• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagtanggal ng Sandiganbayan kay Bonoan sa kaso ng flood control scam, nakakaalarma

NAGPAHAYAG ng pagkaalarma ang kampo ni dating Speaker Martin Romualdez sa naging desisyon ng Sandiganbayan na tanggalin si dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan sa kaso ng flood control scam.

“Iyang naging desisyon po ay alarming at nakakagulat, ‘yan po ay nakakabahala,” pahayag ni Atty. Ade Fajardo, abogado at tagapagsalita ni Romualdez.

Iginiit din ni Fajardo na hindi isinangkot ni Bonoan si Romualdez sa flood control scandal.

“Going back from the very start to put everything in context po, nang magsimula itong reklamo ng special panel against Congressman Romualdez, wala pong anumang salaysay doon, wala po man lang kahit ni isang taga-DPWH, ni isang statement from Secretary Bonoan, kahit doon sa Blue Ribbon Committee, kahit doon sa Independent Commission for Infrastructure wala pong nag-uugnay kay Congressman Romualdez,” ani Fajardo.

Aniya, walang makitang partikular na DPWH project kung saan nag-participate o allegedly nag-impluwensiya si Romualdez para manalo ang isang partikular na contractor.

“Walang ganung alegasyon kaya nakakagulat na si Secretary Bonoan all of a sudden is now available as a potential witness. And then suddenly, malaya na siya at granted ang immunity practically kasi hindi na siya akusado,” sabi ni Fajardo. 

Naunang iginiit ni Fajardo na wala ng “credible evidence” laban sa kanyang kliyente matapos bumaligtad ng salaysay ang ilan sa mga Maleta Boys, kabilang ang star witness na si Orly Guteza, na iniuugnay si Romualdez sa flood control scam. 

(VINA de GUZMAN)