Impeachment process, ginawa para panagutin ang sinumang tiwaling opisyal ng gobyerno
- Published on July 8, 2026
- by Francis Paolo Torres
ANG milyun-milyong boto na nakuha ni Vice President Sara Duterte ay hindi nangangahulugan na maaari na siyang gumawa ng katiwalian, ayon kay House prosecution panel adviser at spokesperson Robert Ace Barbers.
Ito rin ang pahayag ni Barbers bilang kasagutan sa argumento ni Atty. Sheila Sison, lead defense counsel ni Duterte, na ang pakay ng impeachment ay para mapatalsik ang Bise Presidente at sayangin ang 32.2 million na bumoto sa kanya nung 2022 national elections.
“Does that mean because you’re the most powerful person in the government and because you were able to get X amount of votes, does that give you a license to commit all these violations? Sa aking palagay, medyo hindi iyon ang intensyon ng gumawa ng ating Saligang Batas,” sabi ni Barbers.
Pinaliwanag ni Barbers na ang impeachment process ay ginawa para panagutin ang sinumang tiwaling opisyal ng gobyerno.
Nakasaad sa Article XI, Section 2 ng 1987 Constitution, na tanging ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga miyembro ng Supreme Court, mga miyembro ng Constitutional Commissions, at Ombudsman ay maaaring matanggal sa tungkulin sa pamamagitan ng impeachment.
“Kaya nga nilagay ito sa ating Constitution ay para proteksyunan ang interes ng ating mamamayang Pilipino laban sa mga posibleng pag-abuso o paglabag ng ating matataas na opisyal sa gobyerno,” ani Barbers.
“The Constitution does not exempt anyone from accountability simply because they received millions of votes,” dagdag pa ng dating kongresista. (Vina de Guzman)