• September 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August, 2026

2 arestado sa droga sa Valenzuela

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TIMBOG ang limang indibidwal kabilang ang dalawang hinihinalang drug personalities nang maaktuhan naglalaro umano ng iligal na sugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa ulat, nagsasagawa ng Anti Criminality operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento nang maaktuhan ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa Pinagpala St., Area 4, Sitio Pinalagad, Brgy., Malinta dakong alas-5 ng hapon.

Kaagad nilapitan nina Pat. Jonathan San Pedro at Pat. Roval Labawan ang dalawa sabay nagpakilala bilang mga pulis na nakatalaga sa Valenzuela Police Sub-Station 4 bago inaresto. Nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano sa mekaniko na si alyas “Jonard”, 34.

Nauna rito, naaresto naman ng mga operatiba ng Police Sub-Station 5 ang tatlong indibidwal habang nagsusugal din umano ng ‘cara y cru’ sa isang bakanteng lote sa Sagip St., Brgy., Arkong Bato pasado alas-9:34 ng gabi.

Nakumpiska nina PSMS Israel Gutierrez at Pat Joshua Capiral sa kaila ang perang pantaya, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha umano kay alyas “Aljon”, 22.

Sinampahan na ng pulisya ng mga kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-Gamling Law) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sina ‘Jonard’ at ‘Aljon’ sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. 

(Richard Mesa)

2 high-value drug personalities, laglag sa P1.7M shabu sa Caloocan

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMABOT sa mahigit P1.7 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang hinihinalang high‑value drug personalities matapos matiklo ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City, Martes ng gabi.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek na isang 24-anyos na lalaking courier rider at 26-anyos na babaeng make-up artist.

Ikinasa ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA, kasunod ng natanggap na impormasyon ng mga operatiba Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga suspek.

Nang matanggap ang signal mula sa isa nilang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, kaagad lumusob ang mga operatiba ng SDEU saka inaresto ang mga suspek dakong alas-10:19 ng gabi sa loob ng isang housing project sa Barangay 188.

Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili kay NCRPO Regional Director PMGEN Anthony Aberin, nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 252.2 grams ng suspected shabu na may standard drug price na P1,714,960.00, buy bust money at isang pulang handbag.

“Every gram of illegal drugs seized means lives protected and families spared from the devastating effects of drug abuse. We will remain relentless in strengthening intelligence‑driven operations and working with partner agencies and communities to keep Metro Manila safe and secure.” pahayag ni MGen. Aberin. (Richard Mesa)

SENIOR CITIZEN PARTY-LIST, HINIMOK ANG KONGRESO NA PROTEKTAHAN ANG PANUKALANG ₱51.6-B SOCIAL PENSION FUND

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINIMOK ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes ang Kongreso na protektahan ang panukalang ₱51.6-bilyong Social Pension fund para sa mga mahihirap na senior citizen at alamin kung nananatiling sapat ang kasalukuyang ₱1,000 buwanang pensiyon.

Ang 2027 National Expenditure Program ay nagmumungkahi ng ₱51.644 bilyon para sa Social Pension para sa mga Mahihirap na Senior Citizen. Nakasaad sa Mensahe sa Budget ng Pangulo na ang programa ay naglalayong tulungan ang 4,236,841 na matatandang Pilipino.

“We must protect this allocation, but we also have to ask whether ₱1,000 a month still provides meaningful help for the food, medicines and other basic needs of an indigent senior citizen,” sabi ni Ordanes.

Nakatakdang simulan ng House Committee on Appropriations ang mga budget briefing kasama ang Development Budget Coordination Committee, kabilang ang Department of Budget and Management.

Ang Republic Act No. 11916 ay nagbibigay sa mga mahihirap na senior citizen ng buwanang social pension na hindi bababa sa ₱1,000. Inaatasan din nito ang Department of Social Welfare and Development na nakabatay sa pag-apruba ng DBM at konsultasyon sa mga stakeholder na repasuhin at kung kinakailangan ayusin ang halaga kada dalawang taon, isinasaalang-alang ang Consumer Price Index at iba pang kaugnay na economic indicators.

Ang na-update na mga macroeconomic assumptions ng Development Budget Coordination Committee para sa 2027 ay nagtataya ng inflation sa 4.0 porsyento hanggang 5.0 porsyento sa susunod na taon, kasunod ng inaasahang 6.0 porsyento hanggang 7.0 porsyento sa 2026.

“May malinaw na review mechanism ang batas. Ang tanong natin sa budget deliberations: ginawa na ba ang review, ano ang resulta, at reflected ba ito sa 2027 budget?” sabi ni Ordanes.

