• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

BENEPISYO SA MGA PULIS, GURO, SENIOR CITIZENS , ESTUDYANTE AT PWD, IBINIGAY NI ISKO

NAGPALABAS si Manila Mayor Francsico “Isko Moreno” Domagoso ng P688.9 milyong benepisyo para sa 359,295 pulis, guro, estudyante, senior citizens, PWD, at solo parent.

Ito ay may kabuuang P688,901,100 na benepisyo para sa 359,295 benepisyaryo mula sa iba’t ibang sektor sa kanyang “Talk to the People” Facebook livestream nitong Martes, Hulyo 7.

Sinabi ni Atty. Paul Vega, ng City Treasusrer’s Office na ang pondo ay sasaklaw sa tatlong programa: P158,757,600 para sa mga benepisyaryo ng mga ordinansang pinondohan ng lungsod na ipamamahagi mula Hulyo 8 hanggang 11; P452,353,500 para sa monetary allowances ng 293,655 benepisyaryo na ipamamahagi mula Hulyo 22 hanggang 24; at P77,790,000 para sa Social Pension ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 25,930 senior citizens, na ilalabas din mula Hulyo 22 hanggang 24.

“Nilalaan po namin ay humigit-kumulang 688 million, 900 thousand na ire-release ngayong 1 ng July,” ani Domagoso. Nilinaw niyang P611,111,100 sa kabuuang halaga ay mula sa pondo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, habang ang P77,790,000 ay mula sa pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng DSWD.

Sa ilalim ng programa ng mga ordinansang pinondohan ng lungsod, 4,447 na tauhan ng Manila Police District ang tatanggap ng P2,500 kada buwan para sa Abril hanggang Hunyo, na nagkakahalaga ng P33,305,000. Tatanggap din ng kaparehong insentibo ang 358 na tauhan ng Bureau of Fire Protection at 431 na miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology para sa parehong panahon.

Makakatanggap naman ang 12,466 na guro ng P2,000 buwanang insentibo para sa Abril hanggang Hunyo, na may kabuuang halagang P69,237,841.54. Samantala, ang 5,524 na Grade 12 students ng DepEd Manila ay makatatanggap ng P500 para sa buwan ng Hunyo, na umaabot sa P2,762,000.

Makikinabang din ang mga mag-aaral ng dalawang unibersidad ng lungsod. Ang 9,155 na estudyante ng Universidad de Manila ay tatanggap ng P1,000 bawat isa para sa Abril at Mayo na may kabuuang P18,310,000, habang ang 7,869 na estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila ay makatatanggap din ng parehong halaga na nagkakahalaga ng P15,738,000. Ang EARIST naman ay tatanggap ng dalawang quarterly subsidy na tig-P6,803,135.

Sa ilalim ng monetary allowance program, 11,515 menor de edad na persons with disabilities (PWDs), 51,766 adult PWDs, at 17,281 solo parents ang bawat isa ay tatanggap ng P500 kada buwan para sa Abril hanggang Hunyo. Ang pamamahagi ng mga ito ay nakatakda rin sa Hulyo 22 hanggang 24.

Samantala, ang 212,553 senior citizens ng Maynila ay makatatanggap ng P500 kada buwan para sa Abril hanggang Hunyo na may kabuuang P331,445,000. Bukod dito, ang 25,930 senior citizens na rehistrado sa DSWD ay makatatanggap pa ng karagdagang P1,000 kada buwan para sa parehong panahon sa ilalim ng Social Pension Program ng pambansang pamahalaan. Dahil dito, dalawang magkaibang benepisyo ang matatanggap ng mga kwalipikadong senior citizens. (Gene Adsuara)