• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July, 2026

Sa ikalawang araw…Viral video ni VP Sara Duterte pinalabas sa impeachment trial

Posted on: July 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINALABAS sa Senate impeachment court ang video ng online press conference ni Vice President Sara Duterte noong Nobyembre 2024 bilang bahagi ng presentasyon ng ebidensya ng House prosecution sa ikalawang araw ng impeachment trial.

Sa naturang video, narinig ang pahayag ni Duterte na nagsasabing may inutusan siyang patayin sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.

Ang naturang video ay bahagi ng mga ebidensyang iniharap kaugnay ng mga alegasyong nakasaad sa impeachment complaint laban sa bise presidente.

Samantala, nagsimula ang presentasyon ng mga testigo sa ikalawang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos iharap ng House prosecution ang unang witness na si John Mark Calilung ng National Bureau of Investigation Cybercrime Division.

Tinalakay ni Calilung ang proseso ng pagpreserba at pag-authenticate ng video ng online press conference ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024 na ginagamit ng prosecution bilang ebidensya sa artikulo ng grave threats.

Paulit-ulit namang tumutol ang depensa sa testimonya at sa mga dokumentong iniharap, ngunit ibinasura ni presiding officer Sen. Chiz Escudero ang karamihan sa mga objection upang magpatuloy ang pagdinig.

 (DARIS JOSE)

Tuloy-tuloy ang Aksyon para sa Kalinisan at Kaligtasan sa Barangay 17!

Posted on: July 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINANGUNAHAN ni Punong Barangay Danilo D. Gloria ang malawakang paglilinis sa komunidad ng Brgy. 17, Zone 2, District 2, Caloocan City. Katuwang ang mga opisyal at staff ng barangay, isinagawa ang regular na de-clogging ng mga kanal upang masiguro ang mabilis na daloy ng tubig at maiwasan ang pagbaha ngayong panahon ng tag-ulan.

Bukod sa lingguhang Clean-up Drive at Clearing Operations, prayoridad din ng administrasyon ni Kap. Gloria ang kalusugan at kapakanan ng mga residente sa pamamagitan ng mga sumusunod na programa:

Lingap Pangkalusugan: Pamamahagi ng mga libreng gamot para sa mga Senior Citizens at kabataan.

Kaligtasan laban sa Rabies: Libreng Anti-Rabies vaccination para sa mga alagang hayop.

Nutrisyon: Regular na Feeding Program para sa mga bata.

Upang mas mapataas ang antas ng seguridad at kahandaan sa sakuna, nagkabit din ng mga karagdagang CCTV camera para sa 24/7 monitoring, naglagay ng mga bagong ilaw sa kalsada, at naghanda ng mga fire extinguisher para sa mga hindi inaasahang sunog.

Lubos naman ang pasasalamat ni Kapitan Gloria kay Mayor Along Malapitan sa patuloy na suporta at mga programang ibinababa ng pamahalaang lungsod para sa ikauunlad ng kanilang barangay. 

(Sonny Asignacion)

Tennis star Alexandra Eala panalo pa rin sa puso ng masang Pilipino

Posted on: July 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PANALO pa rin si tennis star Alexandra Eala sa puso ng masang Pilipino.

Ito ang inihayag ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III bilang pagbibigay pugay kay Eala bagama’t di na siya umabot sa quarterfinals ng prestiyosong Wimbledon sa Britanya.

“Hindi man nagtapos sa panalo ang makasaysayang kampanya mo sa Wimbledon, Alex, panalo ka pa rin sa puso ng bawat Pilipino,” sabi ni Dy.

Ani Dy, ang kampanya ni Eala na i-promote ang Philippine tennis sa Wimbledon ay naging matagumpay matapos niyang matalo ang No. 2 seeded player at defending champion Iga Swiatek ng Poland.

“Every match, every victory, every loss is another step forward in what is already becoming an extraordinary career,” sinabi ni Dy.

Pinamunuan ni Dy ang mga mambabatas sa pagpasasalamat kay Eala sa pagbibigay inspirasyon sa mga at atleta at mga kabataan.

“Maraming salamat sa karangalang ibinigay mo sa ating bayan. Proud kaming lahat sa’yo. The best is yet to come.”