Sinabi ni Ordanes na dapat isumite ng DSWD at DBM sa Kongreso ang pinakabagong pagsusuri sa pensiyon na kinakailangan sa ilalim ng RA 11916 o ipaliwanag ang katayuan nito at ibunyag kung magkano ang karagdagang pondo na kakailanganin kung kinakailangan ang isang pagsasaayos ng hindi binabawasan ang bilang ng mga kwalipikadong senior citizen na sakop.

Hiniling din niya sa DSWD na ibunyag ang mga target nitong benepisyaryo para sa 2027 at tukuyin ang sinumang kwalipikadong senior citizen habang pinapalakas ang pag-target at paghahatid sa pamamagitan ng PhilSys, Community-Based Monitoring System, at mga digital na pagbabayad.

“Dalawa ang dapat nating bantayan: sapat ba ang ayuda, at nakakarating ba ito sa mga senior na kwalipikado,” sabi ni Ordanes.

 (PAUL JOHN REYES)

DOH: 220 leptospirosis deaths naitala ngayong 2026

Posted on: August 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKAPAGTALA ang Department of Health (DOH) ng 220 leptospirosis deaths mula Enero hanggang Agosto 8, 2026, ayon kay DOH Disease Prevention and Control Medical Officer Dr. Anne Dominique Asis-Matuba.

Sa kabuuan, may 3,440 kaso ng leptospirosis ngayong taon — mas mababa kumpara sa 5,318 kaso noong 2025. Gayunman, nagbabala si Asis-Matuba na dapat pa ring mag-ingat lalo na matapos ang mga pagbaha.

Nagpaalala siya sa publiko na umiwas sa paglusong o paglalaro sa baha. Kung hindi maiwasan, magsuot ng bota, at agad na maghugas ng katawan gamit ang tubig at sabon, lalo na kung may sugat. Pinakamahalaga aniya ang pagkonsulta sa doktor o health center sa loob ng 24 hanggang 48 oras matapos ma-expose sa baha.

Tiniyak din ng opisyal na maaaring makuha nang libre sa health centers ang doxycycline, ngunit dapat munang magpakonsulta bago uminom ng gamot dahil hindi ito ligtas para sa lahat, gaya ng mga buntis, nagpapasuso, o may allergy.

Dagdag pa ni Asis-Matuba, ang tamang dosage ay nakabatay sa antas ng exposure: Kung walang sugat, dala­wang kapsula sa loob ng 24–72 oras. Kung may sugat, dalawang kapsula araw-araw sa loob ng 3–5 araw.

Binigyang-diin ng DOH na ang leptospirosis ay nakamamatay kung hindi maagapan, kaya’t mahalaga ang maagap na pagpapa­tingin sa doktor at tamang pag-iwas sa baha.

Ads August 19, 2026

Posted on: August 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Sa halip na mainis, idinaan na lang sa good vibes…VINCE, naglakad sa baha at nakisakay sa likod ng truck ng bumbero (ni: ROMMEL GONZALES) 

Posted on: August 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KUNG ilang araw nanalasa ang Hanging Habagat sa maraming lugar sa Pilipinas kabilang na ang Metro Manila.

Naging dahilan ito ng malawakang pagbaha sa iba-ibang areas at hindi lamang mga ordinaryong mamamayan ang nakaranas nito kundi maging ang mga artista.

Isa na rito ang Sparkle male star na si Vince Maristela.

Pero sa halip na magpahayag ng pagkainis at pagkakunsumi ay idinaan ni Vince sa good vibes ang paglalakad niya sa baha!

Nag-video pa ang Pinoy Big Brother ex-housemate habang naglalakad sa binahang kalsada na nakapayong.

Ayon pa sa post ni Vince, mas mabilis pa raw siyang makakarating sa pupuntahan niya na naglalakad kaysa nakasakay sa kotse dahil sa matinding trapik sa mga oras na iyon sa Marcos Highway.

Makikita rin sa video ni Vince na marami siyang kasabay na naglalakad rin sa gitna ng ulan at pagbaha. Makikita rin ang maraming sasakyan na hindi na makaandar dahil sa matinding trapiko at pagbaha.

Sa kanyang paglalakad ay nakarating si Vince sa entrance ng isang subdibisyon sa Rizal at doon ay isa na namang nakakaaliw na bagay ang ginawa niya; nakisakay si Vince sa likod ng truck ng bumbero kasama pa rin ang ibang tao para lamang makarating sa kanilang destinasyon!

***

GOOD news para sa mga fans, in-announce na ang pagkakaroon ng “Pinoy Big Brother Collab 3.0”!

