• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July, 2026

Padilla binira, tanggap ‘unggoy’ video ng China

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG malaking insulto umano sa 26 milyong Pilipino na bumoto kay Sen. Robin Padilla ang pagtanggap nito sa panunuya ng China na mga unggoy ang mga Pilipino, ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Jay Tarriela.

“Hindi po unggoy ang mga Pilipino. I believe it is an insult to the more than 26 million Filipinos who voted for you na tinanggap ninyo na unggoy tayo,” saad ni Tarriela na dismayado sa naging tugon ni Padilla.

Ang pahayag ay reaksyon sa Facebook post ng senador hinggil sa China Daily’s AI-generated video na nilibak ang mga Pinoy bilang unggoy. Sa naturang post, tila kinampihan pa ni Padilla ang China sa pagsasabing lahat ng tao ay unggoy na magkakaiba lang ng kulay. Mariin itong tinutulan ni Tarriela na iginiit na hindi dapat tanggapin ng mga Pilipino ang anumang pang-iinsulto sa kanilang lahi.

“As for the Chinese media, aren’t we all monkeys of different colors in the eyes of white colonizers/supremacists? Filipinos are brown, and Chinese and Japanese are yellow. We cannot deny our relativity to each other,” ani Padilla sa kanyang Facebook post. Kilala si Padilla bilang pro-China.

“Ako po, bilang Pilipino, ay hindi kailanman tatanggapin na unggoy ang aking lahi — at hindi ko rin matatanggap na unggoy ang mga susunod pang salinlahi ng ating bansa. Ang tunay na paggalang sa ating lahi ay ang ipagtanggol ito — hindi ang tanggapin ang pang-iinsulto!” giit ni Tarriela, na kilala sa katapangan sa pagtatanggol sa West Philippine Sea (WPS).

Samantala, pinalagan din ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. ang pang-iinsulto ng China laban sa mga Pinoy. Aniya, hindi pasisiil ang bansa sa maling naratibo at ipagpapatuloy ang pagdepensa sa karapatan ng Pilipinas sa loob ng 200-nautical mile Exclusive Economic Zone (EEZ).

“This mockery of the lawful 2016 Arbitral Award and the video’s glorification of violence against the Filipino people and soldiers expose the moral and intellectual bankruptcy of China’s propaganda machine,” ani Teodoro, na binigyang-diin na panunuya sa legal na tagumpay ng Pilipinas ang naturang AI video. ( DARIS JOSE)

Cash aid sa 7.5 milyong mahihirap, low-income lalarga na

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SISIMULAN na sa susunod na linggo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng ?2,000 cash assistance sa 7.5 milyong benepisyaryo ng pinalawak na Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) na kinabibilangan ng poor, near-poor, at low-income households.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, hinati sa tatlong grupo ang mga tatanggap ng ayuda. Ang Group 1 ay binubuo ng 3.5 milyong Filipino na naka-enrol sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program (WGP).

Group 2 ay ang 2.5 milyong indibidwal na hindi kabilang sa 4Ps ngunit tinukoy na poor at near-poor batay sa 2024 Community-Based ­Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Samantala ang Group 3 ay ang 1.5 milyong low-income Filipinos na may Social Security System (SSS) accounts.

Ani Gatchalian, agad na makakukuha ng ayuda ang Group 1 at Group 3 dahil ididiretso ito sa kanilang accounts. Para sa Group 2, magsisimula ang manual payout, validation, at enrollment ng digital accounts sa susunod na linggo.

Isang beses lamang makatatanggap ng ?2,000 ang mga benepisyaryo ng 4Ps at WGP, samantalang anim na buwan (Hulyo-Disyembre) makatatanggap ang mga near-poor at lower-middle-income households.

Binanggit ni Gatchalian na layon ng programa na protektahan ang mga pinakamadaling maapektuhan ng tinaguriang “energy emergency.” Base sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), nasa 14M Pinoy ang mahirap. ( DARIS JOSE)

PNP, pinaigting ang imbestigasyon sa pagpatay sa vlogger sa Caloocan

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAIGTING ng Philip­pine National Police (PNP) ang imbestigasyon sa pagpaslang sa vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lapata na binaril sa harap ng kanyang bahay noong Biyernes ng madaling araw sa Caloocan City.

