2 drug suspects, timbog sa Valenzuela
- Published on September 5, 2026
- by Francis Paolo Torres
KULUNGAN ang kinasadlakan ng dalawang hinihinalang drug personalities matapos maaresto ng pulisya sa magkahiwalay na operation sa Valenzuela City.
Sa ulat, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento nang maaktuhan ang tatlong individuals na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa likod na bahagi ng Blk. 10, Building 8, Disiplina Village, Barangay Bignay, dakong alas-12:35 ng Biyernes ng hating gabi.
Kaagad silang nilapitan nina PSSg Michael Monib at Pat Timothy Jezer Tinte, saka nagpakilala bilang mga pulis na kapwa nakatalaga sa Police Sub-station 7 at ipinaalam sa kanila ang nilabag nilang kasalanan bago inaresto.
Nakumpiska sa tatlo ang P430 bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano sa construction worker na si alyas “Jobert”, 25.
Nauna rito, alas-8:27 ng Huwebes ng gabi nang mahuli sa akto nina PCpl Ledrick Bacuran at Pat Robert Regalado, kapwa nakatalaga sa Police Sub-Station 3 si alyas “Rence”, 29, na bumabatak umano ng shabu sa gilid ng Pumping Station, sa Encarnacion Street, Barangay Marulas.
Nakumpiska sa kanya ang isang nakabukas na plastic sachet na naglalaman ng bahid ng umano’y shabu at ilang drug paraphernalias.
Ayon kina SDEU investigators PSSg Christopher Quiao at PSSg Pamela Joy Catalla, mahaharap sina alyas Jobert at alyas Rence sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)