• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mambabatas, nanawagan sa Kamara na ibalik ang mga ibinawas sa 2027 budget ng mga sangay ng DOH

ISANG mambabatas ang nanawagan sa Kamara na ibalik ang mga ibinawas sa 2027 budget ng mga sangay ng Department of Health (DOH).

Nanawagan si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na ibalik ang personnel services (PS) at maintenance and other operating expenses (MOOE) ng mga DOH-retained hospitals, at dagdagan pa ang 2027 budget ng DOH.

Sa isinagawang pagdinig sa proposed budget ng DOH sa Kamara, kinuwestyon ni Tinio kung bakit may kakulangan ng mga doktor, nurses at medical support staff ang ilang state hospitals. 

Aniya, lumilitaw na nagpapa-kontrata na lamang, job order o contract of service, ang ilang ospital dahil sa kabawasan ng personnel services budget.

Tulad na lamang sa Rizal Medical Center, ayon kay Tinio, na binawasan ng 8 percent ang kanilang PS budget sa halagang P112 million.

“Kulang na nga ng staff, binabawasan pa. The DOH itself admitted these are unfilled plantilla positions being removed from next year’s budget. That means hospitals will have no opportunity to fill them up during the fiscal year. They keep telling us the total plantilla ‘remains the same’ — may bawas eh, tapos sinasabi walang nabawasan,” sabi ni Tinio.

Humingi ng paliwanag si Tinio sa DOH kung bakit marami pang posisyon na bakante. Dapat aniya, ibalik ang mga naibawas sa PS at gawing plantilla position ang mga nabakante.

Sinabi ni Tinio na kailangan ng mga ospital ang direktang pondo para direktang maibigay ang serbisyo, hindi iiaasa sa reimbursement mula sa PhilHealth.

“Instead of cutting the budgets of our public hospitals, we are calling for the restoration of all these reductions and a meaningful increase in the DOH budget — for plantilla positions, hospital operations, and health facilities. Health is a right, not an afterthought,” sabi ni Tinio.

“Bawat pisong ibinawas sa DOH ay bawas sa serbisyong pangkalusugan ng taumbayan, kaya dapat itong ibalik at dagdagan pa,” dagdag ng kongresista.

(VINA de GUZMAN)