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., nais niya ang komprehensibong  pagsisiyasat sa kaso kabilang ang anggulong posibleng may kaugnayan ang krimen sa pagiging aktibo ng biktima bilang political vlogger gayundin ang  umano’y usapin sa pera.

Sinabi ni Nartatez na walang puwang ang karahasan sa mala­yang pamamahayag. Aniya, bagama’t magkakaiba ang paniniwala at opinyon ng bawat isa, pananagutan ng PNP na protektahan ang karapatang ito at tiyaking mapapanagot ang mga responsable sa krimen.

Tukoy naman na ng pulisya ang mga suspek na riding-in-tandem na bumaril sa biktimang si Lapata na sakay ng motorsiklo ang bumaril sa biktimang si Lapata, 25 at sa live-in partner nitong si alyas “Nellboy”, 25, sa harap ng kanyang bahay sa Tierra Nova sa Caloocan City. Inatasan din ang Anti-Cybercrime Group (ACG) na suriin ang mga post at iba pang nilalaman ng kanyang social media accounts na maaaring makatulong sa pagtukoy sa motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek.

Pinatitiyak din ni Nartatez sa NCRPO ang seguridad ng partner ng biktima na patuloy na nagpapagaling sa ospital. Aniya, gagawin nila ang lahat upang matukoy at maaresto ang mga res­ponsable sa krimen. Nabatid na tukoy na ng pulisya ang mga suspek. ( DARIS JOSE)

Plantsado na ang lahat…20K pulis ikakalat sa SONA ni PBBM

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG linggo bago ang ika-5 o 2026 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na plantsado na ang kanilang pag­hahanda kabilang ang pagtatalaga ng mahigit 20,000 pulis sa Hulyo 27 sa Quezon City.

Sinabi ni NCRPO spokesperson PMaj Hazel Asilo, 100 porsyento nang handa ang nasa 20, 229 na pulis upang siguraduhin na magi­ging maayos at payapa ang SONA sa kabila ng inaasahang libu-libong katao, kabilang ang iba’t ibang cause-oriented groups.

Hindi bababa sa apat na grupo ang inaasahang magsasagawa ng demonstrasyon, batay sa grupong humingi ng permit sa Quezon City local government unit para sa rally sa paligid ng Kongreso bagamat hindi pa sila inisyuhan ng permit. Makikipagpulong din ang NCRPO sa mga grupo ng raliyista na planong magsagawa ng rally upang matukoy kung saan sila dapat na nakapuwesto. Nasa heightened alert status na ang NCRPO na nangangahulugan na suspendido pansamantala ang lahat ng leave at day-off ng mga pulis.

Pinaalalahanan naman ni PNP Chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr. ang lahat ng pulis na pairalin ang maximum tolereance at propes­yonalismo sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Ang SONA ay isinasagawa taun-taon tuwing huling Lunes ng Hulyo, kung saan inihaharap ng Pangulo ang kalagayan ng bansa, mga nagawa ng administrasyon, at mga prayo­ridad na panukalang nais nitong maisabatas. ( DARIS JOSE)

P60 price cap sa booking fees ng app-based taxis

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGTAKDA ng price cap ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa booking o platform fees ng mga passenger taxis sa buong bansa, partikular sa Metro Manila.Ayon kay LTFRB chairman Vigor Mendoza, inaprubahan na ang Me­morandum Circular (MC) 2026-055 na magsisilbing gabay para sa mga taxi operators na gumagamit ng digital o online platforms.

Batay sa MC, pinapayagan ang mga taxi units na maningil ng hanggang 20% ng total approved rate o P60 kung alin man ang mas mababa.

“No additional booking fee, convenience fee, service fee, platform surcharge, or similarly denominated charge beyond the foregoing authorized amount shall be imposed or collected without prior approval from the Board,” nakasaad sa MC.

