINA de GUZMAN)

Pulis binentahan, rider na tulak ng droga laglag sa drug bust sa Valenzuela 

Posted on: September 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KALABOSO ang isang rider na tulak umano ng ilegal na droga nang makuhanan ng mahigit P.2 milyong halaga ng shabu makaraang maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Valenzuela City, Huwebes ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Thugs”, 45, ng Brgy., Canumay West na mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, ikinasa ng mga operatiba ng Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa pagtutulak umano ng suspek ng ilegal na droga.

Matapos matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na buyer na hudyat na positibo na ang transakyon, kaagad lumapit ang back up na operatiba saka inaresto ang suspek dakong alas-10:40 ng gabi sa L. San Diego Street, Brgy. Canumay West.

Nang kapkapan, nasamsam sa suspek ang isang coin purse na naglalaman ng isang plastic sachet ng umano’y shabu, buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang pitong P1,000 boodle money at P150 cash.

Ayon kay SDEU investigator P/MSg Ana Liza Antonio, umabot lahat sa 30 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P204,000 ang nasamsam sa suspek habang kinumpiska rin ang gamit niyang motorsiklo sa pagdedeliber umano ng droga.

Paalala ni Col. Talento, huwag makilahok, tumangkilik, o magkubli ng ano mang ilegal na aktibidad na may kaugnayan sa droga. Aniya, kung may impormasyon tungkol sa ilegal na droga ay huwag matakot at kaagad i-report sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang agad na maaksyunan. 

(Richard Mesa)

BAGONG KASO NG LEPTOSPIROSIS SA MAYNILA, LUMUBO

Posted on: September 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LUMOBO ang bagong kaso ng leptospirosis na naitala sa lungsod ng Maynila ngayong Biyernes.

Sa datos ng Manila Health Department, umabot ito sa 146 ngayong araw kaya’t umabot na ang lahat ng kaso ngayong 2026 sa 854.

Paglilinaw naman ni Dr. Ed Santos, Deputy City Health Officer ng Maynila…kasama sa 146 ang mga kaso ng sakit na late nang naireport ng mga ospital at ngayong araw lamang naipasa.

Gayunman, nanawagan pa rin ang mga awtoridad sa publiko na mag-ingat dahil may 34 na ang nasawi kasama ang 6 na bagong namatay sa leptospirosis

Pakiusap ni Dr Santos – huwag nang lumabas at lumusong sa baha kung hindi naman kailangan at kung hindi maiiwasan ay magsuot ng bota o wader

Hinikayat din niya ang mga magulang na iwasan ang paliligo sa ulan lalo na ang mga nagsa shower sa mga alulod na maaaring kontaminado ang tubig.

Bilang dagdag pag-iingat na rin aniya ang paglilinis sa lahat ng de-lata, nakabote, o nakapakete na pagkain na maaaring pinamahayan ng daga ang karton. 

(Gene Adsuara)

2 drug suspects, timbog sa Valenzuela 

Posted on: September 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KULUNGAN ang kinasadlakan ng dalawang hinihinalang drug personalities matapos maaresto ng pulisya sa magkahiwalay na operation sa Valenzuela City.

Sa ulat, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento nang maaktuhan ang tatlong individuals na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa likod na bahagi ng Blk. 10, Building 8, Disiplina Village, Barangay Bignay, dakong alas-12:35 ng Biyernes ng hating gabi.

Kaagad silang nilapitan nina PSSg Michael Monib at Pat Timothy Jezer Tinte, saka nagpakilala bilang mga pulis na kapwa nakatalaga sa Police Sub-station 7 at ipinaalam sa kanila ang nilabag nilang kasalanan bago inaresto.

Nakumpiska sa tatlo ang P430 bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano sa construction worker na si alyas “Jobert”, 25.

Nauna rito, alas-8:27 ng Huwebes ng gabi nang mahuli sa akto nina PCpl Ledrick Bacuran at Pat Robert Regalado, kapwa nakatalaga sa Police Sub-Station 3 si alyas “Rence”, 29, na bumabatak umano ng shabu sa gilid ng Pumping Station, sa Encarnacion Street, Barangay Marulas.

Nakumpiska sa kanya ang isang nakabukas na plastic sachet na naglalaman ng bahid ng umano’y shabu at ilang drug paraphernalias.

Ayon kina SDEU investigators PSSg Christopher Quiao at PSSg Pamela Joy Catalla, mahaharap sina alyas Jobert at alyas Rence sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

MOTOR VEHICLE DEALER, SUSPENDIDO AT PINAGMULTA; MGA NILABAG AT KAUKULANG PARUSA, TINUKOY

Posted on: September 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

AYON sa resultang lumabas sa imbestigasyon ng Land Transportation Office (LTO) na ang Leading Edge Automobiles Philippines, Inc. – BGC Branch (“LEAP-BGC”), isang LTO-accredited motor vehicle dealer, ay nagpahintulot sa LEAP Mandaluyong Branch, na walang sariling LTO accreditation, na magbenta ng 19 na sasakyan gamit ang accreditation ng LEAP-BGC.

Ang LEAP-BGC mismo ang nag-isyu ng sales invoices at nagproseso ng sales reports at registration ng nasabing 19 na sasakyan. Dahil dito, makikita sa records ng LTO na ang mga transaksyon ay ginawa sa ilalim ng accreditation ng LEAP-BGC.