 (Vina de Guzman)

Impeachment process, ginawa para panagutin ang sinumang tiwaling opisyal ng gobyerno

Posted on: July 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANG milyun-milyong boto na nakuha ni Vice President Sara Duterte ay hindi nangangahulugan na maaari na siyang gumawa ng katiwalian, ayon kay House prosecution panel adviser at spokesperson Robert Ace Barbers.

Ito rin ang pahayag ni Barbers bilang kasagutan sa argumento ni Atty. Sheila Sison, lead defense counsel ni Duterte, na ang pakay ng impeachment ay para mapatalsik ang Bise Presidente at sayangin ang 32.2 million na bumoto sa kanya nung 2022 national elections.

“Does that mean because you’re the most powerful person in the government and because you were able to get X amount of votes, does that give you a license to commit all these violations? Sa aking palagay, medyo hindi iyon ang intensyon ng gumawa ng ating Saligang Batas,” sabi ni Barbers.

Pinaliwanag ni Barbers na ang impeachment process ay ginawa para panagutin ang sinumang tiwaling opisyal ng gobyerno. 

Nakasaad sa Article XI, Section 2 ng 1987 Constitution, na tanging ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga miyembro ng Supreme Court, mga miyembro ng Constitutional Commissions, at Ombudsman ay maaaring matanggal sa tungkulin sa pamamagitan ng impeachment. 

“Kaya nga nilagay ito sa ating Constitution ay para proteksyunan ang interes ng ating mamamayang Pilipino laban sa mga posibleng pag-abuso o paglabag ng ating matataas na opisyal sa gobyerno,” ani Barbers.

“The Constitution does not exempt anyone from accountability simply because they received millions of votes,” dagdag pa ng dating kongresista. (Vina de Guzman)

3 isinelda sa sugal, droga sa Valenzuela

Posted on: July 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SWAK sa kulungan ang pitong indibidwal kabilang ang tatlong hinihinalang sangkot sa droga matapos maaresto sa ‘Oplan Galugad’ operation sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Dakong alas-2:10 ng Martes ng madaling araw, nagsasagawa ng anti-criminality operation “Oplan Galugad” ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento sa A. Industrial St., Brgy., Karuhatan, nang maaktuhan nila ang tatlong indibidwal na nagsusugal umano ng ‘lucky 9’.

Nilapitan nila ang mga ito sabay nagpakilala mga pulis na katalaga sa Police Sub-Station 9 bago inaresto at nasamsam sa mga suspek ang bet money, gambling parapernalya at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha umano kay alyas “Ros”, 41, waiter.

Nauna rito, alas-2:00 ng Lunes ng hapon nang maaresto naman ng mga tauhan ng Police Sub-Station 6 ang dalawang kelot habang naglalaro ng sugal na ‘cara y cruz’ sa Lingahan Road. Brgy., Malanday at nakuha sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakumpiska umano kay alyas “Danilo”, 37.

Noong nakaraang Linggo, alas-6:40 ng gabi nang matimbog din ng mga tauhan ng SS6 ang dalawang lalaki na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz sa D. Santiago St., Brgy., Malanday. Nasamsam sa kanila ang bet money, gamling parapernalya at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano kay ‘Rey’.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-Gambling Law) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang hinihikayat naman ni Col. Talento ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon sa pulisya. (Richard Mesa)

BENEPISYO SA MGA PULIS, GURO, SENIOR CITIZENS , ESTUDYANTE AT PWD, IBINIGAY NI ISKO

Posted on: July 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPALABAS si Manila Mayor Francsico “Isko Moreno” Domagoso ng P688.9 milyong benepisyo para sa 359,295 pulis, guro, estudyante, senior citizens, PWD, at solo parent.

Ito ay may kabuuang P688,901,100 na benepisyo para sa 359,295 benepisyaryo mula sa iba’t ibang sektor sa kanyang “Talk to the People” Facebook livestream nitong Martes, Hulyo 7.

Sinabi ni Atty. Paul Vega, ng City Treasusrer’s Office na ang pondo ay sasaklaw sa tatlong programa: P158,757,600 para sa mga benepisyaryo ng mga ordinansang pinondohan ng lungsod na ipamamahagi mula Hulyo 8 hanggang 11; P452,353,500 para sa monetary allowances ng 293,655 benepisyaryo na ipamamahagi mula Hulyo 22 hanggang 24; at P77,790,000 para sa Social Pension ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 25,930 senior citizens, na ilalabas din mula Hulyo 22 hanggang 24.