Binigyang-diin ng LTFRB na layunin ng hakbang na gawing iisa ang computation, disclosure, at collection ng booking fees upang matiyak ang transparency, maprotektahan ang riding public, at mapanatili ang patas at reasonable na singil sa transportasyon.

Dagdag pa sa MC, anumang operator, platform provider, o driver na lalabag sa probisyon ay maaaring patawan ng kaukulang administrative sanctions gaya ng multa, suspensyon, kanselasyon ng prangkisa o accreditation, at iba pang parusa alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon. (Daris Jose)

NEWS 5

BOC nagbabala vs ‘love scams’

NAGBABALA ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko laban sa “online lover parcel scam,” kung saan hinihingan ng bayad ang mga biktima para umano sa pagpapalabas ng regalong ipinadala ng mga nakilala lamang sa social media o online.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, walang opisyal o kawani ng BOC ang awtorisadong tumanggap ng bayad sa pamamagitan ng personal bank accounts, e-wallets, o money remittance services.

Hinimok ng BOC ang publiko na huwag basta magtiwala sa mga mensahe, tawag, o email mula sa mga nagpapakilalang taga-Customs at agad na beripikahin ang mga ito sa mga opisyal na tanggapan ng ahensiya.

Karaniwang nagsisimula ang modus sa pakikipagkilala sa social media o online dating platforms, kung saan nagpapadala umano ng regalo ang scammer bago hihingan ng bayad ang biktima upang mailabas ang umano’y parcel na naka-hold sa Customs.

Nagpaalala ang BOC na gumagamit ang mga scammer ng pekeng dokumento, tracking records, at fake websites upang magmukhang lehitimo ang panloloko, kaya’t pinayuhan ang publiko na ­maging mapanuri at huwag agad magpadala ng pera. 

( GENE ADSUARA)

LTFRB, NAGPATUPAD NG LIMITASYON SA BOOKING, PLATFORM FEES NG MGA TAXI NA GUMAGAMIT NG APP-BASED BOOKING SERVICES

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BILANG tugon sa lumalawak na paggamit ng digital platforms sa pampublikong transportasyon, nagpatupad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ng limitasyon sa maaaring singiling booking o platform fee ng mga taxi na gumagamit ng online o app-based booking services.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, bumuo ang Board ng Memorandum Circular (MC) No. 2026-055 bilang gabay sa mga taxi operator at digital booking platform providers. Inaprubahan na ang naturang circular at magkakabisa ito matapos mailathala sa isang pahayagang may pangkalahatang sirkulasyon.

Sa ilalim ng MC No. 2026-055, ang booking o platform fee ay hindi maaaring lumampas sa 20% ng kabuuang aprubadong pasahe o ₱60, alinman ang mas mababa.

Nilinaw ni Chairman Mendoza na ipatutupad ang itinakdang booking o platform fee sa lahat ng taxi na gumagamit ng online transport platforms. Inatasan din ang mga operator na malinaw na ipakita ang booking o platform fee sa fare computation, booking confirmation, at electronic receipt. Hindi rin maaaring maningil ng karagdagang booking fee, convenience fee, service fee, platform surcharge, o iba pang kahalintulad na bayarin nang walang paunang pag-apruba ng LTFRB.

Binuo ang MC matapos makatanggap ang LTFRB ng mga reklamo at katanungan hinggil sa iba’t ibang booking fees na sinisingil ng ilang taxi operator. Sa pagrepaso ng Board, napag-alamang ang tanging umiiral na kaugnay na polisiya ay ang MC No. 2025-058 para sa TNVS, na nagtatakda ng fixed pick-up fare.

Ayon sa LTFRB, ang kawalan ng malinaw na patakaran sa booking fees ng mga taxi ay nagdulot ng hindi pare-pareho at hindi awtorisadong paniningil, na nagiging sanhi ng kalituhan sa mga pasahero at hindi transparent na sistema ng pamasahe. Layunin ng MC No. 2026-055 na magtakda ng malinaw at pare-parehong panuntunan upang maprotektahan ang riding public at matiyak ang makatarungan at makatwirang singil sa transportasyon.

