LTO, PATULOY ANG PAGRE-REVOKE AT PAGSUSPINDE NG MGA LISENSYA; 618 BINAWI, 490 SINUSPINDE
- Published on July 8, 2026
- by Francis Paolo Torres
UMABOT na sa 1,108 driver’s license ng mga pasaway na motorista ang sinuspinde at binawi ng Land Transportation Office (LTO) mula ng manungkulan si Assistant Secretary Markus V. Lacanilao noong Oktubre 2025 bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga patuloy na lumalabag sa batas-trapiko at nagdudulot ng panganib sa kaligtasan ng publiko.
Batay sa pinakabagong datos na inilabas ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO, 618 driver’s license ang binawi habang 490 driver’s license naman ang sinuspinde.
Nahahati sa mga sumusunod ang kabuuang bilang ng mga lisensyang binawi:
8 – isang (1) taong revocation
476 – dalawang (2) taong revocation
32 – apat (4) na taong revocation
102 – permanenteng revocation
Nahahati naman sa mga sumusunod ang kabuuang bilang ng mga lisensyang sinuspinde:
37 – isang (1) buwang suspensyon
336 – tatlong (3) buwang suspensyon
11 – anim (6) na buwang suspensyon
1 – pitong (7) buwang suspensyon
105 – isang (1) taong suspensyon
Samantala, sa loob lamang ng halos tatlong linggo, mula 11 Hunyo hanggang 4 Hulyo 2026, nakapagtala ang LTO ng 184 revocation at 94 suspension cases dahil sa iba’t ibang mabibigat na paglabag sa batas-trapiko. Ipinakikita nito ang patuloy na mahigpit na pagpapatupad ng LTO ng mga umiiral na batas at regulasyon ng ahensya.
Ayon kay Assistant Secretary Lacanilao, malinaw na ipinakikita ng mga datos na nananatiling matatag ang kampanya ng LTO sa pagpapanagot sa mga motoristang patuloy na nagsasawalang-bahala sa mga batas-trapiko at sa kaligtasan ng publiko.
Magpapatuloy ang LTO sa masusing monitoring, imbestigasyon, at pagdinig sa mga kasong may kaugnayan sa paglabag sa batas-trapiko upang matiyak na napapanagot ang mga lumalabag at hindi na makapaminsala pa sa ibang gumagamit ng kalsada.
“Ang layunin natin ay hindi lamang magpataw ng parusa kundi higit sa lahat ay mapanatili ang disiplina sa lansangan at maprotektahan ang buhay ng bawat gumagamit ng ating mga kalsada. Patuloy nating pairalin ang responsableng pagmamaneho at ang mahigpit na pagsunod sa batas para sa kaligtasan ng lahat,” sabi ni Assistant Secretary Lacanilao.
Sa datos na ito, ipinakikita na sa ilalim ng pamumuno ni Assistant Secretary Lacanilao, patuloy na isinusulong ng LTO ang mahigpit at walang kinikilingang pagpapatupad ng batas-trapiko at patuloy na umaaksyon sa lahat ng pagkakataon. (PAUL JOHN REYES)