DOH: 220 leptospirosis deaths naitala ngayong 2026
- Published on August 20, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAKAPAGTALA ang Department of Health (DOH) ng 220 leptospirosis deaths mula Enero hanggang Agosto 8, 2026, ayon kay DOH Disease Prevention and Control Medical Officer Dr. Anne Dominique Asis-Matuba.
Sa kabuuan, may 3,440 kaso ng leptospirosis ngayong taon — mas mababa kumpara sa 5,318 kaso noong 2025. Gayunman, nagbabala si Asis-Matuba na dapat pa ring mag-ingat lalo na matapos ang mga pagbaha.
Nagpaalala siya sa publiko na umiwas sa paglusong o paglalaro sa baha. Kung hindi maiwasan, magsuot ng bota, at agad na maghugas ng katawan gamit ang tubig at sabon, lalo na kung may sugat. Pinakamahalaga aniya ang pagkonsulta sa doktor o health center sa loob ng 24 hanggang 48 oras matapos ma-expose sa baha.
Tiniyak din ng opisyal na maaaring makuha nang libre sa health centers ang doxycycline, ngunit dapat munang magpakonsulta bago uminom ng gamot dahil hindi ito ligtas para sa lahat, gaya ng mga buntis, nagpapasuso, o may allergy.
Dagdag pa ni Asis-Matuba, ang tamang dosage ay nakabatay sa antas ng exposure: Kung walang sugat, dalawang kapsula sa loob ng 24–72 oras. Kung may sugat, dalawang kapsula araw-araw sa loob ng 3–5 araw.
Binigyang-diin ng DOH na ang leptospirosis ay nakamamatay kung hindi maagapan, kaya’t mahalaga ang maagap na pagpapatingin sa doktor at tamang pag-iwas sa baha.