“Nilalaan po namin ay humigit-kumulang 688 million, 900 thousand na ire-release ngayong 1 ng July,” ani Domagoso. Nilinaw niyang P611,111,100 sa kabuuang halaga ay mula sa pondo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, habang ang P77,790,000 ay mula sa pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng DSWD.

Sa ilalim ng programa ng mga ordinansang pinondohan ng lungsod, 4,447 na tauhan ng Manila Police District ang tatanggap ng P2,500 kada buwan para sa Abril hanggang Hunyo, na nagkakahalaga ng P33,305,000. Tatanggap din ng kaparehong insentibo ang 358 na tauhan ng Bureau of Fire Protection at 431 na miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology para sa parehong panahon.

Makakatanggap naman ang 12,466 na guro ng P2,000 buwanang insentibo para sa Abril hanggang Hunyo, na may kabuuang halagang P69,237,841.54. Samantala, ang 5,524 na Grade 12 students ng DepEd Manila ay makatatanggap ng P500 para sa buwan ng Hunyo, na umaabot sa P2,762,000.

Makikinabang din ang mga mag-aaral ng dalawang unibersidad ng lungsod. Ang 9,155 na estudyante ng Universidad de Manila ay tatanggap ng P1,000 bawat isa para sa Abril at Mayo na may kabuuang P18,310,000, habang ang 7,869 na estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila ay makatatanggap din ng parehong halaga na nagkakahalaga ng P15,738,000. Ang EARIST naman ay tatanggap ng dalawang quarterly subsidy na tig-P6,803,135.

Sa ilalim ng monetary allowance program, 11,515 menor de edad na persons with disabilities (PWDs), 51,766 adult PWDs, at 17,281 solo parents ang bawat isa ay tatanggap ng P500 kada buwan para sa Abril hanggang Hunyo. Ang pamamahagi ng mga ito ay nakatakda rin sa Hulyo 22 hanggang 24.

Samantala, ang 212,553 senior citizens ng Maynila ay makatatanggap ng P500 kada buwan para sa Abril hanggang Hunyo na may kabuuang P331,445,000. Bukod dito, ang 25,930 senior citizens na rehistrado sa DSWD ay makatatanggap pa ng karagdagang P1,000 kada buwan para sa parehong panahon sa ilalim ng Social Pension Program ng pambansang pamahalaan. Dahil dito, dalawang magkaibang benepisyo ang matatanggap ng mga kwalipikadong senior citizens. (Gene Adsuara)

Lumang bodega, tinupok ng apoy sa Valenzuela

Posted on: July 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SUMIKLAB ang sunog sa isang lumang bodegang imbakan ng mga scrap na dahilan upang matupok ito sa Valenzuela City, Martes ng umaga .

Hindi pa batid ang dahilan ng pagsiklab ng sunog sa lumang bodega sa Molina St. Brgy. Veinte Reales pasado alas-7:00 ng umaga na kaagad itinaas sa ikalawang alarma bandang alas-7:51 matapos ang malakas na lagablab ng apoy at makapal na itim na usok.

Kaagad namang nakontrol ng mga nagrespondeng tauhan ng Valenzuela City Bureau of Fire Protection (BFP), sa ilalim ng pangangasiwa ni City Fire Marshal F/Supt. Ma. Theresa Alqueza ang sunog dakong alas 8:30 ng umaga, kaya’t hindi na kumalat ang apoy sa mga katabi pang istraktura.

Alas-9:22 ng umaga nang tuluyang maapula ng mga bumbero ang apoy na tumupok sa hindi pa batid na halaga ng iba’t ibang uri ng scrap na plastic, metal, at hindi pa batid na uri ng kemikal na nakalagay na mistulang supot ng semento.

Wala namang napaulat na nasawi o nasugatan sa naturang sunog habang patuloy pa rin inaalam ng mga awtoridad ang dahilan ng pagsiklab ng apoy. 

(Richard Mesa)

LTO, PATULOY ANG PAGRE-REVOKE AT PAGSUSPINDE NG MGA LISENSYA; 618 BINAWI, 490 SINUSPINDE

Posted on: July 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMABOT na sa 1,108 driver’s license ng mga pasaway na motorista ang sinuspinde at binawi ng Land Transportation Office (LTO) mula ng manungkulan si Assistant Secretary Markus V. Lacanilao noong Oktubre 2025 bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga patuloy na lumalabag sa batas-trapiko at nagdudulot ng panganib sa kaligtasan ng publiko.