Ibinalita ito ng PBB hosts na sina Gabbi Garcia, Bianca Gonzalez at Kim Chiu recently sa “It’s Showtime.”

And kung sa naunang dalawang collab season na puro mga celebrity ang mga housemates, ngayon ay may pagkakataon na ang mga ordinaryong Pilipino na makapasok sa sikat na bahay ni Kuya.

Magkakaroon na ng auditions para sa mga ordinaryong mamamayan mula sa iba’t-ibang sulok ng mundo para mapabilang sa panibagong batch ng mga housemate sa Bahay ni Kuya.

Ang auditions ay para sa lahat ng Pilipino saanman sa mundo na ages 18 to 35.

Kailangang mag-upload ng mga gustong sumali ng isang minutong video upang ipakilala ang kanilang sarili at ipaliwanag kung bakit karapat-dapat silang maging housemate sa “Pinoy Big Brother.”

Ang audition period ay hanggang Agosto 31.

Nag-sorry ang TAPE dahil mahigit dalawang taon na…CHARIZ, ibinalitang nabayaran na sila ng 50% ng producer ng noontime show (ni: REY PINEDA) 

Posted on: August 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATAPOS ang mahigit na dalawang taon, nabayaran na raw si Chariz Solomon at ang ibang host at staff ng dating show na “Tahanang Pinakamasaya”.

Sa isang panayam ni Boy Abunda para sa “Fast talk With Boy Abunda”, masayang ibinalita ni Chariz na 50% na ang naibigay sa kanilang dapat na sasahurin. 

Banggit nga nito, okay na raw yon at least nandun yung effort na magbayad.

At hindi rin daw sila galit sa Television and Production Exponents (TAPE) Inc, na siyang nag-produce ng nasabing noontime show.

Mas nanaig daw kasi ang pananalaping pangangailangan kesa sa frustration nila sa sobrang delay ng payment.

Inamin din ni Chariz na hindi naging madali para sa kanila ang gawin ang show dahil daily nga ito.  Mas grabe ang demands nito at talagang naramdaman nila ang matinding pagod at stress.

Binanggit din ni Chariz na humingi ng despensa si Chairman dahil nga sa sobrang delay na nangyari.  Hindi lamang nito nasabi kung sino sa mga Jolosjos ang chairman na kanyang nabanggit.

Sa bandang huli nagpasalamat pa rin si Chariz sa pamunuan ng TAPE inc, dahil isa karanasan daw ang hindi nila malilimutan habang ginagawa ang show.     

Aminado naman ito na mas malaki ang bayad sa paggawa ng mga soap opera, kaya lang mas fulfilling daw ang naging role nila sa nabanggit na show.

***   

SA kanyang ikalawang termino bilang Congressman ng unang distrito ng Quezon City mula noong 2022, naging consistent si Congressman Arjo Atayde bilang isa sa top ten legislators ng ating bansa.  

Kamakailan nga, muli naman itong naisama sa talaan ng Top Ten Outstanding Legislators – Congressman ng Pilipinas 2026.     

Sa kanyang dedikasyon sa public service, legislative excellence, at yung kanyang commitment sa kanyang komunidad ang tunay na kakanyahan nito sa pagiging isang responsableng liderato.     

Dahil sa kanilang makabuluhang inisyatiba, integridad, at ang kanilang di natitinag na serbisyo para sa sambayanang Pilipino, ang TOLAwardees 2026 ay patuloy na nagbibigay ng positibong pagbabago at progreso sa knai-kanilang mga nasasakupang komunidad.     

Marami tuloy ang nagtatanong, kung kailan daw muling masisilayan ang talento ni Congressman Arjo bilang aktor sa telebisyon at pelikula?     

May nakapagbulong sa amin na namimili raw ito ngayon ng mga roles na makabuluhan. 

Ayaw raw nitong gumawa ng isang proyekto na maisasantabi ang pangangailangan ng kanyang mga nasasakupang distrito. 

Dahil nasa top priority niya ang masidhing pagnanasang lalong makatulong.

Gilas Women naging masaklap ang pagkatalo kontra Mexico 61-58

Posted on: August 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKALASAP ng matinding pagkatalo ang Gilas Pilipinas Women sa FIBA Pre-Olympic Qualifying Tournament na ginanap sa Gudajara, Mexico.

Tinalo sila ng host country na Mexico sa score na 61-58 sa kanilang unang laro.

Sa unang quarter ay hawak na Gilas Women ang kalamangan kung saan umabot pa sa 15 puntos ang kanilang kalamangan.