Saklaw ng naturang patakaran ang lahat ng taxi operators at taxi units na gumagamit ng digital o app-based platforms. 

Kabilang sa mga ipinagbabawal sa ilalim ng MC No. 2026-055 ang:

* Paniningil ng hindi awtorisadong booking fee, platform fee, convenience fee, o iba pang kahalintulad na bayarin;

* Pagtatago o maling paglalahad ng mga singil sa pasahero;

* Dobleng paniningil o magkakapatong na booking-related charges;

* Paniningil ng bayaring wala sa aprubadong fare structure o electronic receipt; at

* Pagpapataw ng arbitraryo o dynamic booking charges nang walang paunang pag-apruba ng LTFRB.

Inaatasan din ang mga operator at platform providers na malinaw na ipakita ang lahat ng bahagi ng pasahe bago kumpirmahin ang booking, isama ang lahat ng awtorisadong singil sa electronic receipt o trip summary, at magpanatili ng talaan ng booking-related charges para sa audit, inspeksiyon, at pagsusumite ng mga ulat na maaaring hingin ng LTFRB.

Babala ng LTFRB, ang sinumang operator, platform provider, o driver na lalabag sa Circular ay maaaring patawan ng administratibong parusa, kabilang ang multa, suspensiyon o kanselasyon ng prangkisa o akreditasyon, at iba pang kaparusahan alinsunod sa umiiral na mga batas, alituntunin, at regulasyon. 

(PAUL JOHN REYES)

Tambay, arestado sa baril sa Caloocan

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KALABOSO ang 36-anyos na tambay nang pumalag sa mga pulis matapos maghasik ng sindak habang armado ng baril sa Caloocan City, Sabado ng umaga.

Hindi na nakapalag si alyas “Gabo” nang posasan ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili matapos masukol sa maikling habulan sa Grace Park West, Barangay 46 pasado alas-6 ng umaga.

Sa ulat, nagresponde sa lugar ang mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth nang matanggap ang tawag mula sa Unified 911 Hotline hinggil sa pagwawasiwas umano ng baril ng suspek habang pagala-gala at naghahanap ng makakaaway.

Nang sitahin ng mga pulis, pumalag at nagtatakbong palayo si alyas Gabo hanggang masukol sa maikling habulan at makumpiska ang hawak na hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.

Sinabi ni Col. Goforth na sasampahan nila ng mga kasong Resistance and Disobedience to a Person in Authority, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Alarm and Scandal ang suspek na nakapiit ngayon sa kanilang custodial facility. (Richard Mesa)

Tanod, 3 pa isinelda sa droga sa Valenzuela

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BAGSAK sa selda ang pitong individuals kabilang ang apat na hinihinalang drug personalities nang maaresto ng pulisya sa anti-criminality operation sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Alas-12:40 ng tanghali, nagsasagawa ng ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 9 sa San Francisco St., Brgy., Karuhatan nang maaresto nila ang dalawang indibidwal habang nagsusugal umano ng ‘lucky 9’. Nakumpiska sa dalawa ang gamit na baraha, bet money at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas “Arche’”, 34.

Laglag din sa mga tauhan ng Police Sub-Station 6 ang dalawang lalaki matapos maaktuhan namang nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa C. Santiago St., Brgy. Dalandanan dakong alas-7:00 ng gabi. Nasamsam sa kanila ang P330 bet money, pangara at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nakuha kay alyas “Aljon”, 34.

Nauna rito, alas-6:10 ng gabi nang mahuli sa akto ng mga tauhan ng Police Sub-Station 7 ang 59-anyos na barangay watchman na si alyas “Rico” habang sumisinghot umano ng shabu sa loob ng isang unit ng Disiplina Village, sa Blk 10, Brgy., Bignay makaraang inguso sa pulisya ng 45-anyos na house maid.

Nakuha sa kanya ang isang plastic sachet na naglalaman ng suspected shabu, isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng shabu at mga drug paraphernalia.