Batay sa pinakabagong datos na inilabas ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO, 618 driver’s license ang binawi habang 490 driver’s license naman ang sinuspinde.

Nahahati sa mga sumusunod ang kabuuang bilang ng mga lisensyang binawi:

8 – isang (1) taong revocation 

476 – dalawang (2) taong revocation 

32 – apat (4) na taong revocation 

102 – permanenteng revocation 

Nahahati naman sa mga sumusunod ang kabuuang bilang ng mga lisensyang sinuspinde:

37 – isang (1) buwang suspensyon 

336 – tatlong (3) buwang suspensyon 

11 – anim (6) na buwang suspensyon 

1 – pitong (7) buwang suspensyon 

105 – isang (1) taong suspensyon

Samantala, sa loob lamang ng halos tatlong linggo, mula 11 Hunyo hanggang 4 Hulyo 2026, nakapagtala ang LTO ng 184 revocation at 94 suspension cases dahil sa iba’t ibang mabibigat na paglabag sa batas-trapiko. Ipinakikita nito ang patuloy na mahigpit na pagpapatupad ng LTO ng mga umiiral na batas at regulasyon ng ahensya.

Ayon kay Assistant Secretary Lacanilao, malinaw na ipinakikita ng mga datos na nananatiling matatag ang kampanya ng LTO sa pagpapanagot sa mga motoristang patuloy na nagsasawalang-bahala sa mga batas-trapiko at sa kaligtasan ng publiko.

Magpapatuloy ang LTO sa masusing monitoring, imbestigasyon, at pagdinig sa mga kasong may kaugnayan sa paglabag sa batas-trapiko upang matiyak na napapanagot ang mga lumalabag at hindi na makapaminsala pa sa ibang gumagamit ng kalsada.

“Ang layunin natin ay hindi lamang magpataw ng parusa kundi higit sa lahat ay mapanatili ang disiplina sa lansangan at maprotektahan ang buhay ng bawat gumagamit ng ating mga kalsada. Patuloy nating pairalin ang responsableng pagmamaneho at ang mahigpit na pagsunod sa batas para sa kaligtasan ng lahat,” sabi ni Assistant Secretary Lacanilao.

Sa datos na ito, ipinakikita na sa ilalim ng pamumuno ni Assistant Secretary Lacanilao, patuloy na isinusulong ng LTO ang mahigpit at walang kinikilingang pagpapatupad ng batas-trapiko at patuloy na umaaksyon sa lahat ng pagkakataon. (PAUL JOHN REYES)

Quezon City LGU pinawi pangamba sa pagtaas ng Covid-19

Posted on: July 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TAHASANG sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na walang dapat na ikaalarma ang publiko sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Quezon City sa nakalipas na tatlong linggo dahil nananatili itong “manageable”.

Ayon kay Belmonte, mahigpit na mino-monitor ng lokal na pamahalaan ang sitwasyon kaya hindi dapat na maalarma ang QCitizens.

“We assure the public that the city government is closely monitoring these developments. While there has been an increase in cases, they still represent a very small percentage of our total population. We are not seeing any clustering of cases, and all reported infections have been mild and isolated,” ani Belmonte.

Sinabi pa ni Belmonte na patuloy na magbibigay ang City Health Department ng angkop na serbisyong medikal sa mga residenteng makakaranas ng kahalintulad na sintomas sa pamamagitan ng mga city health center at mga ospital ng lungsod.

Hinikayat din niya ang publiko na manatiling mapagmatyag ngunit huwag mag-panic, at agad na magpatingin sa doktor kung makaranas ng sintomas, kasabay ng patuloy na pagsunod sa mga simpleng hakbang sa pag-iwas upang maprotektahan ang sarili at ang komunidad.

Base sa talaan ng Que­zon City Epidemiology and Surveillance Division (CESD), nasa 23 na kaso ng COVID-19 ang naitala mula Mayo 21 hanggang Hunyo 10. Tumaas pa ito sa 84 na kaso mula Hunyo 11 hanggang Hulyo 1.

Ayon kay Belmonte, patuloy na nagbibigay ng libreng medical consultations ang 66 health cen­ters sa lungsod at nagbibigay ng libreng COVID-19 testing at mga gamot.

Ads July 8, 2026

Posted on: July 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments