Mahuhuling nagtatapon ng basura, paglilinisin ng kanal at drainage system
- Published on August 19, 2026
- by Francis Paolo Torres
UPANG panagutin ang mga nagtatapon ng basura, inihain ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang House Bill 10841 o Anti-Littering Community Service Act.
Sa ilalim ng panukala, ang mga nagkasala ay paparusahan ng isang araw o walong oras na community service sa unang opensa, dalawang araw sa ikalawa at tatlong araw naman sa ikatlo at susunod pang mga opensa. Paglilinisin ang mga nagkakalat o nagtatapon ng basura ng mga kanal, estero at iba pang waterways.
“Napakasimple lang naman nito: kung wala kang makitangbasurahan, hawakan mo muna ang basura mo hanggang may mapagtatapunan ka nang maayos. Pero kapag itinapon natin kung saan-saan, sa kanal din ang bagsak niyan at buongkomunidad ang apektado kapag bumaha,” ani Tiangco.
Layon ng panukala na palakasin ang pagpapatupad ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, na nagbabawal sa pagkakalat o pagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay Tiangco, ang mahinang pagpapatupad ng batas at naglilimita sa pagiging epektibo ng mga anti-littering rules.
Tinatayang 750 metric tonelada ng basura at debris ang nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority mula sa daang tubig matapos ang ilang araw na pag-uulan.
“Kapag bumabara ang kanal dahil sa basura, tayong lahat ang apektado—mga pamilyang binabaha, mga motorista, mganegosyo, at mga manggagawang kailangang maglinis. Kaya hindi sapat na may batas. Kailangan may malinaw ding pananagutan sa pagpapatupad nito,” pahayag ni Tiangco.
Sa ilalim ng panukala, ang mga local officials at empleyado na bigong magpatupad ng batas ay posibleng kumaharap sa 15 araw na suspension without pay sa unang offense, 30 araw sa ikalawa at dismissal mula sa serbisyo sa ikatlo at susunod na opensa.
“Ang pag-aatas ng community service na paglilinis ng mga kanal ay naglalayong ipaunawa sa mga lumalabag na higit na madali at halos walang hirap ang wastong pagtatapon ng basura kaysa sa napakahirap, matrabaho, at magastos na paglilinis ng mga kanal at drainage system na nababarahan dahil sa iresponsableng pagtatapon ng basura. Sa pamamagitan ng aktwal na pakikilahok sa paglilinis ng mga kanal, inaasahang magkakaroon sila ng mas malalim na pag-unawa sa masasamang epekto ng hindi wastong pagtatapon ng basura at mas matibay na pagpapahalaga sa kanilang personal na pananagutan sa pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran,” ani Tiangco.
Ang isang offender na nabigong gawin ang kinakailangang community service ay sasailalim sa kaukulang proceedings at penalties sa ilalim ng Revised Penal Code at iba pang batas. (VINA de GUZMAN)