Sa Brgy., Ugong, naaresto ng mga tauhan ng Sub-Station 8 ang dalawang kelot habang nagsusugal din umano ng ‘cara y cruz’ sa Tatalon Street, bandang alas-9:40 ng umaga. Nakuha sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nasamsam umano kay alyas “Noel”, 29.

Nanawagan naman si Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento sa pulisya ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga taong may kahina-hinalang gawain. (Richard Mesa)

NPD, may tinutugis ng mga suspek sa pagpaslang sa vlogger sa Caloocan

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAY hinahanting ng mga suspek ang Northern Police District (NPD) sa nangyaring pamamaslang sa isang babaeng pro-administration vlogger sa Caloocan City.

Gayunman, nakiusap ang NPD na hindi muna sila magbibigay ng detalyadong impormasyon sa pagkakilanlan ng mga suspek habang patuloy pa silang nangangalap ng matibay na ebidensiyang mag-uugnay sa mga ito.

Ayon sa NPD, ibinatay ang pagkakakilanlan sa mga suspek matapos ang isinagawang forward at backtracking sa kuha ng mga CCTV sa paligid ng Barangay 171 kung saan nangyari ang pamamaslang.

Lumutang ang posibilidad na madalas makita sa lugar ang mga suspek na posibleng naniirahan din sa naturang barangay o matagal na nilang tinitiktikan ang kilos ng mga biktima.

Tiniyak naman ng NPD na isasapubliko kaagad nila ang progreso ng kanilang imbestigasyon sa oras na maging beripikado na ang impormasyon.

Naunang bumuo si NPD Director P/BGen. Benliner Capili ng Special Investigation Task Group (SITG) na tututok sa masusi, mabilis, at epektibong imbestigasyon sa nangyaring pamamaslang sa babaeng pro-administration vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, 24, at malubhang pagkasugat ng kanyang live-in partner na nangyari sa kanilang tirahan sa Tierra Nova Subdivision Main, Brgy. 171, Biyernes ng madaling araw.

Mariin ding kinondena ng NPD ang nangyaring krimen at nagpaabot na rin ito ng taos-pusong pakikiramay sa naulilang pamilya at mahal sa buhay ng biktima at kasama sila sa panalangin na agarang paggaling sa tinamong sugat ng kanyang kinakasama.

Nanawagan din ang NPD sa sinumang may impormasyon na may kaugnayan sa insidente na makipag-ugnayan sa Caloocan City Police Station, katapat ng pangakong lahat ng kanilang maibabahaging kaalaman ay ituturing na may pinakamataas na antas ng paglilihim. (Richard Mesa)

PILIPINA AT NIGERIAN NATIONAL ARESTADO SA BUY-BUST OPERATION SA CAVITE, ₱3.4-M HALAGA NG SHABU NAKUMPISKA

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAARESTO ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency – Regional Office National Capital Region (PDEA RO-NCR), sa pamamagitan ng Southern District Office, sa pakikipagtulungan ng PDEA Cavite Provincial Office at ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) SOU 4A, ang isang Pilipina at isang Nigerian national at nakumpiska ang humigit-kumulang 500 gramo ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride, o mas kilala sa tawag na shabu, sa isang buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite.

Isinagawa ang operasyon bandang 2:42 ng madaling araw noong Hulyo 17, 2026, sa Bacoor Boulevard, Barangay Niog, Lungsod ng Bacoor.

Ang mga naarestong suspek ay isang 48-taong-gulang na negosyanteng Pilipina at isang 44-taong-gulang na negosyanteng Nigerian. Nahuli sila matapos magbenta ng hinihinalang shabu sa isang undercover operative.

Narekober sa operasyon ang limang nakatali na transparent plastic bag na naglalaman ng humigit-kumulang 500 gramo ng hinihinalang shabu na nakatago sa loob ng isang asul na eco bag, na tinatayang aabot sa halagang ₱3.4-M.

Narekober din ang marked money na ginamit sa operasyon, dalawang mobile phone, identification card, ATM at cash card, isang GCash card, isang Palawan Suki card, at isang wallet.

Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5, Article II of Republic Act No. 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (PAUL JOHN REYES)