• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 arestado sa droga sa Valenzuela

TIMBOG ang limang indibidwal kabilang ang dalawang hinihinalang drug personalities nang maaktuhan naglalaro umano ng iligal na sugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa ulat, nagsasagawa ng Anti Criminality operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento nang maaktuhan ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa Pinagpala St., Area 4, Sitio Pinalagad, Brgy., Malinta dakong alas-5 ng hapon.

Kaagad nilapitan nina Pat. Jonathan San Pedro at Pat. Roval Labawan ang dalawa sabay nagpakilala bilang mga pulis na nakatalaga sa Valenzuela Police Sub-Station 4 bago inaresto. Nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano sa mekaniko na si alyas “Jonard”, 34.

Nauna rito, naaresto naman ng mga operatiba ng Police Sub-Station 5 ang tatlong indibidwal habang nagsusugal din umano ng ‘cara y cru’ sa isang bakanteng lote sa Sagip St., Brgy., Arkong Bato pasado alas-9:34 ng gabi.

Nakumpiska nina PSMS Israel Gutierrez at Pat Joshua Capiral sa kaila ang perang pantaya, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha umano kay alyas “Aljon”, 22.

Sinampahan na ng pulisya ng mga kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-Gamling Law) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sina ‘Jonard’ at ‘Aljon’ sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. 

(Richard Mesa)