• July 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

P60 price cap sa booking fees ng app-based taxis

NAGTAKDA ng price cap ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa booking o platform fees ng mga passenger taxis sa buong bansa, partikular sa Metro Manila.Ayon kay LTFRB chairman Vigor Mendoza, inaprubahan na ang Me­morandum Circular (MC) 2026-055 na magsisilbing gabay para sa mga taxi operators na gumagamit ng digital o online platforms.

Batay sa MC, pinapayagan ang mga taxi units na maningil ng hanggang 20% ng total approved rate o P60 kung alin man ang mas mababa.

“No additional booking fee, convenience fee, service fee, platform surcharge, or similarly denominated charge beyond the foregoing authorized amount shall be imposed or collected without prior approval from the Board,” nakasaad sa MC.

Binigyang-diin ng LTFRB na layunin ng hakbang na gawing iisa ang computation, disclosure, at collection ng booking fees upang matiyak ang transparency, maprotektahan ang riding public, at mapanatili ang patas at reasonable na singil sa transportasyon.

Dagdag pa sa MC, anumang operator, platform provider, o driver na lalabag sa probisyon ay maaaring patawan ng kaukulang administrative sanctions gaya ng multa, suspensyon, kanselasyon ng prangkisa o accreditation, at iba pang parusa alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon. (Daris Jose)

NEWS 5

BOC nagbabala vs ‘love scams’

NAGBABALA ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko laban sa “online lover parcel scam,” kung saan hinihingan ng bayad ang mga biktima para umano sa pagpapalabas ng regalong ipinadala ng mga nakilala lamang sa social media o online.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, walang opisyal o kawani ng BOC ang awtorisadong tumanggap ng bayad sa pamamagitan ng personal bank accounts, e-wallets, o money remittance services.

Hinimok ng BOC ang publiko na huwag basta magtiwala sa mga mensahe, tawag, o email mula sa mga nagpapakilalang taga-Customs at agad na beripikahin ang mga ito sa mga opisyal na tanggapan ng ahensiya.

Karaniwang nagsisimula ang modus sa pakikipagkilala sa social media o online dating platforms, kung saan nagpapadala umano ng regalo ang scammer bago hihingan ng bayad ang biktima upang mailabas ang umano’y parcel na naka-hold sa Customs.

Nagpaalala ang BOC na gumagamit ang mga scammer ng pekeng dokumento, tracking records, at fake websites upang magmukhang lehitimo ang panloloko, kaya’t pinayuhan ang publiko na ­maging mapanuri at huwag agad magpadala ng pera. 

( GENE ADSUARA)