Sa huling anim na minuto ng laro ay mayroong 10 puntos na kalamangan ang Gilas Women 57-47.

May tsansa pa sanang maitabla ng Gilas Women ang laro sa natitirang 21 segundo subalit hindi naipasok ng veteran center na si Jack Animam ang isa sa dalawang free-throw.

Pagdating naman sa ilang segundo ng laro ay nagkaroon ng maling pasa si Afril Bernardino kay Vanessa De Jesus na nagresulta sa unsportmanlike foul at nagtapos sa pag-asa ng Gilas Women para manalo.

Nasayang nagawang 15 points, apat na assists at tatlong rebound ni De Jesus habang si Animam.

Dahil sa resulta ay mahaharap sa must-win situation ang Gilas Womens laban sa World No. 7 na Canada sa araw ng Huwebes, Agosto 20.

EJ Obiena nagkamit ng gintong medalya sa kompetisyon sa Poland

Posted on: August 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGKAMIT ng gintong medalya si Pinoy pole vault star EJ Obiena sa Golden Sand 2026 competition na ginanap sa Międzyzdroje, Poland.

Nadomina ni Obiena ang Promenada Gwiaz kung saan nagkamit nito ang season-best na 5.91 meters para makamit ang medalya.

Ito na ang pang-walong gintong medalya ng world number 13 ngayong 2026 season na nakuha sa Cottbus, Berlin, Halberstadt, Poznań, Eisenstadt, at Tianjin.

Nahigitan nito ang ilang mga sikat na pole vaulter gaya nina Cole Walsh, Hunter Garretson at US at Robin Emig ng France.

Target nitong makabalik sa top 10 kung saan kasalukuyan itong nagsasagawa ng pagsasanay sa Greece kasama si world number 2 na si Eammanoil Karalis.

Mahuhuling nagtatapon ng basura, paglilinisin ng kanal at drainage system

Posted on: August 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UPANG panagutin ang mga nagtatapon ng basura, inihain ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang House Bill 10841 o Anti-Littering Community Service Act.
Sa ilalim ng panukala, ang mga nagkasala ay paparusahan ng isang araw o walong oras na community service sa unang opensa, dalawang araw sa ikalawa at tatlong araw naman sa ikatlo at susunod pang mga opensa. Paglilinisin ang mga nagkakalat o nagtatapon ng basura ng mga kanal, estero at iba pang waterways.
“Napakasimple lang naman nito: kung wala kang makitangbasurahan, hawakan mo muna ang basura mo hanggang may mapagtatapunan ka nang maayos. Pero kapag itinapon natin kung saan-saan, sa kanal din ang bagsak niyan at buongkomunidad ang apektado kapag bumaha,” ani Tiangco.
Layon ng panukala na palakasin ang pagpapatupad ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, na nagbabawal sa pagkakalat o pagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay Tiangco, ang mahinang pagpapatupad ng batas at naglilimita sa pagiging epektibo ng mga anti-littering rules.
Tinatayang 750 metric tonelada ng basura at debris ang nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority mula sa daang tubig matapos ang ilang araw na pag-uulan.
“Kapag bumabara ang kanal dahil sa basura, tayong lahat ang apektado—mga pamilyang binabaha, mga motorista, mganegosyo, at mga manggagawang kailangang maglinis. Kaya hindi sapat na may batas. Kailangan may malinaw ding pananagutan sa pagpapatupad nito,” pahayag ni Tiangco.
Sa ilalim ng panukala, ang mga local officials at empleyado na bigong magpatupad ng batas ay posibleng kumaharap sa 15 araw na suspension without pay sa unang offense, 30 araw sa ikalawa at dismissal mula sa serbisyo sa ikatlo at susunod na opensa.
“Ang pag-aatas ng community service na paglilinis ng mga kanal ay naglalayong ipaunawa sa mga lumalabag na higit na madali at halos walang hirap ang wastong pagtatapon ng basura kaysa sa napakahirap, matrabaho, at magastos na paglilinis ng mga kanal at drainage system na nababarahan dahil sa iresponsableng pagtatapon ng basura. Sa pamamagitan ng aktwal na pakikilahok sa paglilinis ng mga kanal, inaasahang magkakaroon sila ng mas malalim na pag-unawa sa masasamang epekto ng hindi wastong pagtatapon ng basura at mas matibay na pagpapahalaga sa kanilang personal na pananagutan sa pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran,” ani Tiangco.
Ang isang offender na nabigong gawin ang kinakailangang community service ay sasailalim sa kaukulang proceedings at penalties sa ilalim ng Revised Penal Code at iba pang batas. (VINA de GUZMAN)