Natuklasan din ng LTO ang mga pagkakaiba sa petsa ng bentahan ng 13 sa 19 na sasakyan. Ang mga petsang ini-report sa LTO ay hindi tumutugma sa aktwal na petsa ng bentahan na nakasaad sa kaukulang sales invoices

Malaki ang inabot ng administrative fine na ipinataw ng LTO sa LEAP-BGC, batay sa graduated penalty schedule na nagtatakda ng P500,000.00 bawat transaksyon para sa serious offense at P100,000.00 bawat transaksyon para sa less serious offense. Kabilang sa mga paglabag ang pagpapahintulot sa unaccredited LEAP Mandaluyong Branch na magbenta ng 19 na sasakyan gamit ang accreditation ng LEAP-BGC; ang pag-isyu ng sales invoices at pagproseso ng sales reports at registration ng nasabing 19 na sasakyan; at ang maling pag-uulat ng petsa ng bentahan ng 13 sasakyan.

“Hindi natin papayagan na gamitin ang mga accredited dealer bilang front para sa mga unauthorized transactions. Pare-pareho ang ating mga patakaran para sa lahat, at mananagot ang sinumang magtatangkang umiwas o lumusot sa mga ito,” pahayag ni Asec. Lacanilao.

Pinaalalahanan din ng LTO Chief ang lahat ng accredited dealers na sila ang may pananagutan sa pagiging tama at makatotohanan ng lahat ng sales reports, invoices, registration documents at iba pang records na kanilang isinusumite sa ahensya.

“Nakasalalay sa tama at makatotohanang records ang integridad ng ating motor vehicle registration system. Patuloy nating paiigtingin ang monitoring at enforcement upang maprotektahan ang publiko at matiyak na sumusunod ang lahat ng accredited dealers sa mga patakaran at regulasyon ng LTO,” dagdag niya. 

(PAUL JOHN REYES)

DepEd pinangunahan Nationwide School Safety Drill

Posted on: September 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINANGUNAHAN ng Department of Education (DepEd) ang sabayang pagdaraos ng National Simultaneous School Safety Drill sa buong bansa kahapon, bilang bahagi ng kanilang School Safety Contingency Plans.

Layunin ng aktibidad na palakasin ang kahandaan ng mga paaralan sa pagtugon sa active threat scenarios at iba pang emergency. Isa sa mga tampok na lugar ng drill ay ang Carlos F. Gonzales High School sa Bulacan, na dinaluhan nina DILG Secretary Jonvic Remulla, DepEd Undersecretary Malcolm Garma, at Assistant Secretary Jocelyn Andaya.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara na ang mga paaralan ay dapat magsilbing ligtas na santuwaryo para sa mga mag-aaral. Dagdag pa ng kalihim, ang drill ay hindi para magdulot ng takot kundi upang matiyak na handa ang school community sa oras ng emergency.

Ayon sa DepEd, ang simulation ay sinuri ng multi-agency observers mula sa DILG, PNP, at Disaster Risk Reduction and Management Offices upang matukoy ang operational gaps at mapahusay pa ang localized contingency plans.

Malalang puksaan sa upcoming satire comedy na ‘Red Crown’…Sparkle artists, game na makipag-bardagulan sa mga pageant veterans (ni: ROMMEL GONZALES) 

Posted on: September 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKAKALOKA talaga dahil ang akala ng marami na totoong beauty pageant, isa pala itong pelikula.

Bongga rin talaga ang pakulo ng GMA Pictures sa upcoming satire comedy na “Red Crown” dahil ang dami nitong napaniwalang totoong beauty pageant ang “Queen of the Islands,” ha!

Pero kahit pelikula lang at ‘di tunay na beauty contest, aba ang mga faney, kanya-kanya ng pambato.

Siyempre pa ang mga fans nina Sanya Lopez, Shuvee Etrata, Faith da Silva, AZ Martinez, Ashley Ortega, at Skye Chua – full-support sa kanilang mga idolo.

Pak na pak rin ang pagka-game ng mga Sparkle artists na makipag-bardagulan sa mga pageant veterans. 

Biruin mo makikipagpuksaan sila sa mga title holder na sina Ahtisa Manalo, Gazini Ganados, MJ Lastimosa, Ara Arida, Michelle Marquez Dee, Herlene Budol, Alethea Ambrosio, at iba pa.

Excited na nga hindi lang ang pageant fans kundi ang filmgoers sa nasabing pelikula. Say pa nga ng isang netizen: “Behind the scenes already looks exciting! Ready to see who will take the crown.”

Sa Oktubre na ipalalabas sa sinehan ang “Red Crown” sa direkyson ni Dominic Zapata.***

‘Delivery Boi’ stars, magpapakilig sa Tagaytay

PANIGURADONG mas magiging exciting ang weekend ng mga Kapuso dahil makakasama nila nang live ang cast ng “Delivery Boi” sa isang espesyal na #KapusoMallShow sa Tagaytay ngayong Sabado, September 5.

Maghanda na para sa isang fun-filled afternoon kasama sina Will Ashley, Mika Salamanca, Vince Maristela, at Yasser Marta, na magdadala ng exciting performances, good vibes, at mga nakakikilig na moments na siguradong tatatak sa puso ng lahat! Abangan sila sa #KapusoMallShow sa Main Activity Center, UGF, Fora Filinvest Malls, Tagaytay, simula 5 p.m.

Huwag palampasin ang chance na makasama ang mga bida ng “Delivery Boi”, mga Kapuso, lalo’t malapit na silang mapanood sa GMA!