Sa halip na mainis, idinaan na lang sa good vibes…VINCE, naglakad sa baha at nakisakay sa likod ng truck ng bumbero (ni: ROMMEL GONZALES)
- Published on August 19, 2026
- by Francis Paolo Torres
KUNG ilang araw nanalasa ang Hanging Habagat sa maraming lugar sa Pilipinas kabilang na ang Metro Manila.
Naging dahilan ito ng malawakang pagbaha sa iba-ibang areas at hindi lamang mga ordinaryong mamamayan ang nakaranas nito kundi maging ang mga artista.
Isa na rito ang Sparkle male star na si Vince Maristela.
Pero sa halip na magpahayag ng pagkainis at pagkakunsumi ay idinaan ni Vince sa good vibes ang paglalakad niya sa baha!
Nag-video pa ang Pinoy Big Brother ex-housemate habang naglalakad sa binahang kalsada na nakapayong.
Ayon pa sa post ni Vince, mas mabilis pa raw siyang makakarating sa pupuntahan niya na naglalakad kaysa nakasakay sa kotse dahil sa matinding trapik sa mga oras na iyon sa Marcos Highway.
Makikita rin sa video ni Vince na marami siyang kasabay na naglalakad rin sa gitna ng ulan at pagbaha. Makikita rin ang maraming sasakyan na hindi na makaandar dahil sa matinding trapiko at pagbaha.
Sa kanyang paglalakad ay nakarating si Vince sa entrance ng isang subdibisyon sa Rizal at doon ay isa na namang nakakaaliw na bagay ang ginawa niya; nakisakay si Vince sa likod ng truck ng bumbero kasama pa rin ang ibang tao para lamang makarating sa kanilang destinasyon!
***
GOOD news para sa mga fans, in-announce na ang pagkakaroon ng “Pinoy Big Brother Collab 3.0”!
Ibinalita ito ng PBB hosts na sina Gabbi Garcia, Bianca Gonzalez at Kim Chiu recently sa “It’s Showtime.”
And kung sa naunang dalawang collab season na puro mga celebrity ang mga housemates, ngayon ay may pagkakataon na ang mga ordinaryong Pilipino na makapasok sa sikat na bahay ni Kuya.
Magkakaroon na ng auditions para sa mga ordinaryong mamamayan mula sa iba’t-ibang sulok ng mundo para mapabilang sa panibagong batch ng mga housemate sa Bahay ni Kuya.
Ang auditions ay para sa lahat ng Pilipino saanman sa mundo na ages 18 to 35.
Kailangang mag-upload ng mga gustong sumali ng isang minutong video upang ipakilala ang kanilang sarili at ipaliwanag kung bakit karapat-dapat silang maging housemate sa “Pinoy Big Brother.”
Ang audition period ay hanggang Agosto 31.